Jellie Aw “getting better” after mauling incident

Jellie Aw to her followers: “Marami pong salamat sa prayers at pag-alala niyo.”
Jellie Aw "getting better" after mauling incident
Jellie Aw: “Sa mga nagwu-worry sa akin, guys, don’t worry. I’m getting better. Kung makikita niyo, may pasa pa ako sa mata at yung ngipin ko, basag pa rin. Pero naka-schedule na po ako sa dentist ko sa Tuesday kaya magagawa na po siya. Ang labi ko, okay na po siya. Tuyo na ang sugat.”

PHOTO/S: Screengrab Jellie Aw on Instagram

Unti-unti nang naghihilom ang mga pasa at sugat sa mukha ng club disc jockey na siJellie Aw mula sa pambubugbog sa kanya ng fiancé niyang si Jam Ignacio.

Sa Instagram nitong Linggo, February 23, 2025, nagbigay ng update si Jellie sa pamamagitan ng paggawa ng video ukol sa kanyang sitwasyon, makaraan ang ilang linggo niyang pagpapagaling.

Ayon sa kilalang DJ, unti-unti nang gumagaling ang mga sugat at pasa niyang natamo mula kay Jam.

Jellie Aw
Photo/s: Screengrab Jellie Aw on Instagram

Mula sa nakuha niyang pasa sa ilalim ng kanyang mata hanggang sa labi niyang pumutok, at ngiping nabasag.

Saad ni Jellie: “Update, sa mga nagwu-worry sa akin, guys, don’t worry. I’m getting better.

“Kung makikita niyo, may pasa pa ako sa mata at yung ngipin ko, basag pa rin.

“Pero naka-schedule na po ako sa dentist ko sa Tuesday kaya magagawa na po siya.

“Ang labi ko, okay na po siya. Tuyo na ang sugat.”

JELLIE PLANS TO return to work

Sa katunayan, handa na raw si Jellie na bumalik anumang oras sa kanyang trabaho bilang DJ sa tatlong Metro Manila’s go-to night clubs na kanyang pinapasukan.

Hinihintay lang daw niyang mawala ang natitirang pasa sa ilalim ng kanyang mata at bumalik sa normal ang ngayo’y namamaga niyang mukha dahil sa mga natamong sugat.

Jellie Aw
Photo/s: Screengrab Jellie Aw on Instagram

Saad niya: “I’m planning na bumalik sa work this week kung mawawala yung pasa and maga sa mukha ko.

“Ayun lang, guys. In-update ko lang kayo.

“Hindi ko kayo [masabihan] nang isa-isa, sobrang dami nagme-message sa akin.”

Sa huli, nagpasalamat si Jellie sa lahat ng nagdasal sa kanyang agarang pagbangon at paggaling.

Aniya, “Again, marami pong salamat sa prayers at pag-aalala niyo. God bless you all.”

JAM APOLOGIZES TO JELLIE

February 21, isinapubliko ni Jellie ang desisyong ipagpatuloy ang reklamong inihain niya laban kay Jam.

Noong February 14, dumulog si Jellie sa tanggapan ng NBI (National Bureau of Investigation) para humingi ng tulong sa ahensya na makasuhan si Jam, na inakusahan niya ng physical abuse.

Jellie Aw files complaint against Jam Ignacio at NBI
Photo/s: Jellie Aw on Facebook

Agad namang umaksyon ang NBI at pinadalhan ng subpoena si Jam.

Matapos matanggap ang subpoena, agad na nagpaunlak ng interbyu si Jam sa 24 Oras, kunsaan dito ay tila isang maamong tupa na sinabi niyang pinagsisisihan niya ang pananakit kay Jellie.

Ito raw ang dahilan kung bakit siya humarap sa publiko para humingi ng tawad kay Jellie at sa mga kaanak at kaibigan nitong nasaktan sa nangyari.

Sabi niya: “Sa simpleng hindi pagkakaunawaan and siguro, may halo na rin sigurong pagod sa maghapong lakad namin.

“E, kumbaga, tao lang din siguro ako… baka napuno lang din siguro ako.

“Na hindi ko sinasabi na tama, pero hindi ko… hindi ko para i-tolerate na gawin ulit.

