Mula Cebu hanggang Cubao, todo-promote si Ruru Madrid kasama ang ilang co-stars ng Lolong: Bayani ng Bayan, na magsisimula nang umere sa GMA Primetime ngayong Lunes ng gabi, Enero 20, 2025.

Ngayong umaga ay kasama ni Ruru sina Shaira Diaz at Martin del Rosario na nag-ikot sa terminal ng bus sa Cubao, Quezon City.

ruru martin shaira lolong
Ruru Madrid (right) with Lolong: Bayani ng Bayan co-stars Martin del Rosario and Shaira Diaz 

Photo/s: GMA Network

Sa Cebu naman nung Linggo, Enero 19, halos nagkasabay pa silang nag-ikot sa Sinulog Festival ng grupo ng FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin.

 

Ang unang season ng Lolong ni Ruru ay nakatapat pa noon ang pagtatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco, at humataw ito sa ratings.

Tumaas lang noon ang FPJ’s Ang Probinsyano nang mag-finale na ito.

Ang FPJ’s Batang Quiapo ang isinunod ni Coco, at tinapatan ito ni Ruru ng Black Rider. Pero nanatiling malakas ang teleserye ni Coco.

RURU MADRID VS COCO MARTIN: ROUND 3 ON PRIMETIME

Ngayon ay tatapatan muli ni Ruru si Coco sa pagbabalik ng Lolong, na mas pinalakas at sinasabi ngang “dambuhalang pagbabalik ni Dakila.”

ruru madrid lolong bayani ng bayan
Photo/s: GMA Network

Itinuturing ni Ruru na malaking karangalan at challenge sa kanya na si Coco ang nakakatapat niya.

Sabi ni Ruru, para naman sa mga manonood ang pagtatapat ng kani-kanilang malaking teleserye sa pangatlong pagkakataon.

“Masaya at excited ako sa aming pangatlong pagtatapat kasi nabibigyan namin pareho ng kasiyahan ang mga manonood sa pamamagitan ng aming palabas.

“Ito ang layunin namin bilang artista at sa production, na makapaghandog kami ng mga shows na maaring kapulutan ng aral, makapagbigay ng aliw, at maipagmalaki natin ang sariling atin.

“Ang wagi po ay tayong mga Pilipino,” text ni Ruru sa PEP Troika.

Ikinukumpara ng iba sina Coco at Ruru na parehong hindi nagbago sa kabila ng tagumpay na tinatamasa nila.

 

Marami sa mga dating nakatrabaho ni Coco ang nagsasabing hindi talaga nagbago ang Hari ng Telebisyon.

Si Ruru ay hindi rin daw nakakalimot sa mga dating tumulong sa kanya.

Sinasabi naman ni Ruru na laging nakatanim sa isip niyang hindi siya magbabago, hindi siya magiging mayabang.

“Siguro para sa akin kasi, ang paglaki ng ulo or parang maging kampante, siguro mangyayari lang yan pagka hindi ka o, kumbaga, parang naging ingrato sa mga nangyayari,” saad ni Ruru.

“Kasi, para sa akin, every day lagi kong ipinagpapasalamat, kasi alam ko anytime na gustuhin na mawala po ito, sandali lang mawawala, e.”

NOEL FERRER

Kagaya ni Coco Martin, hindi rin naging madali kay Ruru Madrid ang lahat. Ang dami rin niyang pinagdaanan bago narating ang kanyang estado ngayon.

“So, dahil ko alam ko yung hirap ng mga pagsubok na pinagdaanan ko bago ko siya makuha, hindi ko tini-take for granted,” sabi ni Ruru.

“Kumbaga, hindi siya pupunta sa ulo ko, hindi ako magiging mayabang, hindi lalaki yung ulo ko.

“Kasi ayoko nang bumalik sa dati yung hirap ko nun na parang noon na parang dinadaan-daanan ka lang, hindi ka nirerespeto.

“Na parang tingin sa yo, wala lang, na may mga sasabihing hindi magaganda sa yo. Ang hirap.

“And I know ang daming nagdadanas ng ganung klaseng pakiramdam.

“So, gusto kong gamitin itong nangyayari sa akin, to give inspiration sa mga katulad ko na nangangarap na may mga ganun mang pagsubok na dumadaan sa atin.

“Pero basta magpursige ka, manalig ka sa Panginoon kung ano yung nakalaan para sa atin, mangyayari yun.”

 

RURU’S LOVELIFE

Pagdating sa lovelife, mas gusto ni Coco na pribado lang ito, pero hindi niya itinatanggi ang sa kanila ni Julia Montes.

Ipinagmamalaki niyang nandiyan si Julia sa buhay niya.

Ganundin si Ruru sa kanila ni Bianca Umali.

Pero sa ngayon, parehong abala sina Ruru at Bianca sa kani-kanyang trabaho. Kapag rest day ay tinitiyak nilang silang dalawa ang magkasama.

