
Mexico 2014. Sa bayan ng San Fernando, kapag dinampot ka ng cartel, isa lang ang ibig sabihin: patay ka na. Walang pulis na tutulong, walang witness na magsasalita at walang bangkay na maibabalik. Pero nagkamali ang Los Zetas sa binangga. Dahil nang kidnapin nila ang anak ng isang 56 na taong gulang na lola, hindi nila alam na nagising nila ang isang halimaw.
Imbes na magluksa sa gilid ng sementeryo, naghanda siya ng baril. Nagpalit ng mukha at gumawa ng listahan. Isa-isa niyang tinugis ang sampung lalaking pumatay sa anak niya. Ito ang kwento ni Miriam Rodriguez, ang nanay na naging hunter. Bago tayo mag-umpisa, baka pwede pa-like ng video na ito. Malaking bagay na ‘to sa aming mga content creators. Maraming salamat po.
January 23, 2014, San Fernando, Tamaulipas, Mexico. 5 p.m. Pauwi na si Karen Alejandra Salinas Rodriguez galing sa trabaho. Katatapos lang ng shift niya sa Rodeo Boots ang shop ng pamilya nila. Sakay siya ng kanyang blue pickup truck at binabaybay ang pamilyar na kalsada ng San Fernando.
Alam ni Karen na delikado ang lugar. Ang tawag ng mga tao dito ay “zone of silence” dahil hawak ito ng Los Zetas Cartel. Pero lumaki siya dito at kampante siya dahil nasa main road naman siya dumadaan. Nasa Texas ang nanay niyang si Miriam para magtrabaho. Kaya mag-isa lang siyang uuwi sa bahay ngayong gabi. Pagdating niya sa isang intersection, malapit sa bahay nila, biglang nagbago ang takbo ng paligid.
Isang pickup truck ang mabilis na humarang sa dadaanan niya. Napapreno ng malakas si Karen para hindi bumangga. Tumingin siya sa rear view mirror para umatras. Pero may isa pang truck na dumikit sa likuran niya. Na-box in siya. Wala siyang kawala. Bumukas ang mga pinto ng truck sa harap. Dalawang lalaki ang bumaba.
Hindi sila nakamaskara pero bitbit nila ang matataas na kalibre ng baril. Nakatutok ang mga ito sa kanya. Ni-lock agad ni Karen ang pinto pero walang nagawa ang central locking system sa lakas ng mga lalaki. Gamit ang dulo ng rifle, binasag ng isa sa kanila ang bintana sa driver seat. Tumalsik ang mga bubog sa loob ng sasakyan at sa katawan ni Karen.
Binuksan ng lalaki ang pinto mula sa loob at hinila siya palabas. “Bumaba ka diyan. Huwag kang manlalaban kung ayaw mong mamatay dito.”
Kumapit si Karen sa manibela pero malakas ang humahatak sa kanya. “Kunin niyo na ang truck. Huwag niyo lang akong saktan.”
“Hindi namin kailangan ang truck mo. Sakay!”
Kinaladkad nila si Karen papunta sa isa sa mga sasakyan nila. Tinulak siya sa back seat at tinutukan ng baril sa tagiliran. Ang isa sa mga kidnapper ay sumakay sa truck ni Karen. Mabilis na umalis ang convoy. Hindi sila dinala sa kung saang warehouse o liblib na lugar. Dinala nila si Karen pabalik sa mismong bahay ng mga Rodriguez. Alam ng Cartel na walang tao doon dahil nasa ibang bansa si Miriam.
Alam nila ang galaw ng pamilya. Pagpasok sa bahay, tinulak nila si Karen sa sala. Tinalian nila ang kamay at paa nito at pinadapa sa sahig. Habang nakadapa si Karen, hinalughog ng mga lalaki ang mga kwarto. Naghahanap sila ng pera, alahas o kahit anong pwedeng tangayin. Ilang sandali pa, may kumatok sa main door. Natigilan ang mga kidnapper.
Itinutok nila ang mga baril sa pinto. Nasa labas ang mekaniko ng pamilya. Dumating siya para sa scheduled repair ng truck ng uncle ni Karen. Hindi niya alam na nasa loob ang mga armado. Binuksan ng isang kidnapper ang pinto ng marahas. Bago pa makapag-react ang mekaniko, hinila na nila ito at pinasok sa loob at tinutukan ng baril sa mukha.
“Teka, wala akong alam dito. Napadaan lang ako para sa repair.”
“Isama niyo na rin yan baka magsumbong pa sa pulis.”
