Ang PAGKAKAMALI na NAGPABAGSAK kay IDI AMIN – THE BUTCHER of UGANDA

Posted by

Noong taong 1971, ang bansang Uganda sa kontinente ng Africa ay napuno ng ingay ng pagdiriwang. Ang mga tao ay nagsasayaw sa mga lansangan, sumisigaw sa tuwa, at nagbubunyi. Ang dahilan? Ang matagumpay na pagpapatalsik sa kanilang punong ministro na si Milton Obote, na sa kanilang paningin ay naging simbolo ng korupsyon, katiwalian, at hindi pagkakapantay-pantay. Sa pamamagitan ng isang kudeta o coup d’état, isang marahas ngunit mabilis na pag-agaw ng kapangyarihan, nagkaroon ng bagong pag-asa ang mga mamamayan.

Dahil dito, pansamantalang pinamunuan ang bansa ng isang mabangis at makapangyarihang heneral na siyang naging lider ng pag-aaklas upang mapatalsik ang nasabing prime minister. Ang kanyang pangalan ay Idi Amin Dada. Siya ay tinitingala bilang isang bayani, isang tagapagligtas na mag-aahon sa Uganda mula sa lusak ng kahirapan at katiwalian. Ang kanyang matipunong pangangatawan at matapang na pananalita ay nagbigay ng kumpiyansa sa mga tao na siya ang sagot sa kanilang mga problema.

Ngunit lingid sa kaalaman ng mga inosenteng mamamayan ng Uganda na walang binatbat ang kasamaan at kalupitan ng pinatalsik nilang lider sa nasabing heneral. Ang kanilang inaakalang tagapagligtas ay may maitim na balak pala na maging diktador. Ang kanyang mga ngiti ay may nakatagong pangil, at ang kanyang mga pangako ay pawang mga patibong. Kalaunan, makikilala siya ng buong mundo sa isang nakakabahalang bansag: “The Butcher of Uganda” o Ang Katay ng Uganda.

Bakit? Dahil sa tinatayang daan-daang libong tao—mula sa mga ordinaryong mamamayan, mga intelektwal, hanggang sa kanyang sariling mga kaalyado—ang kanyang walang awang pinaslang. Ang mga kwento ng kanyang kalupitan ay tila hango sa isang horror movie: pinapakain umano ang kanyang mga biktima sa mga alaga niyang buwaya sa Ilog Nile, at ang iba, ayon sa mga bulung-bulungan at ilang ulat, ay kinain pa niya mismo bilang tanda ng kanyang dominasyon.

Ito ang true story ni diktador Idi Amin. Ang kanyang ibang level na kasamaan, ang kanyang pag-akyat sa kapangyarihan mula sa wala, at ang kanyang malaking pagkakamali na siyang naging mitsa sa pagwawakas ng kanyang brutal na rehimen at paghahari-harian sa Uganda.

Taong 1925 nang ipinanganak si Idi Amin Dada sa Koboko, Uganda, sa isang mahirap na pamilya mula sa tribong Kakwa. Lumaki si Amin sa isang lugar na balot ng kaguluhan at karahasan, isang kapaligiran na siyang unti-unting huhubog sa kanyang pagkatao sa paglipas ng panahon. Wala siyang pormal na edukasyon, at sa murang edad, natutunan niya na sa mundong kanyang ginagalawan, ang lakas at dahas ang tanging paraan para mabuhay at igalang.

Noong 1946, nakapasok ang binatang si Idi Amin sa King’s African Rifles (KAR), ang military regiment na kontrolado ng British Colonial Army na nakabase sa Uganda noong mga panahong iyon. Kahit na wala itong sapat na edukasyon at halos hindi marunong bumasa at sumulat, nakapasok pa rin si Amin sa hukbo dahil sa kanyang pisikal na katangian.

