Ang Lihim ng Abandonadong Bahay sa Laak
Isang babae na naman ang natagpuang wala ng buhay sa isang luma at abandonadong bahay sa Poblacion, Laak, Davao de Oro. Ayon sa report, ang katawan ay natagpuan ng mga kabataan na mangunguha sana ng marang sa paligid ng bahay. Subalit nang silipin nila ang loob ng lumang bahay, ay dito na nga nila nakita ang noon ay halos kalansay na lamang na katawan ng isang babae na natatabunan pa ng kumot. Sino kaya ang biktima at paano nito sinapit ang masakit na katapusan?

Ang lumang bahay na ito sa Poblacion Laak ay matagal ng abandonado. Minsan din itong naging tahanan ng masayang pamilya at naging saksi sa mga masasayang alaala. Subalit sa paglipas ng panahon, lumaki ang mga anak ng may-ari at nagkaroon na ng kani-kaniyang pamilya. Ang matanda namang may-ari ay pumanaw dahil sa katandaan. Kaya naman nagmistulan na lamang itong bakanteng bahay na unti-unti ng kinakain ng anay at binabalutan ng malalagong damo. Para pakinabangan ang lupa ay binenta ito at nabili ng isang Pulis Corporal na bagamat abala sa trabaho ay hindi rin naasikaso ang property. Sino namang mag-aakala na ang lumang bahay na ito ay magiging piping saksi sa masakit na katapusan ng isang dalagita?
Natagpuan na lamang naagnas sa loob ng abandonadong bahay ang katawan ng isang 14 anyos na dalagita na kinilalang si alias Trudis. Siya si Baby Trudis Herbolingo Ingada. Ang kanilang pamilya ay tahimik na naninirahan sa Laak, Davao de Oro. Bagama’t mahirap ang buhay ay lumaki si Trudis sa pagmamahal ng mga magulang at mga kapatid. Masipag, maaasahan, at responsableng dalaga—ganyan nila ilarawan si Trudis. Mataas ang pangarap nito at isa na nga rito ay ang makapagtapos ng pag-aaral at matulungan ang kanyang mga magulang, bagay na hindi na nito nagawa dahil nga sa maagang nagtapos ang buhay nito dahil sa isang karumal-dumal na krimen.
October 17, 2025, nang makatanggap ng tawag ang tanggapan ng kapulisan sa Laak tungkol sa natagpuang katawan. Agad nilang tinungo ang lugar kasama ang grupo ng forensics. Sa loob ng lumang bahay, idinatnan nila ang kalunos-lunos na kalagayan ng biktima. Halos kalansay na lamang ang natitira sa katawan nito, nagpapatunay na matagal na itong patay. Base sa buhok, damit, at mga gamit na nakita sa crime scene, agad nilang nakumpirma na ito ay isang babae. Sa kanilang lugar ay isa lamang ang nawawalang dalaga na matagal ng hinahanap—si Trudis.
Ayon sa ina ni Trudis, hindi niya makakalimutan ang huling beses na nakita niyang buhay ang anak. April 18, 2025, Biyernes ng gabi, nang magpaalam ang kanyang anak na si Trudis na maghuhulog ng barya para makakonekta sa Piso WiFi sa kanilang kapitbahay. Subalit mula ng pag-alis na ito ay hindi na ito nakauwi pa. Noong una, inakala nila na maaaring nakitulog lamang ito sa mga kaibigan. Subalit lumipas ang araw, wala pa ring Trudis na umuuwi. Dito na sila nagsimulang mag-alala.
Sa ginawang imbestigasyon, isang bagay ang nakaagaw ng pansin. Isang babae ang nag-post noong August 2025, apat na buwan matapos mawala si Trudis, na nawala ang kanyang cellphone at na-trace ito gamit ang GPS sa abandonadong bahay. Ginawa ng mga pulis ang backtracking at nakakuha sila ng lead sa mga huling kasama ni Trudis: ang nobyo nito na si JV Rivera Gonzaga at ang kaibigan nilang si TJ Villerin.
November 9, 2025, isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Isang 17 anyos na lalaki, kasama ang kanyang mga magulang, ang sumuko sa kapulisan. Ayon sa kanya, siya nga ang pumatay kay Trudis. Inamin niya na noong gabing iyon, inaya niya ang biktima na makipag-inuman. Dinala niya ito sa abandonadong bahay at doon isinagawa ang krimen. Ang dahilan? Nagalit umano siya sa biktima dahil sa pang-iinsulto nito sa kanyang nobya.

Sa loob ng anim na buwan ay nakauwi na si Trudis sa kanyang mga mahal sa buhay, nakakalungkot nga lang dahil isa nang bangkay. Ganun pa man, iisa lamang ang totoo: Ang abandonadong bahay na ito ay siyang naging saksi sa masakit na sinapit ni Trudis at naging piping kanlungan ng kanyang walang buhay na katawan. Ang lupa sa paligid nito ang minsang sumipsip sa kanyang mga pumatak na luha, at ang hangin na dala ng mga puno sa paligid ang lihim na nakinig sa kanyang pagtangis.






