Patuloy na pinag-uusapan online ang aktres at content creator na si KC Concepcion dahil sa kaniyang viral na “Palengke Series,” isang serye ng mga vlog kung saan personal niyang binibisita ang mga palengke at nakikipagkuwentuhan sa mga tinder@, mamimili, at ordinaryong tao.
Noong nakaraang buwan, naging usap-usapan ang pagpunta niya sa Farmers Market sa Cubao kung saan marami ang namangha sa pagiging simple at approachable niya. Ngayon naman, napansin muli si KC sa Central Market sa Alabang. Sa pagkakataong ito, nag-shopping siya ng mga paborito niyang pagkaing dagat na halatang matagal na niyang kinahihiligan.
Sa pinakabagong vlog, makikita si KC na bitbit ang isang malaking tanigue habang abala rin siyang nagtatanong sa mga tinder@ kung paano tamang linisin ang pusit. Hindi nawawala ang kaniyang matamis na ngiti habang masigasig niyang sinusuri ang sariwang huli mula sa dagat. Kitang-kita na wala siyang arte at tunay na interesado siya sa ginagawa, bagay na agad nakapukaw ng pansin sa mga nanonood.
Bukod sa simpleng pamimili, makikita rin sa vlog na hindi siya nagdalawang-isip na makipagpicture sa mga nagtitinda. May mga eksena pa kung saan niyakap niya ang ilang tinder@ at nakipagbiruan. Isa rin sa mga highlight ang nakakaaliw na sandali kung saan nakipag-usap siya sa isang lalaking kumakain malapit sa kaniyang display ng isda—eksena na nagpamalas ng pagiging natural at game ng aktres.
Agad na umani ng papuri ang ganoong ugali ni KC. Marami ang nagsabing hindi lamang siya isang artista kundi isang magandang halimbawa rin ng pagiging mapagpakumbaba at relatable, kahit pa galing siya sa isang kilalang pamilya at kilalang may marangyang pamumuhay.
Isang netizen ang nagkomento: “Very down to earth niya, kaya inspiration siya ng mga kabataan at kababaihan.” Dagdag pa ng isa, “Ito yung mayaman na since birth pero very humble, walang yabang sa katawan.”
Sa dami ng mga artista ngayon na madalas inaakusahan ng pagiging “detached” sa realidad ng pang-araw-araw na buhay, kabaligtaran ang impresyong naibibigay ni KC. Sa halip na magpakitang-gilas ng marangyang lifestyle, pinili niyang ipakita sa kaniyang followers na marunong siyang makisama at makisalamuha sa mga ordinaryong mamamayan.
Para sa marami, hindi lamang simpleng content ang kaniyang Palengke Series. Isa rin itong mensahe na mahalaga pa ring balik-balikan ang mga simpleng bagay at ang koneksyon sa komunidad. Sa bawat pagbisita niya sa palengke, pinapakita ni KC na kahit gaano kataas ang narating mo sa buhay, may saysay at halaga pa rin ang pagiging makatao at bukas sa lahat.
Patunay lamang na sa kabila ng kaniyang tagumpay sa showbiz at personal na karera, nananatiling matatag kay KC Concepcion ang pagiging totoo at walang arte—isang katangian na mas lalo pang nagpapatibay sa kaniyang imahe bilang isang inspirasyon hindi lamang sa kabataan kundi sa lahat ng nakakasubaybay sa kaniya.