Noong una, nagsimula lang ito bilang isang helper o katulong sa kusina, naghuhugas ng pinggan at nagbabalat ng patatas. Ngunit dahil sa kanyang pagpupursige, likas na talino sa pakikipaglaban, at pagnanais na umangat, unti-unting umakyat ang kanyang ranggo. Mula sa kusina, siya ay naging sundalo, at matapos ang ilang taong pagsusumikap at pagpapakita ng gilas sa mga operasyon laban sa mga rebeldeng grupo, siya ay naging opisyal.

Nakatulong rin ng malaki sa kanyang pag-angat ang kanyang nakakabilib na lakas at bato-batong pangangatawan. Siya ay may taas na mahigit anim na talampakan at katawang parang pader. Sa katunayan, maliban sa pagiging isang sundalo, si Amin ay isa ring napakahusay na boksingero. At dahil halos walang nakakatumbas sa lakas nitong sumuntok noon, hinawakan ni Idi Amin ang titulo bilang ang light heavyweight boxing champion ng Uganda sa loob ng siyam na taon, mula 1951 hanggang 1960. Ang kanyang tagumpay sa ring ay nagbigay sa kanya ng popularidad at respeto hindi lang sa militar kundi pati na rin sa publiko.

Noong 1962, matapos ang halos pitong dekada ng pagiging isang British colony, sa wakas ay nakalaya na rin ang Uganda ng taong iyon. Nagkaroon ng bagong prime minister ang nasabing bansa, si Milton Obote. Kahit nagbago na ang administrasyon at umalis na ang mga Briton, nanatili pa rin si Idi Amin bilang isang sundalo sa bagong tatag na Ugandan Army. At kalaunan ay unti-unting nagkamit ng mataas na posisyon sa militar dahil sa kanyang koneksyon at impluwensya.

Mas lalo lamang pumutok ang pangalan ni Amin nang maging isa ito sa mga naging kaalyado ni Obote para sa binubuo niyang bagong gobyerno. Marahil ay dahil sa kanyang malahiganting postura, kakayahang mamuno, at ang takot na kaya niyang iparamdam sa mga tao, tinanghal ni Obote si Idi Amin bilang ang bagong commander ng buong hukbong sandatahan ng Uganda noong 1965. Ito ang pinakamataas na posisyon ng isang heneral.

Ang kanilang alyansa ay naging napaka-epektibo sa simula. Sa tulong ni Amin at ng kanyang kontrol sa militar, nakuha ni Obote ang suporta at takot ng mga Ugandan. Kasabay nito, nakabuo naman si Amin ng matatag na armed forces na maglilingkod hindi lang para sa bayan kundi para sa kanya at kay Prime Minister Obote. Pinalakas niya ang militar, nagrekrut ng mga sundalo mula sa kanyang sariling tribo, at sinigurado ang kanilang katapatan sa kanya.

Subalit kagaya ng maraming mga pinuno sa iba’t ibang parte ng Africa noong panahong iyon, ang administrasyon ni Obote ay nabalot rin ng kontrobersya. Naging tampulan ng pansin ang di-umanoy korupsyon sa ilalim ni Obote, habang nagkaroon naman ng haka-haka tungkol sa mga kwento ng pagiging abusado at marahas ni Amin sa kanyang mga operasyon. May mga ulat ng pagpatay at torture na iniuugnay kay Amin, ngunit pinalampas ito ni Obote dahil kailangan niya ang lakas ni Amin.

Dahil sa mga isyung ito at sa lumalalang suspetsa sa isa’t isa, nagkaroon ng lamat ang relasyon ni Obote at Amin. Nagsimulang magduda si Obote sa katapatan ni Amin, at si Amin naman ay natakot na baka siya ay ipapatay o ipakulong ni Obote. Ngunit dahil napakalakas ng impluwensya ni Idi Amin sa militar, ay nakuha nito ang loob ng malaking bahagi ng sambayanan at ng mga sundalo.