Tinali rin nila ang mekaniko dahil may dumating na ibang tao. Nagpasya ang grupo na hindi na safe manatili sa bahay. Kailangan na nilang umalis. Hinila nila patayo si Karen at ang mekaniko. Kinaladkad sila palabas at isinakay ulit sa truck ng cartel. Madilim na ang paligid at tahimik ang neighborhood. Walang nakapansin sa nangyayari. Habang umaandar ang truck palayo, tumunog ang cellphone ng leader ng grupo.
“Hawak na namin. Opo. Papunta na kami sa safe house. Tawagan niyo na ang nanay sa Texas.”
Nanlalamig si Karen sa takot habang papalayo sila sa San Fernando. Ito na ang simula ng bangungot ng pamilya Rodriguez. January 24, 2014 to February 2014. Texas, USA, San Fernando, Mexico. Nasa Texas si Miriam nang tumunog ang cellphone niya mga dakong hating gabi. Inasahan niyang boses ni Karen ang maririnig niya. Nagtatanong kung kumusta ang trabaho o nagpapabili ng pasalubong. Pero ibang boses ang nasa kabilang linya.
Isang lalaki, malamig at walang emosyon. “Hawak namin ang anak mo. Huwag kang gagawa ng ingay. Huwag kang tatawag sa pulis.”
Nanigas si Miriam. Alam niya agad ang ibig sabihin nito. Ito ang tawag na kinatatakutan ng bawat magulang sa Tamaulipas.
“Kung gusto mo pa siyang makita ng buhay, makinig kang mabuti. Magbibigay ako ng instructions. Isang beses ko lang sasabihin.”
Binigay ng lalaki ang ransom amount. Isang halaga na kayang ubusin ng ipon ng buong pamilya. Bago pa makapagtanong si Miriam kung okay lang ba si Karen na putol na ang linya. Agad na umuwi si Miriam sa Mexico. Pagdating sa San Fernando, sinalubong siya ng tahimik at magulong bahay. Wala si Karen, wala ang truck.
Nagpulong ang pamilya Rodriguez. Kailangan nilang mabuo ang pera sa loob ng ilang araw. Ibinenta nila ang lahat ng pwedeng ibenta. Alahas, furniture at ang truck na ginagamit ng asawa ni Miriam sa trabaho. Pero kulang pa rin. Pumunta sila sa bangko sa San Fernando. Sobrang talamak ang kidnapping na meron silang ino-offer na specific financial product para dito.
Kumuha ang pamilya ng kidnap loan. Inaprubahan ito ng bangko ng mabilis. Parang ordinaryong business transaction lang. Nang mabuo na ang pera, tumawag ulit ang mga kidnapper.
“Dalhin ninyo ang pera sa abandonadong health clinic sa dulo ng bayan. Iwan niyo ang bag sa likod ng pader. Pagkatapos maghintay kayo sa sementeryo malapit doon. Pakakawalan namin siya kapag nakuha na namin ang pera.”
Sinunod ni Miriam ang lahat. Madilim ang gabi nang i-drop nila ang bag na puno ng cash sa designated spot. Walang tao sa paligid. Pagkatapos nag-drive sila papunta sa sementeryo at naghintay. Lumipas ang isang oras. Dalawa. Tatlo. Nakatingin lang sila sa mga nitso sa dilim. Naghihintay na dumating ang truck ni Karen o kahit anong senyales. Tumunog ang bawat kaluskos ng insekto pero walang engine noise na papalapit. Sumikat ang araw, walang dumating.
Umuwi silang luhaan at pagod pero hindi sumuko si Miriam. Kung ayaw ibigay ng mga kidnappers si Karen, siya mismo ang lalapit sa kanila. Sa desperation niya, gumawa si Miriam ng isang delikadong hakbang. Nagtanong-tanong siya sa mga kakilala hanggang sa may nagbigay sa kanya ng contact sa loob ng kartel. Pumayag itong makipagkita sa kanya. Nagkita sila sa El Junior, isang restaurant sa gitna ng bayan. Ang kausap niya ay isang binatilyo, payat, may nakasabit na radyo sa belt. Kumakain lang ito ng casual habang kaharap ang umiiyak na ina.
“Wala sa amin ang anak mo. Baka ibang grupo ang kumuha.”
“Kayo ang tumawag sa akin. Alam kong kayo ‘yon. Ibalik niyo na siya. Nabigay na namin ang pera.”
