Vice denies writing a post about ex-President Rodrigo Duterte’s arrest.
Vice Ganda warns against fake post about Rodrigo Duterte
Vice Ganda (left) warns against fake post, using his name, about former President Rodrigo Duterte’s (right) arrest.

PHOTO/S: Vice Ganda/Bong Go on Facebook

Mariing pinabulaanan ng TV host-comedian na si Vice Ganda na siya ang nasa likod ng kumakalat na Facebook post tungkol sa diumano’y reaksiyon niya sa pagkakaaresto ni former President Rodrigo Duterte.

Sa Facebook nitong Martes, March 11, 2025, ibinahagi ni Vice ang isang screenshot na naglalaman ng pekeng post na naka-quote sa kanya.

Nakasaad sa fake quote card ang diumano’y pagsuporta ng It’s Showtime kay Duterte, partikular na ang kampanya kontra-droga noong ito pa ang nakaupong Presidente ng Pilipinas.

Buong post umano ni Vice (published as is): “Ayaw kong magpaka-hipokrito ha, aminin natin nung time ni FPRRD, karamihan ng adik nagbagong buhay, karamihan sa kriminal nag-uunahang sumuko, dahil sa takot kay Duterte.

“Confident kayong lumabas sa gabi dahil alam niyong yung mga kriminal at masasamang loob nabawasan na.

“Kung hindi si Duterte yung namuno ng pandemic, lahat tayo, patay. Lahat ng pondo ng gobyernong ginamit ni Duterte maitawid lang tayo sa pandemic.”

Vice Ganda warns against fake post about Rodrigo Duterte
Photo/s: Vice Ganda on Facebook

VICE GANDA WARNS PUBLIC VS FAKE POST

Ang pekeng post na ito ay agad nakarating kay Vice.

Sa kanyang social media pages, kabilang na ang Facebook, pinaalalahanan ni Vice ang publiko na huwag magpapaniwala sa mga nakikita lang online.

Lalo na raw kung wala naman ito sa kanyang official social media accounts.

Ang nakalagay na handle sa X account ng pekeng post ay @viceganda.

Samantalang ang handle ng verified X account ni Vice ay @vicegandaako.

Saad ni Vice: “FAKE NEWS! Huwag paniwalaan ang kumakalat na pahayag na ito!

“Wala po akong inilabas o sinabi na ganitong statement. Maging mapanuri at huwag basta maniwala sa impormasyong walang malinaw o opisyal na pinagmulan.

“Please report!”

FORMER PRESIDENT DUTERTE ARRESTED FOR CRIME AGAINST HUMANITY ON ICC WARRANT

Noong March 11, inaresto ng Philippine National Police (PNP) si Duterte sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport, makaraan niyang makarating sa bansa buhat sa Hong Kong.

rodrigo duterte icc warrant of arrest
Photo/s: Facebook

Kasama niyang umuwi sa bansa ang common-law wife na si Honeylet Avanceña at kanilang anak na si Kitty Duterte.

Inaresto si Duterte sa bisa ng warrant of arrest ng ICC (International Criminal Court) dahil sa krimen umano nito laban sa sangkatauhan na ginawa niya habang siya ang nakaupo bilang Pangulo ng Pilipinas mula Hunyo 2016 hanggang Hunyo 22, 2022.

Binansagang EJKs—o ExtraJudicial Killings—ang mga pagkakapatay sa mga taong may involvement umano sa drug trade.

Ayon sa pna.gov.ph ng March 30, 2022, ang EJK figures ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay: “6,229 ang namatay sa isinagawang 226,662 anti-drug operations simula noong July 2016 hanggang January 31, 2022.”

Ayon naman sa CHR (Commission on Human Rights) report ng November 2, 2021, ire-review nito ang “5,655 cases of anti-drug operations where deaths occurred including those being handled by the Administrative Order No. 35 Inter-agency Committee on Extra-Legal Series, Enforced Disappearances, Torture, and Other Grave Violations to Life, Liberty and Security of Persons.”

Ang ICC ay itinatag noong 2002 sa The Hague, Netherlands, upang magsilbi bilang hukuman at huling paraan para sa mga malalala o matitinding pagkakasala, kabilang ang pagpatay sa lahi, mga krimen sa digmaan, mga krimen laban sa sangkatauhan at agresyon.

Nakikialam ang ICC sa mga usapin o krimeng hindi kaya o ayaw usigin ng mga hukumang pambansa.

Samantala, base sa huling ulat, umaga ng Miyerkules, March 12, nang makarating sa Dubai ang eroplanong lulan si Duterte.

Saglit itong mayle-layover don bago tuluyang magtungo sa The Hague, Netherlands, kunsaan lilitisin ang dating Presidente.