Ang mga bagay na ito ay lubhang nagpakaba kay Milton Obote at sa kung ano ang susunod na maaaring mangyari. At gaya nga ng kanyang inaasahan, ang dating inakala niya ay kanyang matalik na kaibigan at tapat na kaalyado ay siya palang magiging mismong dahilan ng kanyang pagbagsak.

Noong 1971, habang nasa Singapore si Obote para sa isang kumperensya ng Commonwealth, sinamantala ni Amin ang pagkakataon. Palihim na pinamunuan ni Amin ang isang kudeta na naglalayong patalsikin ang prime minister. Mabilis na kumilos ang kanyang mga tapat na sundalo, inokupa ang mga estratehikong lugar sa Kampala, ang kabisera, at idineklara ang pagbabago ng pamahalaan.

Nakakuha ng maraming suporta si General Idi Amin mula sa mga tao, lalong-lalo na sa kanyang mga sundalo at sa mga tribong nakaramdam ng pang-aapi sa ilalim ni Obote. Dahil sa kanilang pag-aalsa, matagumpay nilang napatalsik si Milton Obote mula sa kanyang pwesto nang walang matinding labanan. Ang hudyat ng isa na namang pagbabago para sa Uganda.

Bilang ang pinakamataas na heneral ng militar, pansamantalang pinamunuan ni Idi Amin ang bansa matapos ang magulong kudeta. Sa mga panahong yon, tinuring si Amin ng marami bilang isang magiting na bayani. Nagsasayaw ang mga tao sa kalsada, umaasa na tapos na ang panahon ng korupsyon. Tinuring siya ng taong bayan bilang ang lider na siyang magdadala sa kanila ng magandang kinabukasan at tunay na kalayaan.

Ngunit kabaliktaran pala ang mangyayari sa buong bansa sa kamay ni Amin. Noong una, wala umanong balak si Amin na manatili sa pwesto. Sa kanyang mga unang talumpati, nangako pa nga ito na hahayaan niya ang mga mamamayan na mamili ng bagong pinuno sa pamamagitan ng isang mapayapang eleksyon para sa demokrasya sa lalong madaling panahon. Sinabi niyang isa lamang siyang “caretaker” na sundalo.

Subalit lahat ng ‘yon pala ay pawang mga pangakong mapapako at mga kasinungalingang kailan man ay hindi magkakatotoo. Sa paglipas ng mga buwan, unti-unting luminaw ang tunay na kulay ni Idi Amin. Ang kapangyarihan ay nakakalasing, at si Amin ay nalasing dito nang lubusan.

Doon lang naging malinaw ang lahat na ang dating tinuturing na mahabaging bayani ng mga Ugandan ay magiging isa pa lang malupit na diktador na halang ang kaluluwa.

Nang dahil kay Idi Amin at sa kanyang mga malulupit na mga alipores na sundalo, nabalot ng karahasan at patayan ang Uganda. Nagtatag siya ng mga espesyal na yunit tulad ng State Research Bureau at Public Safety Unit na ang tanging layunin ay tugisin at likpamin ang sinumang sasalungat sa kanya.

Dumanak ang dugo sa mga lansangan at kahit sino ay walang kinilingan ang bagong diktador. Lahat ng pinaghihinalaan niya ng pagkontra sa kanyang administrasyon ay hindi na muli nasisilayan pa ng araw. Dinudukot sila sa gabi, isinasakay sa mga sasakyan, at hindi na muling nakikita.

Lahat ng pwedeng makipagsagupaan sa kanya sa pulitika o mga taong may boses para labanan ang kanyang mga maling prinsipyo gaya ng mga husgado, mga guro, mga propesyonal, mga journalist, at mga pari ay lahat tinutugis niya at nililipol. Nakakatikim sila ng lupit ng kanyang kamay na bakal. Kahit ang punong mahistrado ng Uganda at ang Arsobispo ng Simbahang Anglikano ay hindi pinalampas.

