SUCCESS STORY: Jun Laingo’s climb from guard to bank teller

Posted by

Security guard to bank tellerPerseverance, hard work, and the right opportunity–this is the story of Ricardo “Jun” Laingo Jr. From once wearing the uniform of a security guard, he eventually stepped behind the counter as a bank teller.

PHOTO/S: Security Bank on Facebook

Pinatunayan ni Ricardo “Jun” Laingo, Jr., 35, ang kasabihang, “Walang imposible sa taong may pangarap.”

Nagtrabaho siya bilang security guard sa isang bangko.

At sa walong taong nakapuwesto siya sa entrance, nabuo ang pangarap niyang makapuwesto sa likod ng counter at maging bank teller.

Ito ang success story ni Jun.

Sa kabila ng kahirapan, natupad niya ang pangarap kahit na mistulang dumaan siya sa butas ng karayom.

JUN, A FISHERMAN’S SON

Si Jun ay tubong-Miputak, Dipolog City, Zamboanga del Norte.

“A father to one child and the youngest of five siblings, Jun’s life is a testament to perseverance, humility, and hope,” saad sa Facebook post ng Security Bank noong July 25, 2025.

“Ako ang bunso sa limang magkakapatid. Mangingisda noon ang tatay ko, habang naglalako naman ng isda ang nanay ko,” kuwento ni Jun.

“Ngayon ay hindi na sila nagtatrabaho dahil matanda na rin sila.”

Hindi naging madali para kay Jun ang pag-aaral. Tuwing weekend ay nagtitinda rin siya ng isda para makaipon ng baon.

Nakapagtapos siya ng elementarya at high school dahil sa tulong ng kanyang mga guro.

Taong 2010, natanggap siya sa isang ahensiya bilang security guard, at nadestino sa iba’t ibang assignments.

Kalaunan ay na-assign siya sa branch ng Security Bank sa Dipolog.

Answered prayer ito para kay Jun.

Sabi niya, “Isa sa mga dahilan kung bakit pinili kong maging security guard habang ipinagpapatuloy ang pag-aaral ay dahil pangarap ko talagang maging isa sa mga empleyado ng Security Bank bilang isang teller.”

Nagsilbing security guard si Jun sa branch na iyon sa loob ng walong taon.

 

OPPORTUNITY KNOCKS ON JUN’S DOOR

Taong 2018, isa siya sa mga napiling recipient ng scholarship program ng Security Bank Foundation.

Tinatawag itong “Regalo Mo, Kinabukasan Ko,” at ang mga scholars ay mga Security Bank agency-hired employees at ang kanilang mga anak.

Pinagsabay ni Jun ang pagtatrabaho bilang security guard at pag-aaral sa Dipolog City Institute of Technology.

Kumuha siya ng kursong Bachelor of Science in Computer Science degree.

Bukod pa rito, pamilyado na rin siya at that time.

Noong July 2, 2022, sa edad na 32, nagtapos sa kolehiyo si Jun “with honors.”

Lubos-lubos ang pasasalamat ni Jun sa foundation dahil sa ibinigay na scholarship sa kanya: “[L]alo na sa mga opisyal ng bangko na tumulong at nag-endorse sa akin bilang iskolar.”

Pero ang unang trabaho ni Jun matapos mag-graduate ay sa isang major motorcycle dealer company.

Pero hindi nagtagal, dumating na ang pinakaaasam na pagkakataon ni Jun.

Muli siyang nakapagtrabaho sa branch, pero, sa pagkakataong ito, na-hire siya bilang bank teller noong March 3, 2025.

“Sobrang dami ng nagbago. Labing-isang taon akong security guard, at ngayon ay isa na akong teller.

“Kaya naman sobrang nakaka-proud, dahil sa wakas ay nakamit ko rin ang matagal ko nang pinapangarap.”

Tungkol naman sa major lessons na natutunan niya, sabi ni Jun: “Ang pinakamahalagang aral na natutunan ko ay ang manatiling mapagkumbaba.

“Pinapangako ko po na gagampanan ko nang maayos ang aking trabaho.”