Nilinaw ng GMA News anchor na si Mariz Umali ang viral video kung saan tinawag niya umanong “matanda” si dating executive secretary Salvador Medialdea.

mariz umali salvador medialdea the hague

Sa kumalat na video clip, na in-upload ng isang netizen na may handle name na Queenchubs, maririnig ang boses ni Umali at ang kausap nito habang inilalabas si Medialdea mula sa The Hague Penitentiary Institution sa Netherlands.

Si Medialdea ay nakasakay sa stretcher papunta sa ambulansiya na magdadala rito sa ospital.

Bigla umanong sumama ang pakiramdam ng dating executive secretary nang dalawin nito si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes, March 18, 2025.

salvador medialdea on stretcher
Former executive secretary Salvador Medialdea was transported out of The Hague Penitentiary Institution after falling ill while visiting former President Rodrigo Duterte on March 18, 2025. 

Photo/s: Mariz Umali Facebook

Ang video clip na in-upload sa social media ay may nakasulat na caption na “Talaga ba Mariz Umali? Matanda? referring to Atty. Salvador Medialdea”

Tanging boses ni Umali at ng kausap ang maririnig. Hindi kita ang kanilang mga mukha.

Nilagyan ng uploader ng subtitle ang sinabi umano ni Umali (published as is): “Tingnan mo yung matanda nakabukas yung mata niya kanina tapos nakita niya ako bigla niyang pinikit (laugh)”

Maririnig na sabi ng kausap niya: “Korek. Korek.”

Maririnig din ang sabi ni Umali sa lalaking kumukuha ng video: “Kuya, baka kina-capture mo yung sinabi namin.”

Sagot ng lalaki: “Ate, sorry, naka-live ako.”

Dahil sa kumalat na video ay nag-trending ang Kapuso anchor at, gaya ng inaasahan, inulan siya ng batikos mula sa netizens, partikular na ang mga tagasuporta ni Duterte.

MARIZ UMALI CLARIFIES VIRAL VIDEO

Ngayong Miyerkules ng gabi, March 19, naglabas ng pahayag si Mariz Umali sa Facebook upang linawin ang sinabi niya umano sa kumalat na video clip.

Itinanggi ni Umali na tinawag niyang “matanda” ang 73-year-old former executive secretary na si Salvador Medialdea.

Mali raw ang interpretasyon ng kanyang sinabi, dahil ang totoong sinabi niya ay “mata niya.”

Pahayag ng GMA News anchor: “I wish to address and clarify an inaccurate claim about me that has gone viral regarding a statement I made about Former Executive Secretary Salvador Medialdea.

“A certain vlogger has circulated a post containing my voice, claiming that I referred to Former Executive Secretary Medialdea as ‘matanda’ while he was on a stretcher. This interpretation is inaccurate.

“What I actually said was, ‘Tingnan mo yung ‘mata niya’ [Medialdea], nakabukas siya nung una pero nung nakita niya ako, pinikit.’”

Nilinaw rin ni Umali na ang kanyang obserbasyon, na na-capture sa video clip, ay nakatuon lamang tungkol sa mata ni Medialdea.

Wala raw siyang intensiyong disrepetuhin ang dating government official.

Saad niya: “At that time, I, along with our stringer, was reviewing an exclusive footage of Former Executive Secretary Medialdea being taken out of the penitentiary on a stretcher.

“My observation was purely about his eyes—how they were initially open but closed upon seeing me during my attempt to interview him.

“It is obvious that I was misheard.

“I want to be clear that no disrespect was intended toward Former Executive Secretary Medialdea.

“I hope this clarification helps set the record straight.”

Parehong nasa The Hague, Netherlands sina Umali at Medialdea kaugnay ng isinasagawang hearing ng International Criminal Court (ICC) kay dating Philippine President Rodrigo Duterte, na inaakusahan ng crime against humanity.

Si Umali ay naroon sa ngalan ng GMA News upang i-cover ang mga kaganapan kaugnay ng paglilitis kay Duterte.

Si Medialdea naman ang kasama ni Duterte mula nang arestuhin ito ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa Pilipinas noong March 11, 2025 at dalhin sa The Hague para humarap sa ICC.

Si Medialdea rin ang nag-represent kay Duterte sa ginanap na pre-trial hearing sa ICC noong Biyernes, March 14.