“Sabi ko nga wala sa amin pero pwede kitang tulungan hanapin siya. Bigyan mo ako ng 2,000 pang-gas at pang-contact sa iba.”
Alam ni Miriam na niloloko lang siya pero wala siyang choice. Binigay niya ang huling pera na meron siya. Habang nag-aabot ng pera, biglang tumunog ang portable radio sa bewang ng lalaki. Maingay ang static pero may boses na lumabas mula dito. Isang utos.
“Sama. Nasaan na ang location? Report ka na.”
Napahinto ang lalaki at hininaan ang volume ng radyo. Pero narinig na ni Miriam. “Sama.”
Tumindig ang balahibo ni Miriam. Hindi niya pinahalata na narinig niya yon. Tinapos niya ang usapan at umalis sa restaurant. Lumipas ang ilang linggo ang 2 libong dolyar na binayad niya ay walang napuntahan. Tumatawag pa rin ang iba’t ibang tao. Humihingi ng 500 o 100 dollars nangangakong pakakawalan si Karen.
Binabayaran ng pamilya ang bawat demand kahit paunti-unti na lang ang naibibigay nila. Hanggang sa isang araw tumigil na ang mga tawag. Tuluyan ng nanahimik ang telepono. Pumunta si Miriam sa local police station para mag-report. Ibinigay niya ang pangalang narinig niya sa radyo.
“Sama ‘yan ang tawag sa kanya. Baka yan ang lead na kailangan niyo.”
Tiningnan lang siya ng pulis na parang wala itong gana. Kinuha ang statement, pinile sa cabinet at sinabihang maghintay na lang. Alam ni Miriam sa mga mata ng opisyal walang mangyayari. Hawak ng kartel ang pulisya o sadyang takot lang silang mag-imbestiga. Lumabas si Miriam ng istasyon. Mainit ang sinag ng araw pero malamig ang pakiramdam niya.
Na-realize niya na mag-isa na lang siya. Walang Karen na babalik, walang pulis na tutulong at ang perang naipon nila habang buhay ay nasa kamay na ng mga pumatay sa anak niya. Pero may nakuha siyang kapalit ng lahat ng iyon. Isang pangalan na Sama.
2015 location Outskirts of San Fernando. Isang taon na ang lumipas pero hindi tumigil si Miriam. Araw-araw siyang nag-iikot, nagtatanong sa mga kapitbahay at sinusundan ang bawat bulong-bulungan sa bayan. May nakuha siyang impormasyon galing sa isang takot na lokal. May isang abandonadong ranch sa labas ng city limits na ginagawang tapunan ng Los Zetas. Walang pulis na gustong pumunta doon. Masyadong delikado.
Kaya si Miriam ang pumunta. Sakay ng luma niyang pickup truck, binaybay niya ang dirt road papunta sa ranch. Tuyo ang lupa at matataas ang damo. Pagbaba niya, sinalubong siya ng amoy ng luma at nabubulok na gamit. Naglakad siya sa paligid. May mga nakita siyang butas sa lupa mababaw. Hindi pantay ang paghuhukay. Shallow graves.
Hindi siya nag-aksaya ng oras. Lumuhod siya sa lupa at nagsimulang maghukay gamit ang kamay at maliit na shovel. Mainit ang sikat ng araw. Tumatagaktak ang pawis niya pero tuloy-tuloy lang siya. Pagkatapos ng ilang oras na paghahanap sa area, may nahagip ang paningin niya. Nakasabit sa isang tinik ng tuyong bush, kalahating nakabaon sa alikabok.
Isang piraso ng tela, kulay purple. Napatigil si Miriam. Dahan-dahan niyang inabot ang tela at hinila ito mula sa tinik. Luma na ito, kupas na dahil sa araw at ulan. Pero kilalang-kilala niya ang texture. Ito ang scarf na binili niya para kay Karen sa market sa Matamoros. Dalawang pasko na ang nakararaan.
Nanginig ang buong katawan ni Miriam. Hinawakan niya ng mahigpit ang scarf. Sa tabi nito may nakita siyang pira-pirasong buto na nakalitaw sa lupa. Tumawag siya sa authorities pero hindi na siya umasa na may gagawin silang matino. Dumating ang forensics team dahil na rin sa pressure ng pamilya. Kinolekta nila ang mga buto para sa DNA testing.
Ilang linggo ang hinintay nila para sa resulta. Nang dumating ang confirmation, parang gumuho ang mundo sa bahay ng mga Rodriguez. Positive. Kay Karen ang mga buto. Kinabukasan sa kusina ng kanilang bahay, tahimik na nakaupo si Miriam. Nasa harap niya si Azalea, ang panganay niyang anak.
