Resulta ng OPM Female Clones, inalmahan ng ibang EB viewers

Posted by

Mas deserving ba ang ibang finalists ng OPM Female Clones?

opm female clones finalists

OPM Female Clones finalists: (from left) Jazharra Ungui, Rochelle Santos, and Rachel Clemente, who won for being the clone of Sharon Cuneta.
PHOTO/S: TVJ Facebook

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang maganap ang grand finals ng “OPM Female Clones” noong Sabado, Hulyo 19, 2025, pero hindi pa rin mapanatag ang kalooban ng ilang mga tumutok at sumubaybay sa popular singing contest ng Eat Bulaga!.

Si Rachel Clemente ng Mandaluyong City, ang kaboses ni Sharon Cuneta, ang itinanghal na grand winner ng “OPM Female Clones.”

rachel clemente opm female clones winner

Photo/s: TVJ Facebook

Pero para sa ibang masugid na tagasubaybay ng Eat Bulaga!, sina Rochelle Santos ng Binangonan, Rizal o si Jazharra Ungui ng Navotas City ang higit at karapat-dapat nagwagi.

Si Rochelle ay kaboses ni Dulce, habang ang 14-year-old na si Jazharra ang clone ng pumanaw na mang-aawit na si Claire dela Fuente.

EAT BULAGA! VIEWERS REACT

Tatlong araw na ang nakararaan buhat nang mangyari ang grand finals ng “OPM Female Clones,” pero hanggang ngayon, tumatanggap ng mga batikos at pagpuna ang Eat Bulaga! mula sa hindi matanggap ang resulta ng patimpalak.

Damay sa mga batikos ang Eat Bulaga! pioneer hosts na sina Senator Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na mga sinisisi, kahit walang kinalaman ang tatlo sa pagpili ng nanalo.

Sina Jimmy Antiporda, K Brosas, Sheryn Regis, Mitoy Yunting, Lani Misalucha, Fe delos Reyes, at Mitch Valdes ang mga hurado sa grand finals ng “OPM Female Clones.”

Hindi rin nawala ang pagkukumpara kina Rachel, Rochelle, at Jazharra dahil sa rehearsal videos ng tatlo na inilabas ng Eat Bulaga!.

Marami ang pumuna na mas magaling daw si Rachel at mas kaboses nito si Sharon sa rehearsal kesa sa mismong oras ng kumpetisyon.

 

Wala naman daw ipinagbago si Jazharra sa panggagaya sa boses ni Claire nang ipakanta sa kanya ang “Kahit Ayaw Mo Na,” ang hit song ng This Band noong 2021.

Alam at tanggap ng mga nagrereklamong may nanalo na at hindi na mababago ang resulta ng nanalo sa “OPM Female Clones,” pero ginamit pa rin nila ang kapangyarihan ng social media para iparating sa mga kinauukulan ang kanilang mga sentimyento.

Narito ang ilan sa mga komento ng netizens mula sa FB page ng TVJ Facebook account:

opm female clones comments

Photo/s: Screen grab from TVJ Facebook

Wala pang pahayag ang pamunuan ng Eat Bulaga! at maging si Rachel Clemente sa mga puna ng ilang manonood.