Ilan sa mga naging kaawa-awang target ng paghahasik ng lagim ni Amin sa Uganda ay ang mga Acholi at Lango tribes. Ito ang mga tribo na kinabibilangan ni dating Prime Minister Milton Obote at bumubuo sa malaking bahagi ng dating militar. Dahil sa kanilang loyalty kay Obote, ipinag-utos ni Amin ang sistematikong pagpatay sa kanila.

Torture, kidnapping, pagpatay, pananakot, at kung anu-ano pa ang naging pang-araw-araw na realidad. Walang sinuman ang naglakas-loob na suwayin ang mga utos ni Amin. Kahit ang kanyang mga asawa’t anak ay takot na takot dahil sa mga kaya niyang sikmuraing gawin. May mga kwento na maging ang isa sa kanyang mga asawa ay pinapatay at pinutil-putol ang katawan.

Sa loob lamang ng napakaikling panahon, tinatayang nasa 100,000 hanggang 500,000 na mga tao ang walang habas na pinatay ni Amin. Ang bilang ay nakakagimbal. Mapabata man o matanda, lalaki o babae, walang sinanto si Amin nung kasagsagan ng kanyang paghahari-harian sa Uganda. Ang mga ilog ay namula sa dugo, at ang mga hydroelectric dam ay nabarahan dahil sa dami ng mga bangkay na inanod.

Ang iba sa mga ito ay pinapakain niya sa mga alagang buwaya sa Ilog Nile habang pinapanood ang kanilang madugong katapusan. Ito ay isang paraan upang maglaho ang mga ebidensya at maghasik ng takot.

Subalit hindi nakuntento si Amin sa simpleng pagpatay sa kanyang mga kalaban. Dahil sa kanyang pagiging isang sadistang diktador na uhaw sa dugo, mas ikinasisiya niya kung siya mismo ang nagto-torture sa kanyang mga biktima. Gusto niyang marinig ang kanilang mga sigaw at pagmamakaawa.

Kaya naman binansagan ito noon bilang ang “Butcher of Uganda.” Ang mas matindi, may mga ulat na nawawala ang atay, kidney, labi, at pribadong bahagi ng kanyang mga pinapatay na kalaban. Ayon sa mga usap-usapan at kwento ng kanyang mga dating tauhan, kinakain ito mismo ng kanibal na diktador. Sinabi niya minsan sa isang panayam, “Human flesh is salty, even more salty than leopard meat.” Ito umano’y simbolo ng lubos niyang pagdominante sa kalaban—ang pag-angkin sa kanilang lakas sa pamamagitan ng pagkain sa kanila.

Sa loob ng mga konkretong kwarto na itinayo ng kanyang State Research Bureau, sa ilalim ng lupa, ay nakakubli ang bawat isa sa kanyang daan-daang libong mga biktima. Ang mga pader ay saksi sa hindi maipaliwanag na pagdurusa.

Para sa mga simpleng Ugandan, nagmistula si Amin na parang isang buhay na diyablo. Dahil maliban sa walang habas na pagpatay, isa ito sa mga African leader na galit na galit sa mga Kristiyano at sa modernisasyon ng mundo na dulot ng Amerika at Europa. Pinalayas niya ang mga misyonero at ipinasara ang mga simbahan. Lantaran ring inidolo ni Amin ang mga nagawa ni Adolf Hitler at ng mga Nazi noong World War II, at nagpahayag pa ng planong magtayo ng monumento para kay Hitler sa Kampala.

Isang ideolohiya na nagpapahayag kung gaano kaitim ang budhi ni Amin noon pa man. Inaasar din ni Amin ang iba’t ibang world leaders sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga liham na puno ng insulto at kakaibang pahayag. Nagpadala siya ng telegrama kay Queen Elizabeth II ng England na nag-aalok ng tulong pinansyal para sa UK, at naghamon pa sa Pangulo ng Tanzania ng boxing match.