“Humihingi ako ng tawad, pasensiya na talaga. Sorry, sorry, sorry sa lahat.”

Pinaalala pa ni Jam kay Jellie ang magandang samahan nila bago nangyari ang insidente, na nag-iwan ng pasa at sugat sa mukha at katawan ng DJ.

Aniya: “Hon, alam mo yan kung gaano kita kamahal.

“Alam mo yan kung gaano kita protektahan, bantayan.

“Sa lahat ng ginagawa mo, lagi ako nakasuporta sa yo.

“Sa lahat ng gusto mong gawin sa buhay, nakasuporta ako palagi sa yo.

“Sorry sa mga nangyari.”

Diin pa niya: “Pinapangako ko sa yo na hindi na mauulit to.

“Ngunit sana, bigyan mo ng pagkakataon na ayusin natin tong pareho nang pribado, na sa ating dalawa.

“Alam ko naman na… alam mo din na mahal natin ang isa’t isa.

“Madami tayong gustong gawin, pangarap na sana maayos natin at matupad natin.

“Yan lang naman sana. Mahal na mahal kita.”

Sa kabila ng nangyari, gusto pa rin daw ni Jam na matuloy ang binabalak nilang pagpapakasal ni Jellie, makaraan nilang ma-engaged noong November 11, 2024.

JELLIE ON DECISION TO PURSUE LEGAL CASE AGAINST JAM

Aminado si Jellie na nakarating at napanood niya ang pagsusumamo na ito ni Jam.

Kung siya raw ang tatanungin, ayaw na niyang makipag-areglo pa sa fiancé, kalakip ang pangako niyang wala nang kasal ang matutuloy pa sa pagitan nila ni Jam.

Pahayag ni Jam: “Wala na pong kasal na magaganap o matutuloy yung mga napag-usapan namin dahil po sa nangyari.”

Sabi pa ni Jellie, hindi katanggap-tanggap ang rason ni Jam na napuno lang ito at dahil sa sobrang pagod kaya’t nasaktan at nabugbog niya ang nobya.

Saad ni Jellie: “Hindi po puwedeng napuno lang siya, e.

“Paano [na lang] po kapag pinagbigyan ko pa siya ng second chance, paano kung napuno po siya sa akin ulit, gagawin po niya ulit yon, mas grabe pa?”

Sa ngayon daw ay walang ibang iniisip si Jellie kundi ang mararamdaman ng kanyang magulang kung saka-sakaling makipag-ayos siya kay Jam.

Sabi niya: “Respeto na lang din po sa magulang ko kasi sobrang na-trauma din po yung mama ko, parang gabi-gabi po siyang umiiyak. Hindi ko kaya, hindi ko kaya na ganon yung nanay ko.

“Kumbaga, siya na lang yung natitira sa akin, e, iingatan ko na siya.

“Nang dahil kasi dun sa nangyari sa amin ni Jam, naging kritikal pa yung nangyari sa nanay ko ngayon.

“Hindi po siya makatayo kagabi, e, sa sobra po sigurong pag-aalala niya sa akin, masyado niyang dinamdam.”

Anuman daw ang sabihin ni Jam ay desidido si Jellie na ituloy ang reklamong isinampa niya rito.

Bagamat hindi raw maitatangging mahal pa niya si Jam sa kabila ng ginawa nito sa kanya, hindi raw ito sapat na rason para hindi ito turuan ng leksiyon.

Pahayag ni Jellie: “Noong una pa lang naman po napatawad ko na si Jam, pero tutuloy ko pa rin po yung kaso.

“Yung pagmamahal ko, siyempre nandito pa rin.

“Mahal pa rin kita [Jam] pero siyempre hindi naman puwede na love lang yung papairalin natin.

“Magharap na lang po kami [sa korte].

“Sa ngayon, tinatanggap ko naman po yung sorry niya, pero gusto ko pong bigyan ng leksiyon si Jam sa ginawa niya sa akin.”

Sa huli, may mensaheng ipinaabot si Jellie sa kanyang pamilya at mga kaibigan.

Aniya: “Yung sa mama ko po, sa mga kapatid ko, at kamag-anak ko, huwag na po sila masyadong mag-alala, huwag na pong masyadong mag-isip, lalo na yung mama ko, dahil ilalaban ko itong kaso na ito.”