“Sobra akong nalungkot…yung sinabi niya na fake ambush daw.”

In her YouTube vlog, Kim Chiu says she is saddened that people would even think she would fake her ambush. 

PHOTO/S: Screengrab from Kim Chiu on YouTube
Binalikang-tanaw ni Kim Chiu sa kanyang latest vlog sa YouTube ang shooting incident na kinasangkutan niya.

Ito ay para tuldukan na rin ang mga akusasyon ng ilang bashers na “fake” o “isang malaking drawing” ang nangyari.

Inilabas ni Kim ang kanyang vlog noong March 27, 2020, at sa loob ng isang araw ay nagkaroon na ito ng mahigit 375,000 views.

Si Kim ay lulan ng kanyang sasakyan nang pinagbabaril ito ng dalawang armadong lalaking sakay ng motorsiklo bandang 6:15 a.m. noong March 4.

Papunta noon si Kim sa location shooting ng kanyang Kapamilya drama series na Love Thy Woman.

Sa unang bahagi ng kanyang vlog, nagbigay-pugay muna si Kim sa frontliners at healthcare workers na tumutulong upang masugpo ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Saka sumegue si Kim sa isyu: “Gusto ko lang i-clarify yung ilang bagay and gusto ko lang malinawan ang lahat sa totoong nangyari sa incident na yun.”

KIM CHIU ADDRESSES BASHERS

Unang nilinaw ni Kim ang tungkol sa diumano’y bulletproof niyang sasakyan.

Ang tanong kasi ng kanyang bashers: Bakit tumagos pa rin ang mga bala?

Ayon kay Kim, “Hindi po bulletproof yung kotse ko. Sa line of work naman namin, hindi namin kailangan ang bulletproof na sasakyan.

“Ang gusto ko lang, kasya lahat ng gamit ko para sa taping and nandun lahat ng mga kailangan ko so nagkaroon ako ng ganung sasakyan.”

Sinagot din ni Kim ang pambabatikos ng ilan na tila hindi raw ito naapektuhan ng insidente dahil right after the incident ay dumiretso siya sa taping na parang walang nangyari.

Pahayag ni Kim, “Lahat naman ho tayo may iba’t ibang ways on how we cope up sa problema, stress, trauma. Iba-iba naman po kasi ang tao.

“Ako, hindi ko alam kung papaano ako magre-react dun sa nangyari na yun, kung tatanungin niyo lang ako.

“Pero naranasan ko kasi siya, and ganun ako mag-react, in a way na parang dumaan lang siya sa akin, and dumeretso ako ng taping na hindi ko inisip na, ‘Ay nanggaling pala ako dun.’”

Ayon pa kay Kim, humingi siya ng tulong sa isang counselor upang magpa-debrief sa nangyari.

“So nung nag-debriefing kami, sinabi niya [ng counselor], ‘Habang nagkukuwento ka, wala naman akong nakikitang trauma sa iyo. Okay naman yung pag-cope up mo, and kaya mo rin nagawang dumiretso ng taping ay dahil instinct mo yung dumiretso ng taping.’

“So ganun ko daw hinandle yung situation.”

KIM CHIU ON “FAKE AMBUSH”

Pero ang talagang dinamdam ng 29-year-old Kapamilya star ay ang akusasyong “fake ambush” ang naganap sa kanya.

Hindi binanggit ni Kim ang pangalan ng vlogger na nagpakalat nito sa YouTube, pero nagbigay-pahayag siya tungkol dito.

Ang sabi ng dalaga: “Sobra akong nalungkot nung napanood ko yun sa YouTube, yung sinabi niya na fake ambush daw. Sobra akong nabothered.

“Ang sabi ko talaga sa sarili, ‘Bakit niya sinabi yun? Bakit may taong naniniwala sa kanya?’

“Ang dami kong bakit nung araw na yun hanggang sa dumating ako sa punto na, ‘Hindi, okay na. Huwag na natin siyang isipin. Hindi naman mahalaga kung ano yung reaksiyon niya, kung ano yung gusto niyang palabasin.’