Pinoproklama niya ang kanyang sarili ng mga nakakatawang mga titulo na haba-haba: “His Excellency, President for Life, Field Marshal Al Hadji Doctor Idi Amin Dada, VC, DSO, MC, Lord of All the Beasts of the Earth and Fishes of the Seas and Conqueror of the British Empire in Africa in General and Uganda in Particular.” Mga sandaling ‘yon, si Idi Amin, bukod sa isang brutal at malupit na lider, ay nagmukha ring isang katawa-tawang pinuno sa mata ng iba’t ibang lider ng mundo, ngunit isang nakakatakot na realidad para sa kanyang mga nasasakupan.

Subalit noong August 1972, gagawa ito ng isang napakalaking desisyon na maglalagay sa kanya sa spotlight at magpapabagsak sa ekonomiya ng Uganda. Inanunsyo niya sa publiko ang ultimatum na papalayasin niya ang lahat ng may lahing Asyano na nakatira sa Uganda. Sinabi niyang nanaginip siya kung saan inutusan siya ng Diyos na gawin ito. Binigyan lang ang mga ito ng 90 days para makapag-impake at lisanin ang bansa, at pinayagan lang silang magdala ng kaunting gamit.

Lahat ng mga Pakistani, Indian, at Bangladeshi—na karamihan ay ipinanganak at lumaki na sa Uganda—ay napilitan na lang iwan ang kanilang mga tirahan, negosyo, at hanapbuhay dahil sa utos ni Amin. Sila ang nagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa: mga may-ari ng tindahan, pabrika, bangko, at plantasyon.

‘Yun nga lang, wala nang naiwan roon para patakbuhin ng maayos ang mga negosyong naging sandalan ng ekonomiya ng Uganda. Ang mga Ugandan na naiwan ay walang sapat na kasanayan o karanasan sa pagnenegosyo.

Imbes na solusyunan ang problemang ito o kaya’y baguhin ang kanyang isip, abay mas lalo lang niyang pinalala ang sitwasyon. Lahat ng mga naiwang negosyo, trabaho, at imprastraktura matapos niyang palayasin ang mga dayuhan sa Uganda ay ipinamahagi niya sa kanyang mga paboritong kaibigan, kamag-anak, at mga opisyal ng militar bilang gantimpala sa kanilang katapatan. Sila ay pare-parehong walang alam kung paano patakbuhin at palaguin ang mga ito.

Gaya ng inaasahan, ang desisyong ito ay sadyang magiging isa sa mga dahilan kung bakit imbes na umunlad ay tuluyang magko-collapse ang ekonomiya ng buong Uganda. Nagkulang ang mga bilihin, tumaas ang presyo, at nagsara ang mga pabrika. Ito ay nagbunga ng matinding paghihirap na pinagdurusahan pa rin ng mga bagong henerasyon hanggang ngayon.

Ngunit hindi lang ‘yun ang pinakamalaking kalokohang naisipan ni Idi Amin. Sa loob ng maraming taon, isa sa mga naging mahigpit na katunggali ni Idi Amin ay walang iba kundi ang katabi nilang bansa, ang Tanzania.

Ang presidente ng Tanzania ng mga panahong iyon, si Julius Nyerere, ay matalik na kaibigan ng dating Prime Minister ng Uganda na si Milton Obote, ang taong pinatalsik ni Amin bago siya naluklok sa pwesto. Si Nyerere ay isang respetadong lider sa Africa na naniniwala sa demokrasya at sosyalismo, kabaligtaran ni Amin.

Isa si Nyerere sa mga lantarang hindi kumikilala sa pamumuno ni Amin. Tinawag niya itong isang mamamatay-tao at pasista. Kaya naman namuo ang tensyon sa pagitan ng dalawang lider simula pa man noon. Kinupkop din ni Nyerere si Obote pati na ang libo-libong mga Ugandan na lumikas upang makatakas mula sa kanilang malupit na lider. Hinayaan niya silang magsanay sa Tanzania para sa posibleng pagbabalik sa Uganda. Ito ay naging sampal sa pagmumukha ni Amin.

