Naka-PHP40M na ang pelikulang My Love Will Make You Disappear sa unang apat na araw ng pagpapalabas nito sa mga sinehan sa Pilipinas — mula Marso 26, 2025, Miyerkules hanggang Marso 29, Sabado.

Ito ang ibinando ng producer na Star Cinema sa socmed at via email ngayong Marso 30, Linggo ng hapon.

Ayon pa sa Star Cinema, ang opening gross sa North American box office ng nasabing movie nina Kim Chiu at Paulo Avelino ay US$200,000.

Halos katumbas iyon ng unang araw na kinita ng pelikula sa Pilipinas.

 

my love will make you disappear
The KimPau movie My Love Will Make You Disappear reportedly grossed US$200,000 on its opening day in North America. 

Photo/s: Star Cinema

Kuwento ng Hollywood-based journalist na si Oliver Carnay: “Napanood ko ang My Love Will Make You Disappear sa first day of showing nito sa US, noong Huwebes sa AMC Burbank 16.

“Nagulat ako dahil puno ang sinehan at may mga tumitili at kinikilig sa likuran namin (kasama ko ang isang kaibigan nanood).

“Nainterbyu ko sila pagkatapos at hindi nila alam na andito na sa US ang KimPau para makipag-meet-and-greet sa Cinemark XD sa Carson, CA.

“Kaya nag-online sila uli at bumili ng tickets para makita ang KimPau. Friday umpisang mag-iikot ang KimPau after each screenings sa 3 theatres, whole day sa two theatres sa Carson (Cinemark XD & D).

“Bale present ang KimPau sa mga screenings mula March 28, Friday, hanggang March 30, Sunday.”

MORE INTERNATIONAL SCREENINGS FOR KIMPAU MOVIE

Simula noong Marso 27, Huwebes, ay napapanood na rin ang unang KimPau movie sa Australia, New Zealand, Singapore, Malaysia, at UAE.

Palabas na rin ito sa Canada, Hong Kong, Macau, Guam, Saipan, at Brunei noong Marso 28, Biyernes; at sa Europa noong Marso 29, Sabado.

Nakatakda rin ito mapanood ng mga taga-Italy, Qatar, Saudi Arabia, Bahrain, Oman, at Kuwait ngayong Marso 30, Linggo; at mapapanood rin ito sa Austria sa Abril 5, at Cambodia sa Abril 18.

 

NOEL FERRER

Nagbukas ang My Love Will Make You Disappear sa mahigit 380 sinehan sa bansa noong Marso 26, Miyerkules.

Ayon sa Star Cinema ay PHP12M ang first-day gross nito, pinakamalakas for a local film sa taong 2025.

Kinumpirma ng Star Cinema na 224 ang block screenings ng pelikula sa iba’t ibang parte ng bansa, pati North America, Middle East, at Asia.

Umiikot ang istorya ng pelikula kay Sari (Kim Chiu), isang babaeng naniniwala na siya ay may sumpa na biglang nawawala ang mga lalaking minamahal niya.

Mag-iiba ang lahat nang makilala niya ang heartbroken na si Jolo (Paulo Avelino).

Matapos malaman ang tungkol sa sumpa ni Sari, gagawin niya ang lahat upang mapaibig ang dalaga para matakasan ang problema at tuluyan na siyang mawala.

Ang pelikula ay sa direksiyon ni Chad Vidanes.

Kasama rin sa pelikula sina Melai Cantiveros, Wilma Doesnt, Lovely Abella, Benj Manalo, Nico Antonio, Migs Almendras, Martin Escudero, Karina Bautista, Jeremiah Lisbo, Atasha Franco, Kelsey Lasam, at Lucas Andalio.

Huwag palampasin ang love story nina Sari at Jolo sa My Love Will Make You Disappear na palabas na sa mahigit 745 sinehan sa buong mundo.

FDCP CHAIR JOEY REYES ON SUCCESS OF KIMPAU MOVIE

Masaya si FDCP Chair Joey Reyes sa tagumpay ng KimPau movie sa takilya.

Aniya, dapat natin itong i-celebrate.

Pero sabi pa ni Direk Joey: “Sad to say, ang hirap pabalikin ng tao manood ng sine matapos ang pandemya. Lalo na ang ganda-ganda ng Adolescence. Ang ganda-ganda ng When Life Gives You Tangerines. Ba’t ako manonood ng sine? Di ba?!”

Paano kaya natin ilalaban ang mga gawang Pinoy? Tuloy lang.

 

GORGY RULA

Dahil Linggo ngayon, walang sumasagot sa mga reliable source namin kung magkano na talaga ang kinita ng My Love Will Make You Disappear.

Pero sa huling check ko, sa pangalawang araw ng showing nito ay naka-PHP7M daw ito.

Maaring lumakas pa ito noong Biyernes at Sabado, kaya umabot ito ng PHP40M.

Pero kukunin ko pa ang exact figures ng weekend screenings nito.

Ang pagkakaalam ko, maraming block screenings noong Sabado, at naimbitahan pa ako sa isang block screening sa isang sinehan sa Quezon City.

Sana ma-maintain pa dahil medyo hirap pa rin talagang palakasin ito.

Kaya todo-promote pa rin sina Kim Chiu at Paulo Avelino, na pati sa Bahay Ni Kuya ng Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab ay pinasok nila.

untold poster

Hangad naming lumakas pa ang My Love Will Make You Disappear para mapansin din ang mga susunod na pelikulang ipalalabas sa mga sinehan.

UPCOMING LOCAL MOVIES

Sa April 2 ang showing ng Sinagtala na pinagbibidahan ng Kapuso stars na sina Rhian Ramos, Glaiza de Castro, Rayver Cruz, at Matt Lozano.

Si Arci Muñoz lang ang Kapamilya star sa cast at matagal-tagal na rin siyang hindi napapanood sa pelikula.

Tingnan natin dito sa Sinagtala kung kakayanin ng power ng Kapuso stars na maging box-office hit ang kanilang pelikula.

Sa Abril 2 rin ang showing ng Cinemalaya 2024 entry ni Cedrick Juan na Gulay Lang, Manong. Exclusive iyon sa Ayala cinemas.

Nasa April 9 playdate ang Un-Ex You nina Kim Molina at Jerald Napoles.

Sabay sa Abril 19, Black Saturday, ang showing ng Fatherland nina Allen Dizon at Iñigo Pascual, at Samahan ng mga Makasalanan nina David Licauco, Sanya Lopez at Joel Torre.

At sa Abril 30 naman ang Regal horror movie na Untold starring Jodi Sta. Maria, Joem Bascon, Juan Karlos, Mylene Dizon, and Gloria Diaz.