“Ma, tama na. Nakita na natin siya. Pwede na tayong manahimik. Ilibing na natin siya ng maayos.”
Tumingin si Miriam kay Azalea. Wala ng luha sa mga mata niya. Iba na ang itsura niya. Pagod pero matalas ang tingin.
“Hindi tayo mananahimik, ma. Delikado. Los Zetas ang kalaban natin. Kung ano ang ginawa nila kay Karen, gagawin din nila sa atin. Papatayin ka nila.”
Tumayo si Miriam at kumuha ng baso ng tubig. Kalmado ang galaw niya. Walang panginginig.
“Patay na ako, Azalea. Nung araw na kinuha nila ang kapatid mo, pinatay na rin nila ako. Wala na silang pwedeng kunin sa akin.”
Binuksan ni Miriam ang drawer at nilabas ang isang notebook. Nakasulat don ang pangalang narinig niya sa restaurant noon. Sama at sa tabi nito may mga bagong details na siyang nakuha kakatanong sa mga tao.
“Hahanapin ko sila. Lahat sila. Hindi ako titigil hangga’t hindi sila nakukulong or namamatay.”
“Ma, ang nanay na kilala mo wala na siya. Iba na ang nasa harap mo ngayon.”
Sinara ni Miriam ang notebook. Tapos na ang pagdadalamhati. Oras na para maningil. Nagpunta siya sa salamin at tinignan ang sarili. Mahaba ang buhok niya, mukhang ordinaryong nanay. Kumuha siya ng gunting. Ginupit niya ang buhok niya ng maikli. Kumuha siya ng hair dye at kinulayan ito ng matingkad na pula. Nagbago siya ng anyo. Hindi na siya si Miriam na may-ari ng rodeo shop. Siya na ngayon ang hunter.
Bumalik siya sa mesa at tinignan ulit ang pangalan sa notebook. Sama siya ang mauuna. Location Ciudad Victoria, Tamaulipas. Ginawang command center ni Miriam ang kanyang maliit na kusina gamit ang luma niyang desktop computer at ang nag-iisang lead na pangalang Sama. Sinimulan niya ang kanyang digital investigation. Alam niyang ang mga miyembro ng cartel lalo na ang mga mas bata ay mahilig magyabang online.
Gabi-gabi siyang nag-scroll sa Facebook. Hinanap niya ang mga profile na konektado sa mga kilalang gangster sa San Fernando. Isa-isa niyang tinignan ang mga friends list, mga naka-tag na litrato sa inuman at mga comments. Ilang linggo ang lumipas na puro dead ends pero hindi siya tumigil hanggang sa may nakita siyang isang litrato.
Sa isang grainy na picture, may isang lalaking nakaakbay sa isang babae. Suot ng lalaki ang uniform ng isang sikat na ice cream shop franchise. Kahit iba ang pangalan sa profile, hindi nagkamali si Miriam. Nakilala niya ang mga mata at hubog ng mukha nito. Ito ang lalaking narinig niya sa radyo. Ito si Sama.
Tiningnan niya ng maigi ang logo sa uniform. Ang branch ay matatagpuan sa Ciudad Victoria, ang capital city na dalawang oras ang layo mula sa San Fernando. Agad na nag-empake si Miriam. Nag-drive siya papuntang Ciudad Victoria, dala ang kanyang luma at kapansin-pansing sasakyan. Pagdating sa tapat ng nasabing ice cream shop, pumarada siya sa kabilang kalsada, dala ang binoculars at isang thermos ng kape.
Nagsimula ang kanyang stakeout. Ilang araw siyang naghintay. Umaga hanggang gabi siyang nakaupo sa loob ng kotse. Tinitiis ang init at inip. Pinagmasdan niya ang bawat empleyado na pumapasok at lumalabas. Sa wakas, dumating ang target. Nakita niya si Sama na naglalakad papunta sa trabaho. Casual na nakikipagkwentuhan sa ibang staff.
Parang walang krimen na ginawa. Parang walang pamilyang sinira. Nanatiling kalmado si Miriam kahit nanginginig ang laman niya sa galit, kailangan niyang malaman kung saan ito umuuwi. Nang matapos ang shift ni Sama, sinundan siya ni Miriam. Maingat ang pagmamaneho niya, nagpapakalayo ng konti para hindi mahalata.