Subalit paulit-ulit na minaliit ni Amin si Nyerere, sapagkat palagi niyang bukambibig na sasakupin niya rin ang Tanzania sa lalong madaling panahon. Para kay Amin, ito lang ang tanging paraan para mapatahimik niya ang kanyang mga kalaban at maipakita ang kanyang lakas. Pero ang hindi niya alam na ang desisyong pa lang ito ang magiging sanhi ng kanyang pagbagsak sa hinaharap.

Pagsapit ng 1978, matapos ang sunod-sunod na kapalpakan sa paglipas ng mga taon, pagod na ang mga simpleng mamamayan ng Uganda dahil sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya. Wala nang mabili sa mga tindahan, at ang pera ay wala nang halaga. At dahil na rin sa kanilang takot kay Amin, kahit ang kanyang pinakamamahal na hukbong sandatahan ay unti-unti na ring nagkawatak-watak. Nagkakaroon ng mutiny o pag-aalsa sa loob ng kanyang sariling kampo dahil sa hindi pagbabayad ng sahod at tribalism.

Naging pangkaraniwan na rin ang mga pag-aalsa sa lansangan at ang ilang beses na tangkang pagtodas kay Amin—mga assassination attempts na milagro niyang nalulusutan. Hudyat ito na tila ba malapit nang matapos ang kanyang liderato.

Noong October ng taong ‘yon, isang grupo ng mga rebelde na dating mga miyembro ng militar ang nag-aklas laban kay Amin. Subalit dahil pumalpak ang kanilang plano na patumbahin ang napakabrutal na diktador ng Uganda, at hinabol sila ng mga tapat kay Amin, wala silang nagawa kundi ang lumayas at tumawid sa border papunta sa Tanzania.

Nang malaman ito ni Idi Amin, ginawa niya itong rason para sa wakas ay ikasa na ang kanyang matagal nang inaasam-asam: ang lusubin at sakupin ang Tanzania. Inakusahan niya ang Tanzania ng pagtulong sa mga rebelde at panghihimasok.

Marahil ay isa rin ito sa kanyang mga taktika upang ibaling ang atensyon ng mga Ugandan mula sa mga problema sa loob ng bansa at upang makalimutan ang kanilang galit laban sa kanya. Nais niyang pag-isahin ang bansa sa pamamagitan ng isang gera laban sa “kaaway.” Subalit walang kamalay-malay si Amin na ito’y isa pa lang napakalaking pagkakamali—ang kanyang pinakamalaking blunder—na siyang magdudulot ng pagbagsak ng itinayong rehimen ni Idi Amin.

Pinakita ni Amin ang kanyang tunay na pwersa sa pamamagitan ng pagpapakawala ng kanyang hukbong sandatahan sa Kagera Salient, isang maliit na teritoryong sakop ng Tanzania sa hilaga ng Kagera River. Pinasok ito ng mga tangke at mga truck na lulan ang daan-daang mga armadong sundalo.

Ninakawan, ginahasa, at pinatay ang lahat ng nadadaanan nilang sibilyan, at ni isa ay walang nakaligtas sa hagupit ng malulupit na mga sundalo. Sinira nila ang mga tulay at imprastraktura. Pagsapit ng November 1, 1978, matapos ang madugong pagsakop sa Kagera, opisyal nang inanunsyo ni Amin sa radyo na inaangkin na niya ang teritoryong ito bilang bahagi ng Uganda at buong pagmamayabang na sinabing “nadagdagan na ang mapa ng Uganda.”

Inakala ni Idi Amin na magiging tahimik pa rin si Julius Nyerere kahit paharap-harapan na niya itong tinatarantado at sinasakop ang lupa nito. Inisip niya na mahina ang Tanzania at hindi kayang lumaban. Ngunit ang hindi niya alam na darating na ang panahon kung kailan lalaban na ang Tanzania nang buong pwersa.

