Kim Chiu: Malaki talaga ang puson namin… Dun napupunta ang taba ko—nasa face saka nasa tiyan.

Kim Chiu on her 10th anniversary concert on April 9: “Kabang-kaba na ako, hindi ko alam kung paano ako magre-rehearse, speechless na ako sa kaba. Yung mga hits ko before, and then yung gusto kong gawing mga numbers. Ikagugulat ninyo.”

Tinawanan lang ni Kim Chiu ang balitang buntis diumano siya.

Ayon sa kuwentong lumabas, napansin daw ang lumaking tiyan ng aktres sa dinner sa isang restaurant, kung saan kasama pa raw niya ang lalaking pinaghihinalaang ama ng kanyang dinadala.

Nakita rin daw si Kim na nakipag-toast na ang laman ng baso ay tubig imbes na wine, dahil bawal nga sa isang nagdadalang-tao ang alcoholic drink.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News kay Kim sa Fab Out event ng Watson’s sa SM The Block noong Sabado, March 5, ay inusisa siya tungkol sa balitang buntis siya.

Reaksiyon ng Kapamilya actress, “Ay, oo, lagi talaga akong nagaganun, malaki talaga ang puson namin.

“Kaya nga ako nagpa-Fab Out, e, para matanggal. Nasa pamilya namin talaga yun.”

Dagdag pa ni Kim, “Nakailang beses na akong naganyan, pero ilang taon na siya sa tiyan ko, hindi pa rin siya lumalabas.

“Lagi talaga akong nagaganyan, kaya pag may fitting ako ng damit, di muna ako kumakain.

“Dun napupunta ang taba ko, wala sa arms, wala sa hita ko—nasa face saka nasa tiyan.”

KIM IN NEW YORK. Noong araw na iyon ay kagagaling lang ni Kim sa New York, kung saan kinunan ang ilang mga eksena ng bagong teleserye nila ni Xian Lim sa ABS-CBN, ang The Story of Us.

Ayon sa 25-year-old actress, “Make-up lang then heto na.

“Happy naman ako na work, work, work ako.

“Sobrang lamig, sobrang lamig talaga, hindi ko kaya.

“Nanginginig kami, umeeksena ka…

“Yun na yata ang pinakamahirap na eksena na umiyak ka sa harap ng hangin na malamig.

“Alam ko na nalulungkot ako, pero bakit wala? Sundutin ko na kaya ang mata ko?

“Nanunuyot talaga siya at kahit lalamunan namin, nanunuyo, inom lang kami nang inom ng tubig.

“Mahirap siya kasi puro outdoor kami dun, pero worth it naman, worth it naman ang mga pagod namin.”

Masaya rin si Kim sa magandang feedback at reviews na tinatanggap ng The Story of Us.

Sabi pa niya, “And then, first time ko sa Star Creatives, first time ko sa timeslot na ganito.

“Masaya ako, I’m very happy, napa-proud ako sa project na ito.”

TENTH ANNIVERSARY. Para naman sa kanyang 10th anniversary sa showbiz, isang concert ang handog ni Kim para sa kanyang mga tagahanga na gaganapin sa April 9 sa KIA Theater.

Saad niya, “Kabang-kaba na ako, hindi ko alam kung paano ako magre-rehearse, speechless na ako sa kaba.

“Yung mga hits ko before, and then yung gusto kong gawing mga numbers. Ikagugulat ninyo.

“Kaya nga siya Kalayaan Day dahil malaya akong gawin ang mga gusto ko, sinadya ko talaga yun.”

Labis naman ang pasasalamat ni Kim sa ABS-CBN dahil sa pagbibigay sa kanya ng magagandang proyekto sa loob ng sampung taon.

“Lahat, actually lahat, kasi lahat ng chance…

“Yearly binibigyan ako ng ABS to prove myself kung ano ang worth ko, kung ano ang kaya ko.

“Masaya ako na marami ang nasisiyahan sa mga ginagawa ko.

“So, for my ten years, magse-celebrate ako, so sana manood sila.”