Huminto si Sama sa isang maliit na bahay sa isang tahimik na residential neighborhood. Minarkahan ni Miriam ang location sa kanyang mapa. Kinabukasan, bumalik siya sa lugar pero hindi na siya nagtatago sa kotse. Nagsuot siya ng ID ng Health Ministry at nagdala ng clipboard. Naglakad siya sa neighborhood at kumatok sa mga kapitbahay ni Sama.
Ginamit niya ang kanyang edad at inosenteng itsura para makuha ang tiwala ng mga residente. Nagpanggap siyang government health worker na nagko-conduct ng survey para sa vaccination program. Dahil mukha siyang matandang propesyonal, naging madaldal ang mga kapitbahay. Ibinigay nila ang buong pangalan ng nakatira sa bahay, ang oras ng pag-alis at pag-uwi nito, at pati na rin ang pagkakakilanlan ng girlfriend nito. Kumpleto na ang intel ni Miriam.
Hindi na ito haka-haka lang. Meron na siyang solidong ebidensya at location. Dinala niya ang lahat ng impormasyon sa isang federal na pulis na pinagkakatiwalaan niya. Dahil sa detalyadong surveillance report na gawa mismo ni Miriam, hindi na nakatanggi ang authorities. Agad na nag-issue ng arrest warrant.
Isang tactical team ang sumalakay sa bahay. Walang nagawa si Sama. Naaresto siya ng walang putukan. Sa interrogation room, hindi tumagal ang tapang ni Sama. Bumigay agad ito sa pressure. Ibinigay niya ang mga pangalan ng iba pang kasabwat sa pag-kidnap at pagpatay kay Karen. May nakuha siyang listahan. Sampu silang lahat. Isa pa lang ang nahuhuli at siyam pa ang kailangang tugisin ni Miriam.
Location: Various locations across Tamaulipas. Sa kusina ni Miriam. Nakadikit sa pader ang siyam na pangalan na nakuha niya mula kay Sama. Puno ang dingding ng mga hand-drawn maps, printed photos mula sa social media at mga linyang nagdudugtong sa bawat suspect. Hindi na ito bahay ng isang lola.
Ito ay command center ng isang tactical operation. Upang mahuli ang mga natitira, kinailangan ni Miriam na magbago muli. Pinutol niya ng maikli ang kanyang buhok at kinulayan ito ng matingkad na pula. Nagpalit siya ng istilo ng pananamit mula sa simpleng damit bahay patungo sa iba’t ibang costumes na aakma sa kanyang misyon.
Dito nagsimulang kumalat ang bansag sa kanya sa Underworld, “La Camelona” o The Chameleon. Ang pangalawang target sa listahan ay ang Getaway Driver ng grupo. Napag-alaman ni Miriam na nagtatago ito sa isang liblib na ranch sa labas ng bayan malayo sa mata ng pulisya. Pero imbes na sumugod agad kasama ang authorities, sinigurado muna niya ang impormasyon.
Nag-drive si Miriam papunta sa nasabing lugar gamit ang kanyang luma at maputik na truck. Pagdating sa tapat ng ranch, huminto siya sa gilid ng kalsada at binuksan ang hood ng sasakyan. Nagpanggap siyang nasiraan ng sasakyan sa gitna ng kawalan. Ilang oras siyang naghintay sa ilalim ng init ng araw hanggang sa may dumaang mga trabahador at locals.
Ginamit niya ang pagkakataon para makipagkwentuhan habang kunwari ay humihingi ng tulong. Sa pamamagitan ng simpleng chismis at pagtatanong tungkol sa mga nakatira sa paligid, nakuha niya ang kompirmasyon na nandoon nga ang target. Pag-alis niya, bitbit na niya ang eksaktong lokasyon para sa mga federal na ahente. Sa loob ng ilang araw, inaresto ang driver habang natutulog ito.
Gulat na gulat kung paano siya natunton. Sunod naman ang pangatlong target. Isang lalaking nagtatago sa mismong bayan sa loob ng bahay ng kanyang ninang. Akala ng suspect ay ligtas siya dahil walang maghihinala sa isang relihiyosong pamilya. Pero nahanap ni Miriam ang koneksyon sa Facebook. Para makalapit, nagpanggap si Miriam bilang isang deboto.
Nagsimula siyang magsimba sa parokya kung saan aktibo ang ninang ng suspect. Linggo-linggo siyang nandoon. Tumutulong sa pag-aayos ng mga upuan at paglilinis pagkatapos ng misa. Dahan-dahan niyang nakuha ang loob ng matanda hanggang sa maging palagay ito sa kanya. Sa kanilang mga kwentuhan, aksidenteng nabanggit ng ninang ang tungkol sa kanyang inaanak na nakikitira sa itaas ng bahay at hindi kailanman lumalabas tuwing umaga.
