Marian Rivera laughs off rumor that Dingdong Dantes got an actress pregnant.

Tumulong para pagtibayin at hindi para sirain ang pagsasama ng mag-asawa.

Ito ang buod ng panawagan ni Marian Rivera, 36, kaugnay ng isyung kinasangkutan ng asawang si Dingdong Dantes, 40, kamakailan.

Nabiktima ng mapanirang isyu si Dingdong at ang young actress na si Lindsay de Vera.

Nagkatrabaho sina Dingdong at Lindsay sa Kapuso prime-time series na Alyas Robin Hood, na umere mula September 2016 hanggang November 2017.

Mula sa blind item tungkol sa isang female TV personality na nabuntis ng isang kilalang aktor, may mga malisyosong netizens na pinangalanan sina Dingdong at Lindsay na sila umanong tinutukoy sa blind item.

Mariin itong itinanggi ni Lindsay, na sinabing ikinonsulta niya sa kanyang abogado ang susunod na hakbang laban sa mga nagpakalat ng fake news.

Samantala, hindi nag-atubili si Marian na sagutin ang isyu nang eksklusibo siyang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Martes ng gabi, February 9.

Tampok ang Kapuso Primetime Queen sa virtual stage play na Oedipus Rex ng Tanghalang Ateneo ngayong Pebrero.

MARIAN SPEAKS UP ABOUT FAKE NEWS ABOUT DINGDONG

Tanong ng PEP.ph, paano napananatiling matibay ang relasyon nila ni Dingdong sa kabila ng mga ipinupukol na isyu sa kanila?

Sagot ni Marian, “Alam mo naman sa pag-aartista, lahat ng pwedeng ibato sa artista, binabato.

“Kulang na lang tumira sila sa bahay para makita na nila lahat ng ginagawa ng artista, hindi ba?”

Tinatawanan na lang daw ng Kapuso Primetime Queen ang isyung kinasasangkutan ng asawa.

“Well, hindi naman maiiwasan ‘yan, e. Ang maganda kasi sa amin ni Dong, very transparent kami sa isa’t isa.

“Nakakatawa. Ngayon pa talagang may pandemya may ganyang isyu at mga kung anu-ano,” saad niya.

Mahirap daw paniwalaan ang isyu lalo’t laging nasa bahay si Dingdong.

“Parang dito nga sa bahay araw-araw… paano mangyayari?

“So, di ba, nakakatawa? So, tatawanan mo na lang talaga.”

PRAYING FOR HER DETRACTORS

Panawagan ni Marian, hindi dapat nagpapakalat ng mga isyung ikasisira ng pagsasama ng mag-asawang maayos ang pagsasama.

“At siguro hindi naman maiiwasan ‘yan. Pagdadasal mo na lang talaga na sana tumigil na ang ganyang mga intriga, lalo na kapag mag-asawa.

“Kasi pag mga mag-boyfriend-girlfriend, parang may intriga… hindi ko masasabing hayaan, o okay lang, pero mapapalagpas mo pa, e.

“Pero sana mabigyan ng puwang ng mga tao na kapag ang relasyon ay mag-asawa na, e, bigyan na nila ng katahimikan at huwag na nilang intrigahin.

“Kasi, alam mo, humarap na sa altar, nanumpa na sa Panginoon…

“Sana, sila pa ang mas tumulong para mas maging matibay ang relasyon ng mag-asawa.

“So, wini-wish ko ‘yan, hindi lang sa aming mag-asawa, pero sa lahat ng mag-asawa in showbiz man o outside showbiz.

“Na magkaroon ng puwang sa mga tao na mas pagtibayin ang pagmamahalan ng mag-asawa sa tulong ng kapwa nila, hindi para sirain ang mag-asawa.”

Naibahagi rin ni Marian na nagkabiruan pa sila ni Dingdong kaugnay ng isyu.

“Nakakatawa. Sabi ko, ‘Ang daming isyu.’ Sabi ko lang sa asawa ko, ‘Beke nemen ako na ang susunod na mabuntis mo, ha?!’

“Kasi, alam mo yun, nakakatawa talaga.”

Biniro namin si Marian na baka masundan na ang kanilang pangalawang anak na si Zig, na dalawang taong gulang pa lamang.

“Malay mo naman, hindi matapos ang taon o baka next year. Tingnan natin,” nakangiti niyang sabi.

Ang panganay nina Dingdong at Marian na si Zia ay 5 anyos.

MARIAN rivera ventures into THEATER ACTING

Samantala, nagbahagi rin si Marian tungkol sa pagsabak niya sa teatro.

Sa kagaya raw niyang alagad ng sining, dapat ay patuloy ang pagsubok ng ibang bagay.

“Bilang artista, dapat hindi ka nakukuntento sa kung ano ang naa-achieve mo, e.

“Kasi bilang aktres, marami at marami ka pala talagang gustong gawin at subukan lalo na itong Oedipus Rex na ito.

“Bago ito sa akin. Sinubukan ko, di ba, tumalon ako.

“Sabi ko nga, ‘Dyusko, ‘Day, ewan ko. Nandito ako. Bahala na.’ Nung nasubukan ko, sabi ko sa sarili ko, ‘Aba, kung meron akong isang ipagmamalaki sa buhay ko, ay nakasali ako sa Tanghalan ng Ateneo.”

Ang Oedipus Rex ang debut stage play ni Marian. Pero dahil may pandemya pa, virtual itong itatanghal.

Patuloy ni Marian, “So, alam mo iyon, so di mo alam, e.

“Maraming mga oportunidad na dadating sa iyo na hindi mo pinaplano.

“So, isa ito sa mga di ko pinlano na dumating sa buhay ko, na sabi ko very thankful talaga ako.

“So, marami pa akong gustong gawin.”

Pangarap din daw ni Marian na makagawa ng sitcom kasama si Dingdong.