Anne Curtis, nag-impromptu concert sa It’s Showtime

Siya pala ang special performer sa kanyang birthday celebration sa show.
vice ganda inviting anne curtis as the special performer for her own birthday celebration on it's showtime
Si Vice Ganda (2nd from R) ang nagpakilala sa OPM Diva na may production number para sa birthday ni Anne Curtis. Gulat na gulat si Anne dahil siya pala ang tinutukoy ng It’s Showtime main host.

PHOTO/S: Screen Grab from It’s Showtime

Trending topic si Anne Curtis sa social media ngayong Sabado, Pebrero 22, 2025, dahil sa kanyang malakas maka-good vibes at impromptu “mini-concert” sa noontime show na It’s Showtime.

Noong Pebrero 17 ang 44th birthday ni Anne, pero ngayon lamang ito muling napanood at nakasipot sa live broadcast ng ABS-CBN noontime show na napapanood sa GMA-7.

Ang siste, tunay na nasurpresa ang birthday girl nang marinig ang pagpapakilala ni Vice Ganda sa special performer para sa kanyang birthday.

Matining ang boses na pasakalye ni Vice:

“Meron kaming espesyal na inihanda para sa iyo kasi gusto ni Anne na nakakarinig ng mga paborito niyang kanta.

“Meron kaming inihanda para sa iyo. Ngayong Sabado, ipapa-feel natin ang nakaka-Diyosang kulitan. Sisimulan natin iyan sa isang pangmalakasan na kantahan.

“Di ba gusto mo may pa-concert kaya may mga bisita kami for you?”

BIRTHDAY SURPRISE FOR ANNE CURTIS

Kitang-kita sa itsura ni Anne ang pagkabigla nang ipakilala siya ni Vice bilang OPM Diva na may boses na aalingawngaw at may production number.

Pambawi raw ito ni Anne sa “absences” niya sa It’s Showtime.

Hindi man siya nasabihang siya mismo ang magtatanghal ng production number, game na game na sumagot si Anne ng, “Oh yes!!!”

Kahit hindi makapaniwala sa mga pangyayari, nag-perform ng impromptu birthday concert ang aktres.

Bigay na bigay siya at literal na umalingawngaw ang kanyang matinis na boses nang kantahin niya ang “Girls Just Wanna Have Fun” ni Cyndi Lauper, “Alone” ng Heart, at “Walking on Sunshine” ng Katrina and The Waves.

Birthday girl Anne Curtis with It's Showtime co-hosts
Birthday girl Anne Curtis with It’s Showtime co-hosts 

Photo/s: Screen Grab from It’s Showtime

Natuwa si Anne sa pag-awit nito sa “Walking on Sunshine” dahil ito ang ginamit na opening theme song sa T.G.I.S, ang sikat na youth-oriented television show ng Viva TV at GMA-7 na pinagbidahan niya noong dekada ’90.

“Nakakaloka!” ang paulit-ulit na sabi ni Anne sa kanyang mga kasamahan sa It’s Showtime, pero tuwang-tuwa siya dahil nairaos at marami ang napasaya ng halos pitong minuto niyang live concert.

“Na-surprise ako!” ang reaksiyon ni Anne nang matapos ang kanyang unrehearsed production number.

 

“Hindi man lang ako nakapag-vocal warm up! Sorry po, pagpasensiyahan niyo po. Hindi po talaga ganyan ang boses ko,” sabi pa ni Anne na lalong minahal ng mga manonood dahil sa kanyang ginawa at ipinamalas na propesyonalismo.

Naghatid siya ng saya at positive vibes sa lahat.