“Basta ang mahalaga, wala hong nasaktan sa amin. Walang casualties.”

Paglilinaw pa ni Kim, hinding-hindi niya maiisip ang manakit ng kapwa gamit ang baril, lalo pa’t pamilya ang turing niya sa driver at personal assistant na kasama niya noong nangyari ang insidente.

“Gusto ko lang tanungin, kailangan ba talaga may matamaan, may mamatay, merong masaktan para sabihin niyo na totoo yung nangyari?

“Dahil unang-una, hindi ko ilalagay sa panganib ang buhay ng kahit na sino para lang sa publicity.

“Buhay yun ng mga taong nag-aalaga sa akin ng ilang taon. Ilalagay ko ba yung buhay nila sa delikado? Kung tutuusin, tinuturing ko na silang pamilya.”

Sinagot din ni Kim ang mga sabi-sabi na nagpabayad siya para sa isang publicity stunt.

“Bakit? Paano kung tumuloy yung bala?” balik ni Kim.

“Aanhin ko yung binayad nila sa akin para sa buhay ko?

“Hindi ko alam bakit may mga taong nag-iisip ng mga ganung bagay. Sana magpasalamat na lang tayo na walang nasaktan sa amin.”

KIM CHIU WAS NOT THE TARGET

Mabilis din daw napalagay ang loob ni Kim sa loob ng isang linggo dahil nalaman nitong hindi siya ang target ng ambush.

Aniya, “Kaya din po ako ganito, dahil after nung nangyari, after nung gabi na nakarating na ako kung saan ako nag-stay nung araw na yun, biglang nag-text sa akin yung isa sa mga boss namin na nag-message daw yung dapat na para sa kanya yung bala.

“Na pakisabi daw sa akin na pasensya, pakisabi daw sa akin huwag daw akong mag-alala dahil hindi daw para sa akin yung bala.”

Ngunit aminado ang aktres na natakot ito para sa kanyang buhay, kahit na sinabing hindi siya ang target ng ambush.

“Para akong nabunutan ng tinik, para akong nabuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko alam yung nararamdaman ko dahil ang daming tumakbo sa isip ko na, ‘Paano kung tumama sa akin, hindi para sa akin?’

“Maraming ‘paano?’ Maraming ‘bakit?’ Maraming ‘paano kung ganito?’

“‘Tapos the next day, pumunta yung lawyer ko sa akin, sabi niya, gusto daw siyang kausapin nung tao na para dapat sa kanya yung bala para i-assure lang ako na hindi sa akin.

“Meron din lumabas na dapat magpapa-interview siya, pero natatakot din siya para sa buhay niya. So nakampante yung loob ko.”

Pagpapatuloy ni Kim, “After one week, bumalik na ako sa dati kong ginagawa. Binalik ko na yung usual na ako dahil wala naman talagang nawala.”

Sa kanyang vlog, nagpasalamat si Kim sa kanyang home network, ang ABS-CBN, at sa mga kaibigang nagpakita ng malasakit matapos ang pangyayari.

“Nagpapasalamat ako dahil binigyan ako ng magpo-proteksiyon sa akin.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nagtext, nag-show ng concern. Dun ko nakita yung mga totoong tao, yung mga totoong nandiyan para sa iyo.”

Sa bandang huli, sinabi ni Kim na tila isang milagro pa rin ang nangyari, at mas tumibay pa ang kanyang pananampalataya sa Diyos.

“Yung nangyaring yun is very hard to explain, pero prinotektahan yung buong kotse ko ng Panginoon. Mahirap paniwalaan pero totoo. Sobra pong totoo.

“Para pong naging stronger yung faith ko, naging stronger yung psasalamat ko, and way din ito para i-share sa inyo na nandiyan lang ang Panginoon every day, every second, every minute, buong buhay natin, nakagabay ang Panginoong Diyos.”