Sapat na ang detalyeng iyon. Ipinasa ni Miriam ang impormasyon sa kanyang contact sa pulisya. Isang raid ang isinagawa at nahugot ang suspect mula sa attic kung saan ito nagtatago. Isa-isang nalalagas ang mga pangalan sa listahan ni Miriam. Sa bawat matagumpay na operasyon, bumabalik siya sa kanyang kusina para markahan ng malaking pulang ekis ang litrato ng mga nahuli.
Ang dating takot na nararamdaman ng pamilya Rodriguez ay napalitan ng determinasyon habang ang takot naman ay lumipat sa panig ng Los Zetas. Nagsimulang magbulungan ang mga miyembro ng kartel tungkol sa isang misteryosong pwersa na dumudurog sa kanila. Hindi alam na ang kanilang kinatatakutan ay isang lola na may edad na 50’s na armado lang ng laptop, disguises at hindi matatawarang galit.
Late 2016 location Ciudad Victoria, Tamaulipas. Sa paglawak ng kanyang operasyon, mas naging mapanganib ang bawat hakbang. Ang sumunod na target sa listahan ay isa sa mga pinakamadulas na miyembro ng grupo. Isang hitman na kilala sa pagiging marahas at paranoid. Ilang buwan na itong tinutugis ng mga awtoridad pero palaging nakakatakas dahil sa kanyang malawak na network ng mga ispiya.
Para sa misyong ito, naghanda si Miriam ng isang panibagong katauhan. Nagsuot siya ng vest na may logo ng local government, nagdala ng makapal na clipboard at nagsuot ng ID bilang isang opisyal na nagsasagawa ng census at voters validation. Ang kanyang pakay ay ang bahay ng isang kamag-anak ng target umaasang makakakuha ng impormasyon kung nasaan ito nagtatago.
Maingat na nilakad ni Miriam ang mainit na kalsada ng neighborhood. Bawat bahay ay kanyang kinakatok para maging kapani-paniwala ang kanyang pagpapanggap. Nang marating niya ang target address, huminga siya ng malalim bago kumatok sa gate. Inasahan niya ang isang matanda o kasambahay ang sasagot. Pero nang bumukas ang pinto, nanlamig ang buong katawan ni Miriam.
Ang mismong target ang humarap sa kanya. Walang baril na nakatutok, walang mga bodyguard. Isang ordinaryong lalaki lang na naka-sando at mukhang kagigising lang. Ilang pulgada lang ang layo ng mukha ng pumatay sa kanyang anak mula sa kanyang sariling mukha. Sa sandaling iyon, ang instinct ng sinumang ina ay sumigaw o tumakbo.
Alam ni Miriam na kung makikilala siya nito, katapusan na niya. Ang lalaking ito ay walang takot pumatay lalo na ng isang babaeng nag-iisa. Bumilis ang tibok ng puso niya na parang sasabog sa dibdib pero pinilit niyang panatilihing blanko ang kanyang ekspresyon. Tinignan siya ng lalaki ng diretso sa mata. Nagtataka kung sino ang abalang gumagambala sa kanya.
Sa halip na umatras, pinagana ni Miriam ang kanyang disguise. Inayos niya ang salamin sa mata at itinaas ang clipboard ng may propesyonal na tono. Tinanong niya ang lalaki tungkol sa mga serbisyo ng lokal na gobyerno. Nagkukunwaring walang idea kung sino ang kausap niya. Ang hitman na sanay sa karahasan ay hindi nakahalata.
Para sa kanya, isa lamang itong nakakainis na government employee. Imbes na maghinala, nagsimula pa itong magreklamo. Tinuro nito ang kalsada sa harap ng bahay at nagsalita tungkol sa mga lubak at hindi maayos na serbisyo ng mayor. Nakakatawang isipin na ang isang kriminal na pumapatay ng tao ay nagagalit sa gobyerno dahil lang sa potholes.
Tumango-tango si Miriam kunwari ay nakikisimpatya at nagsulat ng mga notes sa kanyang papel. Nagpasalamat siya sa oras nito at dahan-dahang tumalikod para umalis. Naglakad siya palayo ng hindi lumilingon. Pinipigilan ang panginginig ng kanyang mga tuhod hanggang sa makaliko siya sa kanto at mawala sa paningin ng target. Pagkasakay sa kanyang sasakyan, doon lang siya nakahinga ng maluwag.
