Umamin ang comedian duo na sina MC Muah at Lassy Marquez na nawalan sila ng milyun-milyong piso dahil sa sugal.
Lagpas sa 10 million pesos ang naipatalo nila sa casino noon.
Mula 2011 hanggang 2016 sila nagkaroon ng gambling addiction. Hindi raw proud ang dalawa sa nangyari.
“Kaya namin kinukuwento ito para sakaling maging lesson,” sabi ni MC.
Inihayag ito nina MC at Lassy sa panayam ni Toni Gonzaga sa YouTube channel na Toni Talks ngayong araw, August 3, 2025.
MC GETS ADDICTED
Kuwento ni MC, siya ang unang naadik sa pagsusugal. Bunsod daw ito ng pagkamatay ng kanyang ina dahil sa cancer.
“Kasi uuwi ako ng after ng comedy bar, saan ako pupunta? Baka hindi ako makatulog? May naghikayat sa akin, sabi niya, ‘Eto o, baka maaliw ka,’” balik-tanaw ni MC.
Naramdaman daw ni MC na masaya ang pagpunta sa casino. Kapag natatalo naman daw ay naging habit niya ang bumalik para raw makabawi.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Kuwento pa niya, “Ah, PHP50,000? Ah kaya itong bawiin ng isang jackpot lang. Ay PHP100,000? Kaya pa ‘to. Ay PHP200,000 na natalo ko. Ay PHP300,000 na. Ay PHP500,000 na.”
May isang gabi pa nga raw na natalo siya ng PHP800,000.
LASSY JOINS IN
Matagal nang kaibigan ni MC si Lassy dahil sabay silang nagsimula sa comedy bar circuit.
One time, naisipan daw ni Lassy na sumama kay MC sa casino dahil mukha raw na masaya ito.
At dahil sa tinatawag na “beginner’s luck” ay agad nanalo si Lassy sa una niyang pagpunta sa casino. Dito na raw siya naengganyo rin.
Matapos nito ay halos araw-araw na silang nagka-casino.
“Minsan wala kaming tulog,” saad ni MC. “Pumapasok kami sa comedy bar, nagte-taping kami, nagsu-shooting kami, walang tulog. Ganun kami kaadik sa pagsusugal nun.”
“Uuwi lang, maliligo, show ulit. Ganun nangyayari. Minsan iidlip lang ng 30 minutes, show ulit.”
Umabot daw sa puntong naubos na ang kanilang mga pinag-ipunan.
“Ang laki ng naipon namin ni Lassy kasi, e,” saad ni MC. “Anong nangyari? PHP2,000 na lang yung naiwan sa bangko.”
Si Lassy naman ay nawalan ng mga ipinundar na alahas.
“Ang dami kong alahas. Nasangla ko yun. Ang binabayaran ko na lang sa sanglaan, yung interest. Kasi hindi ko pa siya matubos,” sabi ni Lassy.
Nangungutang na rin daw si Lassy para lang makabayad ng bills.
Claim pa nila, more than PHP10 million daw ang nawala sa kanila.
SURVIVING ADDICTION
Noong 2016 sila natauhan.
Para kay Lassy, nagsimula siyang bumangon nang nabalitaan niya na nakabili na ng sariling bahay ang isang katrabaho sa comedy bar.
Aniya, naisip niya na tumatanda na siya kaya’t kailangan niya na ring makaipon.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“Gusto ko nang ayusin ang buhay ko. Gusto ko nang magkaroon ng bahay,” saad ni Lassy.
Si MC naman ay tinulungan ng isang baguhan noong komedyante para makabangon.
Kuwento niya, nahihiya siyang magkuwento sa mga close friends niya na baon siya sa sugal.
“Pag nasa lowest point ka ng buhay mo na ganun na alam mong kasalanan mo, ayaw mong sermonan ka, kasi alam mo na, alam mo naman, e,” sabi ni MC.
Dahil dito, ang komedyanteng si Tonton, na newcomer pa lang noon, ang napagkuwentuhan niya.
“Nagkukuwento ako sa kanya, tapos dala-dala ko yung passbook ko. Tapos siya yung tumingin, nagulat siya, ‘Ay, Ate MC, ito na lang natira sa pera mo?’
“Tapos wala siyang sinasabi, nakikinig lang siya,” saad pa niya.
Na-touch din siya sa alok ni Tonton na ilibre siya ng pagkain.
Pagpapatuloy ni MC, “Sabi pa nga niya sa akin, ‘Nagugutom ka na ba? Gusto mo libre kita, may KFC rito.’ Kasi alam niyang PHP3,000 na lang ang pera ni Ate MC.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“So doon, kumain kami ng KFC. Tapos dun ko naano na parang, ‘Ayokong tumanda nang ganito.’”
Matapos nito ay nagtulungan sina MC at Lassy na tanggalin ang sugal sa sistema nila. Sabay silang nagdasal.
“Ilang beses na kong nagpunta ng Baclaran, Quiapo Church,” kuwento ni MC. “Sabi ko, ‘Lord, alam ko, may edad na ako ng unti. Pero bigyan mo pa ako ng isa pang chance para maging okay yung bahay ko.’”
Pagkatapos nito ay may dumating na offer na nagsalba sa kanila.
Sabi ni MC, “May tumawag, sabi niya, ‘Yung raket na ito, kikita kayo ng ganito kalaki.’ Sabi ko, ‘Lord salamat. Ito na yung simula ng pagbabago.’”
Sagot naman ni Lassy, “Ang daming dumarating na ibang work. So siguro sabi ni Lord, ‘Ito na lang.’ Marami nang naka-line up.”
Sa ngayon ay nakabangon na raw nang tuluyan ang dalawang komedyante.
“Ngayon lang namin nakuha yung financial freedom na tinatawag. Yung wala kang iniisip. Yung matutulog ka wala kang iisipin.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“Ang iisipin mo lang, paano pa magiging matino ang buhay mo,” sabi ni MC.