Kinilabutan si Fr. Rod Maglonzo nang nagmisa siya sa lamay ni Chokoleit, 8 p.m. nitong Marso 14, Huwebes, sa Paket Santiago Funeral Homes, Marcos Hi-way, Antipolo City.
“Noong ako po ay umekstra sa Asintado, nang ako ay mag-bless kay Gael, doon ko unang na-meet si Chokoleit,” maigting na salaysay ni Fr. Rod, paring misyonaryo ng Our Lady of Peace sa grassroot level.
Ang tinutukoy ni Fr. Rod na Gael ay ang karakter na ginampanan ni Paulo Avelino, sa defunct Kapamilya afternoon series na Asintado, na umere mula January hanggang October 2018.
Patuloy na kuwento ng pari, “Kausap ko muna si Miss Lorna Tolentino. At alam niyo ba kung ano ang biro sa akin ng ‘tsoklateng’ ito?
“Sabi niya sa akin, ‘Totoong pari po ba kayo?’ Sabi ko, ‘Oo naman. Bakit?’ ‘Kasi, kadalasan po rito, ano lang, e, binibihisan lang na pari-pari.’ ‘Hindi naman. Talagang ako po ang nag-aano sa memorial na ‘to.’
“Hindi ko alam kung joke yon, pero sabi niya, ‘E, Father, baka mamaya, pag ako na, hindi mo ako be-bless-an?!’”
Fast-forward to present time, si Fr. Rod nga ang nagmisa sa lamay ni Chokoleit.
“Ang hindi ko alam, na after nun, ngayon kami uli magkikita.
“Na-surprise ako! Bakit? Iyong taong nagsabi sa akin nun—ayan po, kinikilabutan po ako— ay ako ngayon ang magbe-bless sa kanya.
“Imagine, ganyan pala ang katotohanan ng buhay. Hindi mo kayang panghawakan ang mga bagay na na sa ‘yo ngayon. Amen.
“Sino’ng mag-aakala na sa muli naming pagkikita ng komedyanteng ito, yung inaakala kong nagpapatawa siya, ay hindi pala nagpapatawa.”

Napabuntung-hininga si Fr. Rod, habang mataman na nakikinig ang magkakatabing sina Pokwang, K Brosas, at Pooh—kapwa comedians at best friends ni Chokoleit.
Pagpapatuloy ni Fr. Rod, “Ito pala ay isang katotohanan. Kaya noong mabalitaan ko na siya ay yumao, alam niyo ba, nag-pray ako, ‘Sana, makapagmisa ako sa kanya. Sana, makapagmisa ako sa kanya.’
“At alam niyo ba, kahapon, ipinagmamalaki ko, ako ang magmimisa sa kanya, e wala namang nag-iimbita sa akin na magmisa rito!
“Tapos, ngayon, at four o’clock, may tumawag sa akin, ‘Father, ikaw ang magmimisa doon sa Paket kay Chokoleit.’
“Nanlalaki ang ulo ko,” ani Fr. Rod, sabay hawak sa kanyang bumbunan.
“Imagine, ito pala ang buhay. Yung mga bagay na hindi mo sukat-akalain, ay nangyayari…”

Sa pagbabalik ni Chokoleit sa piling ng Panginoon, inatasan ni Fr. Rod ang mga tao na sabihan ito, “Chokoleit, job well done!” Tumalima ang mga tao.
Inatasan din ni Fr. Rod na palakpakan si Chokoleit. Masigabo ang palakpakan!
Later ay inatasan naman ni Fr. Rod ang magkakatabi na maghawak-kamay at magsabihan, “Magpalit-palit ka man ng damit, iyan pa rin ang pagmumukha mo.”
Umugong ang malakas na tawanan. Napakamot sa ulo si K Brosas. Si Pokwang, napangiwi.
“You see, kung gaano kasaya si Chokoleit? Dahil napakasaya niya ngayon!” nakangiting bulalas ni Fr. Rod.
“Saan man siya naroroon, masayang-masaya siya. Dahil nakikita niya ang mga ngiti ninyo sa kabila ng kalungkutang nadarama ninyo.”

Sa pagbabasbas sa labi ni Chokoleit, pinalapit ni Fr. Rod sa kabaong ang mga kapamilya at ilang malalapit na kaibigan kabilang sina Pokwang, K at Pooh.
Lumagaslas doon ang kanilang masasaganang luha habang inuulit ang mga katagang tinuran ni Fr. Rod, “Hindi ka namin lilimutin pagka’t ikaw ay mahal sa amin. Maraming salamat sa iyo at paalam.”
Matapos ang misa ay dumating si Vice Ganda. Nagbigay-pugay sila nina Pokwang, K, at Pooh sa mga pasiklab at payanig ni Chokoleit noong ito’y nabubuhay pa.

Ang highlights ng misa at tribute ay bahagi ng online special na Paalam, Chokie: Isang Gabi ng Pag-aalaala at Pasasalamat, na mapapanood sa Facebook page at YouTube channel ng Star Magic bukas, Sabado, 6:00 p.m.
Ngayong Biyernes, March 15, 2:45 p.m. nakatakda ang PAL flight ng casket ni Chokoleit pauwi sa hometown nito sa Davao City.
Siyempre, hindi na kasama sa flight ang mga korona ng patay. Mamaya at bukas ng gabi ang lamay na isasagawa sa Cosmopolitan Funeral Homes ng Davao.
At sa Linggo, March 17, nakatakda ang cremation sa labi ng yumaong si Chokoleit.