Napapag-usapan na raw nila ang kasal, pero trabaho muna ang pinapa-prioritize sa ngayon.

Bianca Umali and Ruru Madrid at 50th MMFF Gabi ng Parangal
Bianca Umali and Ruru Madrid 

Photo/s: Ermarc Baltazar

“Lagi naman po naming napapag-usapan yan kung kailan, dun tayo medyo… hindi pa namin sure,” sambit ni Ruru.

“Kasi nga, sa nangyayari po sa amin ngayon, e, di ba, ang tagal din naming hinintay. Ang tagal hinintay ni Bianca yung Sang’gre, ang tagal kong hinintay itong Lolong, yung Green Bones.

“So, parang gusto namin ma-maximize ito. And then, eventually, hindi natin masabi bukas-makalawa, baka bigla namin maramdaman na baka eto na ang tamang pagkakataon, gagawin po talaga namin.”

Pero ang wala sa isip nila, at hindi raw nila gagawin ay ang mag-live in.

“Malinaw po sa amin yung mga aral sa loob ng Iglesia na talagang hindi pa namin gagawin.

“For me, ano e, talagang choice din naming dalawa na huwag muna kasi para at least, you know ma-maximize namin yung quality time namin with my family, and sa kanya sa pamilya niya.

“And eventually maging kami, dun na yung tamang panahon,” lahad ni Ruru sa nakaraang media conference ng Lolong: Bayani ng Bayan.

We wish Ruru the best — and he is on a roll — lalo na sa pagsisimula ng Lolong Book 2 sa TV ngayon.

At kay Coco rin sa kanyang FPJ’s Batang Quiapo. All good vibes na napakabubuting taong ito.

JERRY OLEA

Si Coco Martin ay Katoliko, deboto ni Jesus Nazareno sa Quiapo.

Si Ruru Madrid ay kaanib sa Iglesia ni Cristo.

Ang Sinulog sa Cebu ay religious festival para sa Santo Niño. Wala tayong kuwestiyon sa pakikiisa roon ni Coco.

Pinangunahan ni Coco ang Sinulog Kapamilya Karavan noong Enero 18, Sabado ng 4:00 P.M., sa Ayala Center Cebu.

Pinataob ng Lolong ni Ruru ang FPJ’s Ang Probinsiyano ni Coco.

Co-star ni Ruru si Christopher de Leon sa Lolong.

Nasa FPJ’s Batang Quiapo na si Christopher.

Pangunahing kontrabida kay Ruru sa Lolong: Bayani ng Bayan si John Arcilla, na isa sa labintatlong hurado ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Tumatagos sa puso ang acceptance speech ni Ruru nang magwaging best supporting actor sa MMFF 2024 para sa pelikulang Green Bones.

 

Pero napansin din ng vlogger na si Byx Almacen na sa dami ng pinasalamatan ni Ruru sa natamong tagumpay, hindi niya nabanggit ang dating manager na si Direk Maryo J. de los Reyes.

Ikapitong death anniversary na ng kaibigang Direk Maryo J sa Enero 27, 2025, Lunes.

BATANG QUIAPO 500TH EPISODE

Ipinagdiwang ng FPJ’s Batang Quiapo ang ika-500 episode nito noong Enero 16, Huwebes.

May mga pagbabago na naman sa buhay ni Tanggol (karakter ni Coco).

Nabalot man ng hinagpis ang puso ni Tanggol matapos malaman na hindi si Rigor (John Estrada) ang tatay niya, desidido siyang hanapin ang totoo niyang ama para tuluyang alamin ang tunay niyang pagkatao.

Hindi magiging madali para kay Tanggol na mag-move kaya maghihiganti pa siya kay Rigor para sa lahat ng pagmamaltrato nito sa kanya nito.

Simula pa lang ito ng mga aabangang pasabog sa hit Kapamilya serye.

coco martin batang quiapo
Coco Martin in FPJ’s Batang Quiapo 

Photo/s: Kapamilya Channel

“Ginalaw ko na yung bawat character. Ito na ang lahat ng revelation kasi may papasok na mga bagong karakter at panibagong kuwento,” sabi ni Coco sa panayam ng TV Patrol.

“Gusto namin na parang ibang show na ang pinapanood ng viewers para hindi natatapos ang excitement gabi-gabi.”

 

May pahapyaw si Coco sa kanyang sorpresa na magugulat at matutuwa ang mga manonood sa mga bagong karakter na kinabibilangan ng mga bigating artista.

“Dream cast. Lagi kong nilu-look forward na makatrabaho ang mga mahuhusay na veteran actors at yung mga artista na gustong-gustong mapanood ng mga bata. Tamang combination ito ng cast,” wika ni Coco.

Mapapanood ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo gabi-gabi ng 8:00 P.M. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live.

Available ang latest episodes nito sa loob ng 21 na araw matapos silang unang ipalabas sa Kapamilya Online Live sa YouTube.

I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para makanood sa TV5 at A2Z.

Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.