Matapos ang mga kahindik-hindik na trahedya sa Kagera Salient, napagtanto ni President Nyerere na oras na para isang-tabi ang kapayapaan at diplomasya. Kailangan na niyang pigilan ang bantang dala ni Idi Amin, hindi lang para sa Tanzania kundi para sa buong rehiyon. Sa pamamagitan ng pagdeklara ng gera laban sa Uganda noong November 2, 1978, sinabi ni Nyerere: “Agression must be punished.”

Inilungsad ni Nyerere ang Tanzania People’s Defence Force (TPDF) upang maghanda para sa kanilang nalalapit na pagsalakay at pagbawi sa Kagera. Nagtipon-tipon ang lahat ng mga Tanzanian na may kakayahang lumaban—mga pulis, jail guard, militia, at mga sundalo—hanggang sa umabot ang kanilang bilang sa mahigit 100,000. Ang buong bansa ay nagkaisa.

Kasabay nito, ang dating mga rebeldeng Ugandan at mga exiles na kinupkop ni Nyerere ay bumuo rin ng kanilang sariling grupo, ang Uganda National Liberation Army (UNLA), na sasama sa hukbong sandatahan ng Tanzania sa bakbakan upang palayain ang kanilang sariling bayan.

Subalit kahit na dumarami na ang bilang ng kanyang mga kalaban, hindi pa rin talaga nagpatinag si Amin. Masyado siyang bilib sa kanyang sarili. Lalo na’t alam niyang makakasandal siya sa kanyang kaibigang diktador na si Muammar Gaddafi ng Libya, na kaagad nagpadala ng libu-libong sundalo at sangkatutak na mga armas, tangke, at kagamitan para sa gera upang tulungan si Amin.

Buong akala ni Idi Amin na kontrolado niya ang sitwasyon dahil sa tulong na ibinigay ni Gaddafi at sa kanyang sariling militar. Pero ang problema lang, masyado nilang minaliit ang Tanzania at ang determinasyon ng mga tao na patalsikin siya.

Ilang araw lang matapos angkinin ang Kagera, madali naman itong nabawi ng TPDF at UNLA sa pamamagitan ng isang organisadong opensiba. Ngunit ito pa lang ang simula ng kanilang paghihiganti. Matapos paatrasin ang mga tropa ng Uganda pabalik sa border, hindi na sila tumigil. Nagdesisyon si Nyerere na hindi sapat ang paatrasin lang si Amin; kailangan siyang patalsikin. Nagtuloy-tuloy na sila sa border dala-dala ang kanilang mga tangke de-giyera, papasok sa Uganda.

Ang hindi alam ng Ugandan Army na mas preparado pala ang mga sundalo ng Tanzania pagdating sa bakbakan. Sila ay disiplinado at may moral na suporta ng mundo. Kahit ilang beses na lumaban ang Ugandan Army na hawak ni Amin, paulit-ulit silang natatalo dahil sa mga surprise attack, guerrilla tactics, at mas mahusay na estratehiya ng Tanzania Defence Force. Ang mga sundalo ni Amin, na sanay lang sa pag-torture ng mga sibilyan, ay walang binatbat sa tunay na gera. Marami sa kanila ang tumakbo at iniwan ang kanilang mga pwesto.

Kahit saan man sila magpang-abot, kahit sa masusukal na kagubatan o kahit sa gitna ng mga konkretong kalsada, palaging nauubos ang tropa ng Uganda. Isama niyo pa riyan ang mga galit na galit na rebeldeng grupo na Uganda National Liberation Army na walang ibang misyon kundi ang patumbahin si Idi Amin at bawiin ang kanilang bansa.

Kahit ang mga sundalo ng Libya na tumutulong sa Uganda ay wala ring nagawa kundi ang tumakbo papalayo o sumuko. Hindi nila kabisado ang teritoryo at hindi nila inaasahan na ganito pala kagaling at katapang ang kanilang mga kalaban. Nakita nilang wala nang pag-asa ang laban ni Amin.