Agad niyang tinawagan ang kanyang contact sa pederal na pulisya para ibigay ang kompirmasyon. Ang target ay nasa loob ng bahay na ‘yun mismo. Kampante at walang kamalay-malay. Ilang oras lang ang lumipas habang kumakain ng tanghalian ang hitman, pinalibutan ng tactical team ang bahay. Hindi na siya nakatakbo.
Ang lalaking nagreklamo sa lubak ng kalsada ay kinaladkad ng mga pulis sa parehong kalsadang iyon. Posas ang mga kamay dahil sa impormasyong nakuha ng babaeng inakala niyang census taker. Date: Early 2017, location: Central Plaza, San Fernando. Dumating ang simula ng 2017 na halos ubos na ang mga pangalan sa listahan ni Miriam.
Siyam na kriminal na ang nakakulong o patay dahil sa kanya. Isa na lang ang natitira, ang pinakabata sa grupong kumidnap kay Karen. Ilang taon itong nagtago sa ibang estado pero nakatanggap si Miriam ng impormasyon na bumalik ito sa San Fernando. Kampante ang target. Inakala nitong humupa na ang galit ng ina o nakalimutan na siya ng mga awtoridad.
Ang lakas ng loob nitong mamuhay ng normal sa bayan kung saan sila gumawa ng krimen. Ayon sa tip, nagtitinda ito ng gamit sa mismong Central Plaza para mag-blend in sa mga tao. Isang hapon, nagtungo si Miriam sa plaza. Dala niya ang kanyang baril sa loob ng purse. Mataas ang sikat ng araw at maraming tao ang naglalakad.
Mga pamilya, mga nagtitinda, mga estudyante. Naglakad si Miriam ng dahan-dahan. Ini-scan ang mukha ng bawat tindero sa isang gilid malapit sa walkway nakita niya ang isang lalaking may hawak na balde ng mga rosas. Payat ito at mukhang inosente pero hindi nagkamali si Miriam. Ang peklat sa kamay at ang hugis ng panga nito ay tugma sa litratong nakuha niya noon.
Lumapit si Miriam kunwari ay titingin ng paninda. Habang papalapit siya, naramdaman ng target na may nakatingin sa kanya. Nag-angat ito ng tingin. Nagpang-abot ang kanilang mga mata. Sa pagkakataong ito, kilala na ng target kung sino ang babaeng nasa harap niya. Alam na ng buong underworld kung sino si Miriam Rodriguez. Binitawan ng lalaki ang mga rosas at biglang tumakbo.
Hindi nagdalawang-isip si Miriam. Sa edad na 56, humarurot siya ng takbo para habulin ang target. Nagulat ang mga tao sa plaza habang bumubulusok ang isang lola na humahabol sa isang binatilyo. Nakipagsiksikan ang lalaki sa mga shoppers. Tinutulak ang sinumang nakaharang. Natumba ang isang fruit cart at nagulong ang mga prutas sa semento.
Hindi tumigil si Miriam. Nilukso niya ang mga nakaharang. Desididong hindi makakatakas ang huling pangalan sa kanyang listahan. Sa tindi ng adrenaline, hindi ininda ni Miriam ang masamang bagsak ng kanyang paa habang tumatakbo sa semento. Naramdaman niya ang sakit. Isang buto ang nabali sa kanyang paa pero patuloy pa rin siyang tumakbo.
Hila-hila ang sarili gamit ang purong galit. Naabutan niya ang lalaki bago ito makalabas ng plaza. Hinablot niya ang damit nito sa likod at pwersahang ibinalibag sa semento. Bago pa makabunot ng patalim ang lalaki, nakatutok na ang baril ni Miriam sa leeg nito. Nanigas ang target. Nakadikit ang pisngi nito sa mainit na semento. Hinihingal at takot na takot.
Hawak siya ng babaeng pumatay sa kalayaan ng siyam niyang kasamahan. Ilang minuto lang ang lumipas, dumating ang mga pulis para pusasan ang lalaki. Habang isinasakay ito sa patrol car, nakatayo lang si Miriam sa gilid. Hinihingal din at namimilipit na sa kanyang nabaling paa. Tapos na 10 sa 10.
Sa wakas naubos na ang tinta ng kanyang pulang ballpen. Wala ng natitirang pangalan sa notebook. Ang misyon na nagsimula sa paghahanap ng bangkay ay nagtapos sa gitna ng plaza. Pero habang pinapanood niyang umalis ang mga pulis, alam ni Miriam na may kapalit ang tagumpay na ito. Alam niyang hindi palalampasin ng kartel ang ginawa niyang pagpapahiya sa kanila.
