Eunice Lagusad, 27, finishes high school

Posted by

Eunice Lagusad, 27, finishes high school

Eunice Lagusad finishes high school at the age of 27

Eunice Lagusad: “Frustration ko talaga makapagtapos ng schooling kahit paunti-unti. I’m already 27, pero ngayon ko lang sya na-achieve.” 
PHOTO/S: @eunicelagusad_ on Instagram

Masayang-masaya ang former Kapuso child actress na si Eunice “Charming” Lagusad dahil sa edad na 27 ay naka-graduate na siya sa wakas ng high school.

Sa Instagram last July 12, 2025, nag-post si Eunice ng photos at videos na kuha mula sa kanyang graduation sa ALS Center sa Marilao Central Integrated School.

Nabanggit ni Eunice sa kanyang post na naging malaking tulong sa kanyang pagtatapos ang ALS o Alternative Learning System, isang programa na dinisenyo para sa mga out-of-school youths at adults na walang complete formal schooling.

 

Eunice Lagusad finishes high school at ALS Center in Marilao Central Integrated School

Eunice Lagusad finishes high school at ALS Center in Marilao Central Integrated School. 
Photo/s: @eunicelagusad_ on Instagram

EUNICE LAGUSAD: “high school graduate na po ako.”

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Eunice via Facebook Messenger last June 12, proud itong makatapos at makatanggap ng high school diploma kahit na long overdue na ito.

“Super masaya po ako…Masarap sa pakiramdam na masasabi ko pong kahit papaano, high school graduate na po ako.

“Hindi man regular process, pero at least nakatapos.

“Siyempre, hindi ko din naman po maiwasan na mainggit sa mga ka-batch ko before sa St. James Academy of Malabon na mga naka-graduate na.

“Pero sabi naman po nila, kanya-kanyang timing naman po iyan. Sadyang marami lang po talagang inuna sa buhay than education, pero binalikan ko po talaga nung nakakita ako ng way at opportunity na makatapos kahit unti-unti.”

 

Eunice Lagusad's graduation

Eunice Lagusad in her toga 
Photo/s: @eunicelagusad_ on Instagram

EUNICE LAGUSAD PRIORITIZES SHOWBIZ PROJECTS

Nagsimula bilang child star si Eunice, gamit ang screen name na Charming Lagusad, sa edad na 8.

Naging main character siya sa Bakekang (2006) at nasundan ito ng iba pang shows tulad ng Ay! Robot, Princess Charming, Princess Sarah, Goin’ Bulilit, Aryana, at maraming pang iba.

Ang mga sunud-sunod na trabaho sa showbiz ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng delay sa pag-aaral niya.

Aniya: “Sa totoo lang po, ayun lang po talaga yung naging reason. I mean its a good problem po at di ko din naman dyina-justify yung pagkaka-neglect ko sa education part, pero hindi naman din kasi lahat nabibigyan ng opportunity sa pag-aartista at hindi naman din po ako nawawalan ng work.

“Kaya time po talaga ang naging kalaban. Hindi siya talaga nabigyan ng time po to balance work and schooling plus personal din stuffs po.”

Mas naging priority raw ni Eunice ang trabaho dahil nakakatulong ito sa kanyang pamilya.

“No regret sa part na iyon kasi sa ibang paraan naman po ako na-bless ni Lord, which is stable career kahit papaano.”

Pero may mga bagay nga lang siyang na-miss out.

Sa pagpapatuloy ng dalaga: “Ang nanghihinayang lang po ako ay sa part na di ko naranasan tulad ng prom, intramurals, pati na yung magkaroon ng high school puppy love!

“Yung mga regular po na experiences, sa regular school lang kasi first year high school po yung last attend ko ng regular schooling.”

Hindi naman daw nakaramdam ng hiya si Eunice tuwing uma-attend siya ng classes kahit pa siya ang pinakamatanda sa buong klase.

“Ever since naman po na nag-regular schooling na ako, ako po talaga ang matanda sa lahat ng grades na pinasukan ko.

“Pero hindi naman po nila naparamdam sa akin na mas matanda ako sa kanila, na artista ako.

“Parang normal lang din naman po except sa may ‘ate’ sa tawag sa akin!” tawa pa niya.

EUNICE LAGUSAD TO PURSUE COLLEGE

Hindi na raw naabutan ng kanyang inang si Regina Lagusad ang pagtatapos niya ng high school.

Pumanaw ito noong September 2021 dahil sa stroke.

Pero alam daw ni Eunice na proud ito dahil matagal na raw nitong hiling sa kanya na tapusin ang pag-aaral.

“I’m sure proud po yun. Papagalitan lang ako kasi halos hindi na ako nagpapahinga these days dahil sabay-sabay po ang corporate work, taping, and iyan po, attending ng school.

“Pero sigurado po akong proud si Mama dahil kahit wala na siya, hindi ko po napabayaan yung sarili ko.

“Kung paano niya ako pinalaki, pinapanatili ko po kung ano yung mga attitude, ethics, and characteristics na tinuro niya sa akin.

“At yun lang din naman po yung maibabalik ko sa kanya. Na hindi ko po napabayaan yung sarili ko kahit wala na po siya physically.”

Pinag-iisipan na rin ni Eunice ang kursong kukunin niya sa kolehiyo.

“So far, pinapapili po ako if itutuloy ko na to college or senior high school po.

“Pero if ever na college, either marketing or masscom po ang pinag-iisipan kong course po.”

Dahil inspirasyon si Eunice sa maraming gustong makatapos ng high school, heto ang kanyang mensahe sa kanila:

“Sabi nga ng BINI, ‘ang buhay ay di karera.’ You may feel na you’re being left behind, pero sa totoo, may reason lahat kung bakit.

“And trust God’s timing. Kasi Siya talaga yung makakapagsabi ng mangyayari sa buhay natin.

“You just have to follow, listen, and work according to His plan. Wag tayong sususko!”

Kasalukuyang napapanood ang Kapuso actress sa GMA Afternoon Prime series na Akusada, na pinagbibidahan ni Andrea Torres.