Mga alaala ni Nora Aunor sa Iriga City, buhay pa ba?

Silipin ang Nora’s Nook, marker, at bahay sa bayan kung saan siya lumaki.

Silipin ang Nora's Nook, marker, at bahay ni Superstar Nora Aunor sa kanyang birth town sa Iriga City.

Silipin ang Nora’s Nook, marker, at bahay ni Superstar Nora Aunor sa kanyang birth town sa Iriga City.
PHOTO/S: Jerry Olea

JERRY OLEA

Nagsadya ang mga ka-PEP Troika na sina Noel Ferrer at Gorgy Rula sa Jessie Robredo Museum sa Naga City nitong Mayo 29, 2018, Martes ng hapon.

Nagyaya tuloy ako sa Iriga City para bisitahin ang makasaysayang simbahan sa bayan ni Nora Aunor.

Aba, may museo rin daw roon ang Superstar!

E, sa Wikipedia, hindi nabanggit sa tourist attractions ng Iriga ang Nora Aunor Museum.

Tumawag si Noel sa Noranian na si Albert Sunga kung may museum ba si Nora sa Iriga.

Nasa library raw mismo na malapit sa park at simbahan.

Iyong library ay nasa 2nd floor ng isang gusali.



NORA AUNOR’S NOOK

Hindi pala iyon museo kundi nook, isang munting sulok na inilaan para kay Nora simula 2015.


Nora Nook ang tawag doon, na halos kasinlaki ng CR sa Starbucks.

May dalawang maliit na mesa, tatlo o apat na upuan, isang file cabinet, at tatlong racks para sa photo albums, CDs, DVDs at kung anu-ano pa.





Sabi ng city librarian, ang 53 anyos na si Flora Salvadora, noong 2015 pinasimulan ang Nora’s Nook sa tulong ni Albert Sunga at members ng ICON (fans club ni Nora).

Dalawang beses na raw nagtungo ang Superstar sa Nora’s Nook.


NOEL FERRER

Grabeng organized at nakaka-inspire ang Jesse Robredo Museum na lalo pa nilang inayos para sa pagdiriwang ng 60th birthday ng dating DILG Secretary na Ramon Magsaysay Awardee.

Sana ganyan din ang mangyari sa hangad na museum para kay Ate Guy.

Nasimulan na ng ICONS at ni Albert Sunga ang Nook.

Sana magtulung-tulong ang iba pang grupo at individuals na nagmamahal at nagmamalasakit kay Ate Guy para mapagawan siya ng museum befitting of her stature.

NORA AUNOR’S PROPERTIES IN IRIGA

Nabanggit din ng librarian na malaki ang laban ni Ate Guy sa kasong isinampa niya sa kamag-anak na nagbenta ng kanyang ari-arian sa Nabua at Baao, specifically sa barangay Sagrada, at San Juan.

Nasa Regional Trial Court na ang kaso. Ang namamahala ng kaso ni Ate Guy ay ang Legal Counsel ng Iriga na si Atty. Ferdinand Dino.

At kapag may hearing, dahil wala siya bahay, sa Iriga Plaza Hotel lumalagi ang ating Superstar.

Sana talaga mabigyan na ng linaw ang mga kasong ito para na rin maayos ang susunod na moves ng ating nag-iisang Superstar.

GORGY RULA

NORA AUNOR’S MARKER, OLD HOUSE

Kakaibang experience ito para sa mga Noranians.

Kung may Harry Potter Walk sa London, may Nora Aunor walk naman sa Iriga.

Bukod sa Nora Aunor Nook na ginawa nila sa City Library ng Iriga, meron pa silang marker ng Superstar sa riles ng tren na pinagbebentahan dati ni Ate Guy ng tubig.


Balak na rin daw nilang lagyan ng marker ang dating bahay ng Superstar na hindi na niya ngayon pag-aari.


Bilang Noranian, may kirot din sa puso na sa kabila ng pagpapahalagang ibinigay ng Iriga sa nag-iisang Superstar, wala siyang bahay at naghu-hotel lang siya kapag pumupunta sa Iriga.

Napunta sa wala ang mga naipundar niya, at kahit nga raw sa taping at shooting, service car lang ng production ang gamit niya.

Kung hindi pa maayos ang mga kaso sa mga lupain ng Superstar, sana maayos na rin ang pamilya niya.

Sana magkaayos na rin sila ng mga anak niya.