“Totoong may hustisya. Maraming salamat sa Diyos.”

Ito ang sabi ni Ai-Ai delas Alas matapos aprubahan ang kanyang kahilingang bawiin ang petisyon para maging permanent U.S. resident ang estranged husband niyang si Gerald Sibayan.

Napaiyak daw ang Comedy Queen nang matanggap at mabasa nito noong Biyernes, Marso 28, 2025, ang sulat mula sa U.S. Citizenship and Immigration Services (USCIS) na nag-aapruba ng request niyang bawiin ang petisyong mabigyan ng green card si Gerald.

ai-ai delas alas bakery fair 2025

“Diyan ko naranasan ang totoong kasabihan ng bleeding heart, pero hindi talaga natutulog ang Diyos.

“Bawat patak ng luha at dasal ko, pinakinggan Niya,” pahayag ni Ai-Ai sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files ngayong Linggo, Marso 30.

Ano ang aral na natutunan niya mula sa mapait na karanasang ito?

“Ang lalo kong mahalin ang sarili ko,” sagot ni Ai-Ai.

AI-AI ON WHY SHE WITHDREW PETITION FOR GERALD

Sa guesting ni Ai-Ai sa Fast Talk with Boy Abunda noong Nobyembre 11, 2024 — mismong araw ng kanyang ika-60 kaarawan — sinabi nitong hindi niya babawiin ang petisyon para maging permanenteng residente sa Amerika si Gerald.

Pero nagbago ang desisyon niya.

Paliwanag ni Ai-Ai sa Cabinet Files: “Ang priority ko ay maging matapat sa lahat ng mga kilos o dealings ko, lalo na sa U.S. Immigration, kaya hindi ako puwedeng magsinungaling tungkol sa kalagayan o mga nangyayari sa marriage ko.

“Nag-file ako ng divorce so karapatan nilang malaman na hindi ko na gustong makinabang si Gerald sa petisyon ko.

“Kapag hindi ko na siya asawa, hindi na siya entitled sa mga benepisyo ng isang spouse.”

Hiniling din ni Ai-Ai sa USCIS na bawiin ang travel at work permit ni Gerald.

gerald sibayan ai-ai delas alas brealup

Ai-Ai delas Alas and Gerald Sibayan were together for more than 10 years. 

Photo/s: Ai-Ai delas Alas Instagram

THIRD PARTY

Bukod dito, nasaktan din daw si Ai-Ai nang makumpirma nitong may third party na sangkot kaya basta na lamang siyang iniwan ni Gerald.

Saad niya: “Hindi ko siya pinalaya. Siya ang umalis.

“At hindi ko na siya pinigilan dahil nag-cheat na siya noon. Alam ko na paulit-ulit lamang niyang gagawin yon.

“Saka marami ang nagkuwento at nagpatotoo sa akin na nakakita sa kanila na magkasama sila, kahit noong hindi pa niya ako iniiwan.”

Hiniwalayan ni Gerald si Ai-Ai sa pamamagitan lamang ng Viber message noong Oktubre 14, 2024.

Hindi na masaya at gustong magkaroon ng anak ang mga ibinigay umanong dahilan ni Gerald kay Ai-Ai kaya nakipaghiwalay ito.

 

GERALD ALLEGEDLY MOVED OUT WITHOUT AI-AI’S KNOWLEDGE

Ayon kay Ai-Ai, nang bumalik siya sa Amerika mula sa Pilipinas ay hindi na sila nagkausap ni Gerald.

Umalis na raw si Gerald sa bahay na tinitirhan nila at wala nang iniwang mga personal na gamit nito.

Natuklasan din daw ni Ai-Ai na habang naninirahan sila sa Amerika, unti-unting ipinadala ni Gerald sa bahay ng mga magulang nito sa Pilipinas ang mga personal na gamit na naiwan sa tahanan nilang mag-asawa sa Quezon City.

Napagtanto raw ni Ai-Ai na planado ang pang-iiwang ginawa sa kanya ni Gerald.

 

“Ang sakit-sakit nung nalaman ko noong October 2024 na ipinadala na niya yung mga gamit niya sa bahay nila habang nagsasama pa kami sa Amerika.

“Tapos nalaman ko pa mula sa mga kasambahay namin na noong nabubuhay pa ang nanay ko, paulit-ulit na sinabi niya, ‘Alam mo kapag nawala na ako, yang sir mo iiwanan niya ang ma’am mo.’

“Parang katulad daw sa kasabihan na langaw na nakatungtong sa kalabaw. Iba raw si Gerald kung umasta kapag wala ako sa bahay.

“Nangyari nga ang sinabi ng nanay ko. Tama ang sinabi niya.

“Namatay siya noong 2022 at iniwan ako ni Gerald noong 2024,” muling napaluhang lahad ni Ai-Ai.

Wala pang pahayag si Gerald kaugnay ng pagbawi ni Ai-Ai sa petisyon para maging green card holder siya at sa mga pahayag nito tungkol sa kanya.

Mananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng magkabilang kampo kaugnay ng isyung ito.