Ai-Ai delas Alas: “All these shall pass.”

Ai-Ai delas Alas assures fans she "will be fine" after heartbreak
Ai-Ai delas Alas pens message of gratitude to friends and fans: “Thanks to all of you who supported me. My friends and my fans are the real heroes of this story. I appreciate every one of you. Been reading all your posts and messages.”

PHOTO/S: Screengrab GMA Network on YouTube

Malaki ang pasasalamat ni Ai-Ai delas Alas sa natatanggap niyang pagmamahal at suporta mula sa mga kaibigan at tagahanga, sa gitna ng kanyang pinagdaraanan ngayon.

Ito’y matapos niyang isapubliko kamakailan ang hiwalayan nila ng asawang si Gerald Sibayan.

Sa Facebook nitong Miyerkules, November 13, 2024, pinasalamatan ni Ai-Ai ang mga taong nagmamalasakit at nangangumusta sa kanya, kabilang na rito ang ilan sa malalapit niyang kaibigan at masusugid na tagahanga.

Ani Ai-Ai, malaking bagay sa kanyang pagmu-move on ang natatanggap niyang pagmamahal sa mga ito.

Mensahe niya, “Thanks to all of you who supported me. My friends and my fans are the real heroes of this story. I appreciate every one of you. Been reading all your posts and messages.”

Para hindi na mag-alala pa ang mga ito ay siniguro rin ng aktres na nasa mabuti siyang kalagayan, at naniniwala siyang kaya niyang malagpasan ang sakit at pangungulila na kanya ngayong pinagdaraanan.

Saad niya (published as is), “i will be fine. All these shall pass… God bless us all!”

Kalakip ng post ni Ai-Ai ang isang Bible verse na tila kanya ngayong pinanghahawakan.

Mababasa rito (published as is), “”Trust in the Lord with all your heart; do not depend on your own understanding. Seek his will in all you do, and he will show you which path to take.” – Proverbs 3:5 NLT.”

AI-AI DELAS ALAS-GERALD SIBAYAN BREAKUP

Sa mismong ika-60 kaarawan ni Ai-Ai noong November 11, kinumpirma ng Comedy Queen ang masalimuot na kinahantungan ng sampung taon nilang relasyon ni Gerald.

Nangyari ito nang makapanayam siya ni Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda.

Ayon kay Ai-Ai, nakipaghiwalay sa kanya si Gerald via text message habang ito ay nasa Amerika at siya naman ay nasa Pilipinas.

Katuwiran umano ni Gerald, gusto niyang magkaroon ng anak at hindi na siya masaya sa piling ni Ai-Ai.

Mula noon, hindi na sila nagkita o nagkausap nang personal.

Nang bumalik si Ai-Ai sa tahanan nila sa Amerika ni Gerald noong October 27, wala na rin ang kanyang estranged husband.

Ikinasal sina Ai-Ai at Gerald noong 2017 pagkatapos ng tatlong taong relasyon bilang magkasintahan.

ai-ai delas alas gerald sibayan wedding
Photo/s: File

“Oo, hiwalay na kami. Sinabi niya na gusto niya magkaanak, hindi na siya happy,” pagbabahagi ni Ai-Ai kay Boy.

“Medyo confused ako, shocked.

“‘Bakit ngayong oras na ito? Sana hinintay mo muna akong makauwi sa Amerika.’ Maraming bakit.”

Pagpapatuloy ni Ai-Ai, “In fairness, wala naman talaga kaming pinag-aawayan.

“Actually, sa buong [panahon] ng pagsasama namin, bilang sa daliri yung… discussion nga, e, hindi away. So, parang nagulat ako.

“Why ngayon? Anong meron sa October? Anong meron sa araw na ito? Bakit madaling-araw dito [sa Pilipinas]?

“Sumasagot ako sa chat niya, pero nag-sink sa akin nung umaga na.

“Siyempre, initial reaction ng asawa, nagalit muna ako. Sini-sink ko muna, ano ba itong nangyari?”

Aminado si Ai-Ai na tampo ang una niyang naramdaman nang mabasa niya ang text message ni Gerald na hindi na ito masaya at gusto na nitong magkaroon ng anak.

Ani Ai-Ai, “Yun ang tampo ko, the word is tampo.

“Kasi alam naman niya na bago niya ako pakasalan, hindi na ako magkakaanak, but I really tried my best.

“Meron kaming in vitro [fertilization]. Kahit mahina yung eggs ko, tina-try ko na mag-IVF.

“And then, meron kaming tatlong embryo, may name yon—si Graine, Gale… Meron pa kaming isa, si Gold. Meron pa kaming isang embryo.”

Sa puntong ito ay hindi na napigilan ni Ai-Ai ang pagpatak ng kanyang luha.

ai-ai delas alas fast talk with boy abunda
Photo/s: GMA Network

Pagpapatuloy niya, “Sabi ko sa kanya, kapag nagkapera kami, isu-surprise ko sana siya na ilalagay ko yung baby para meron kaming anak. Para magkaroon kami ng baby.

“Siguro yun ang nag-trigger sa kanya na ayaw niya ng surprise na bibigyan ko siya ng baby. Kasi, di ba, may isa pa kaming embryo, si Gold?

“Pero sinabi niya na nasasaktan siya na nawala yung dalawa naming baby.

“Sabi ko pa nga sa kanya, ‘May isa pa tayo, si Gold. Anak mo rin yon. Yun ang i-try natin [na mabuo],’ pero ayaw niya.”