Pagsapit ng April 11, 1979, ilang buwan matapos ang matagumpay na pagsalakay ng pinagsamang koalisyon ng Tanzanian Army at Ugandan Rebel Group, ay narating nila ang kapitolyo mismo ng Kampala, ang capital at pinakamalaking siyudad sa Uganda. Ang siyudad ay bumagsak.

Doon, sinalubong sila ng napakasayang madla na maagang nagdiwang sa lansangan para sa isang matagumpay na misyon: Ang pagbagsak ni Amin. Ang mga estatwa at larawan ni Amin ay winasak at sinunog. Lahat ng mga tao na nasa Kampala ng mga sandaling ‘yon ay walang ibang mithiin kundi ang makalaya mula sa mga kamay ng napakalupit na lider matapos ang mahigit walong taon ng pagtitiis sa takot at gutom.

Sa wakas, dumating rin ang katapusan ng “Butcher of Uganda.”

Sa pagbagsak ng kanyang rehimen, alam ni Idi Amin na siya na ang susunod na papatumbahin kung siya ay mananatili. Dahil dito, dali-dali siyang umeskerda at tumakas. Dinala ang kanyang apat na mga asawa at dosenang mga anak, lulan ng isang eroplano papaalis ng bansa, dala ang anumang kayamanan na kaya niyang bitbitin.

At ang kanyang unang destinasyon ay ang Libya dahil sa suporta ni Gaddafi. Subalit nangamba si Gaddafi sa matinding reaksyon na matatanggap niya mula sa ibang mga world leader dahil sa pagkupkop sa isang napakabrutal na diktador, at dahil na rin sa bigat ng pagkakaroon ng bisitang tulad ni Amin. Pinilit niya itong umalis sa Libya.

Lumipat si Amin sa Iraq, ngunit hindi rin siya nagtagal doon. Hanggang sa mapadpad si Amin sa Saudi Arabia matapos mabigyan ng asylum sa Jeddah noong 1980. Tinanggap siya ng Saudi Royal Family sa kondisyong mananatili siyang tahimik at hindi na makikisawsaw sa pulitika.

Sa kabila ng patong-patong na mga kahindik-hindik na krimen na nagawa ni Idi Amin sa kanyang mga kababayan sa Uganda at sa Tanzania, binigyan pa rin siya ng Saudi Arabia ng pagkakataong mamuhay ng ligtas, mapayapa, at komportable. Isang bagay na ikinagalit ng marami.

Pinagkalooban rin siya ng gobyerno ng Saudi Arabia ng magarang bahay na mayroong mga tagasilbi, sasakyan, at buwanang sahod na sobra-sobra pa sa kanyang kakailanganin. Namuhay siya nang marangya habang ang kanyang iniwan na bansa ay lugmok sa hirap.

Imbes na pagbayaran ang kanyang mga kasalanan sa harap ng korte at harapin ang hustisya para sa kanyang mga biktima, ay maswerte pa nga si Idi Amin dahil nakatakas pa ito mula sa kamay ng batas. Walang international tribunal ang nakahuli sa kanya.

Matapos pagpapatayin ang humigit-kumulang 500,000 katao, ay komportable at tahimik pang namuhay sa ibang bansa ang isa sa mga pinakamalupit at pinakabrutal na diktador sa kasaysayan ng Africa. Nag-enjoy siya sa kanyang retirement, nagbabasa ng Quran, at kumakain ng masasarap na pagkain.

Noong 2003, matiwasay itong pumanaw sa Saudi Arabia dahil sa kidney failure sa edad na 78 years old. Ni minsan ay hindi nanagot si Amin sa kanyang mga ginawang pagpatay, pag-torture, at ang pagsira sa ekonomiya ng Uganda. Namatay siya sa kama, hindi sa kulungan. Isang malungkot na katotohanan na minsan, ang hustisya sa mundong ito ay mailap.

Kung nagustuhan mo ang video na ‘to at ang kwento ng kasaysayan, share mo naman sa iba para malaman din nila, at mag-subscribe ka na rin para sa marami pang ganitong content.