Maraming celebrities ang napabilang sa listahan ng Top Taxpayers ng Quezon City para sa taong 2024.

Sa ginawang Revenue Region-7A (RR No. 7A) Quezon City, Regional Tax Campaign Kickoff ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Fisher Mall noong March 4, 2025, pinarangalan ang marami sa kanila.

Nangunguna rito ang It’s Showtime host na si Vice Ganda.

Vice Ganda during the awarding

Photo/s: Courtesy: BIR Commissioner Romeo “Jun” Lumagui Jr. on Facebook

Sa kanyang talumpati, pinaaalahanan ni Vice ang lahat na kailangang magbayad ng buwis dahil ito ang ginagamit ng gobyerno para iangat ang buhay ng mga Pilipino.

Ngunit mahalaga rin, aniya, na kuwestiyunin ng taxpayers kung saan napupunta ang ibinabayad nating buwis.

 

Bukod kay Vice, kabilang din sa kinilalang Top Taxpayers ng Quezon City sina Dingdong Dantes, Kim Chiu, Catriona Gray, Jennylyn Mercado, Dennis Trillo, Daniel Padilla, Darren Espanto, Julia Barretto, at Kathryn Bernardo.

Ang mga nabanggit na celebrities ay sa Quezon City nagsusumite at nagbabayad ng kanilang income tax.

 

DINGDONG DANTES

Sa pamamagitan ng Instagram, nagpaalala ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na dapat maayos at tama ang pagbabayad natin ng buwis.

Bukod dito, dapat din daw tayong maging mapagmatyag kung saan napupunta ang ating mga ibinabayad na buwis.

Saad niya: “Malapit na ang April 15—filing of taxes! Bilang mamamayan, siguraduhin nating maayos at tama ang pagbabayad ng buwis, dahil dito nanggagaling ang pondo para sa mga serbisyong pampubliko.

“Pero teka, hindi lang tayo pangbayad—pangbantay din!

“Bilang taxpayers, tungkulin din natin na maging mapagmatyag at siguraduhing ang ating buwis ay nagagamit nang tama ng mga taong iniluklok natin sa pwesto at may pananagutan dito.”

 

KIM CHIU

Ikinagagalak naman ng Kapamilya actress-TV host na si Kim Chiu mahirang bilang isa sa top taxpayers ng Quezon City.

Sa pamamagitan din ng Instagram, sinabi ni Kim na kailangang alamin ang ating mga obligasyon sa pagbabayad ng buwis para sa paglago ng ating bansa.

Aniya: “Honored to be recognized as one of the top taxpayers in the media industry.

“As responsible citizens, it’s important to understand our tax obligations and how they contribute to nation-building.

“Thank you, BIR, for this recognition-let’s continue to support a stronger economy together!

“May this award inspire more individuals and businesses to uphold integrity and responsibility in tax compliance.

“Together, let’s continue working toward a stronger and more prosperous nation.

“Thank you, and mabuhay ang lahat ng mga Pilipino!”

 

KARLA ESTRADA FOR SON DANIEL PADILLA

Hindi nakadalo si Daniel Padilla sa awarding, pero dumating naman ang kanyang ina na si Karla Estrada upang tanggapin ang pagkilala para sa anak.

Sa kanyang Instagram post, nagpasalamat si Karla sa BIR sa paghirang sa anak bilang isa sa top taxpayers ng lungsod.

Aniya: “Sa ngalan ng aking anak na si Daniel Padilla, taos-puso po kaming nagpapasalamat sa parangal na ito bilang isa sa mga nangungunang individual taxpayer.

“Maaaring tila simpleng bagay lamang ang pagbabayad ng buwis, ngunit ito ay isa sa mga paraan ni Daniel upang maipakita ang pagmamahal niya sa ating bansa at sa ating mga kababayan.

“Nais niyang maging mabuting halimbawa, lalo na sa kabataang henerasyon, na makibahagi sa pagpapatatag ng ating bayan.

“Maraming salamat po sa karangalang ito at sa patuloy na pagpapaalala sa ating lahat na mag-ambag para sa isang mas maunlad na Pilipinas.”

 

JULIA BARRETTO

Walang post si Julia Barretto, pero binati siya ng kinabibilangang talent management, ang Viva Artists Agency.

Nakalagay sa post nila sa Instagram: “LOOK: Julia Barretto receives an award for being the second-highest taxpayer in Quezon City at the BIR Quezon City Tax Campaign Kickoff.”

 

 

Wala pang posts sina Kathryn, Dennis, Jennylyn, Catriona, at Darren.