Date: May 10, 2017. Location: San Fernando, Tamaulipas. Sumapit ang buwan ng Mayo ang panahon kung saan ipinagdiriwang ng buong Mexico ang araw ng mga ina. Para sa libo-libong kababaihan sa Tamaulipas na nawalan ng anak dahil sa karahasan, ito ay araw ng pagluluksa at protesta. Ngunit para kay Miriam Rodriguez, ito ay naging panahon ng matinding pag-iingat at pangamba.
Ilang linggo bago ang petsang ito, nagkaroon ng malawakang prison break sa penal sa Ciudad Victoria kung saan nakatakas ang ilang bilanggo. Kabilang sa mga nakalaya ang mismong mga kriminal na pinaghirapang ipakulong ni Miriam. Alam niyang bilang na ang kanyang mga araw at tiyak na babalikan siya ng mga ito para maghiganti.
Humingi siya ng dagdag na proteksyon mula sa gobyerno ngunit ang tanging ibinigay sa kanya ay isang panic button at paminsan-minsang pagpapatrolya ng pulisya na hindi sapat para pigilan ang isang determinadong kartel. Gabi ng ika-10 ng Mayo, umuwi si Miriam galing sa kanyang trabaho. Hirap pa rin siyang kumilos dahil sa kanyang paang nabali noong hinabol niya ang huling target sa plaza.
Kinakailangan niyang gumamit ng saklay para makalakad. Bagay na lalong nagpabagal sa kanyang mga galaw at naglagay sa kanya sa alanganin. Dakong 10:00 ng gabi nang iparada niya ang kanyang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay. Ang parehong lugar kung saan dinukot si Karen, tatlong taon na ang nakaraan. Tahimik ang buong neighborhood at walang makikitang patrol car sa paligid.
Madilim ang kalsada at tanging ang mahinang ilaw mula sa poste ang nagbibigay liwanag. Pinatay ni Miriam ang makina at dahan-dahang bumaba ng sasakyan. Inalalayan niya ang kanyang sarili. Gamit ang saklay, bawat hakbang ay mabigat at masakit. Habang papalapit siya sa gate ng bahay, isang puting pickup truck ang dahan-dahang huminto sa kanyang likuran.
Nakapatay ang mga headlights nito upang hindi mapansin. Bago pa man makalingon si Miriam para tignan ang sasakyan, bumukas ang bintana ng truck at sunod-sunod na kumislap ang dulo ng mga baril mula sa loob. Walang babala at walang pag-aalinlangan. Pinaulanan ng bala ang 56 na anyos na ina. Tumama ang 13 high caliber rounds sa kanyang katawan na agad nagpabagsak sa kanya sa malamig na semento.
Tumilapon ang kanyang mga saklay sa gilid ng kalsada habang mabilis na humarurot palayo ang puting truck. Nag-iwan lamang ng usok sa madilim na gabi. Sa loob ng bahay, narinig ng kanyang asawa ang sunod-sunod na putok at agad itong lumabas para tignan ang nangyari. Nadatnan niya si Miriam na nakadapa sa sarili nitong dugo.
Wala ng buhay sa tapat ng kanilang tahanan. Nang lapitan ng mga awtoridad ang katawan, napansin nila ang isang detalye na nagpapakita ng huling sandali ni Miriam. Ang kanyang kanang kamay ay nakasuksok sa loob ng kanyang nakabukas na handbag at mahigpit na nakahawak sa grip ng kanyang baril. Kahit may pilay, sugatan at inambush ng higit sa isang gunman, sinubukan pa rin niyang bumunot para lumaban.
Namatay siyang isang mandirigma hanggang sa huling hininga. Ang pagpaslang kay Miriam ay nagdulot ng galit sa buong komunidad ngunit nag-iwan din ito ng takot. Gayunpaman, hindi natapos ang kanyang misyon sa kanyang kamatayan. Ilang buwan matapos siyang ilibing gamit ang mga impormasyon at ebidensyang tinipon niya noong siya ay nabubuhay pa.
Inaresto ng mga awtoridad ang isa pang babaeng suspect na naging bahagi ng pag-torture at pagpatay kay Karen. Kahit nasa hukay na, nanghuhuli pa rin si Miriam Rodriguez. Pinatutunayan na ang kanyang hustisya ay higit pa sa kanyang buhay.



