Tina Dimas, may bagsak na grades, Top 6 sa board exam

Posted by

“Normal na estudyante lang ako noon, hindi ko na hinangad maging topnotcher.”

Graduation photo of Tina Dimas

Hindi nakapagtatakang mag-top si Tina Dimas sa board exam dahil sinagad niya ang pagre-review. “Nag-focus ako kasi gusto kong makuha ang lisensyang hinahangad ko.”

Bago naging ganap na dentista si Ma. Cristina J. Dimas, 26, marami muna siyang pinagdaanan.

Tubong Bulacan si Cristina, mas kilala bilang Tina. Bunso siya sa tatlong magkakapatid.

Noong 10 years old siya, pumanaw ang kanyang ama at nagdesisyon ang kanyang ina na lumipat sila sa Caloocan City.

Dito ay nagtayo ang ina ni Tina ng maliit na tindahan, at napag-aral ang kanyang mga anak.

Naging doktor ang kanilang panganay, at product development manager ang sumunod dito.

Nagtapos naman si Tina ng Doctor of Dental Medicine (DMD) sa National University MOA noong November 16, 2022.

Graduation photo of Tina Dimas

Top 6 siya sa May 2023 Licensure Examination for Dentists, at may rating na 82.30 percent.

Nakakuwentuhan si Tina ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last June 1, 2023, via Facebook Messenger at ibinahagi ng bagong dentista ang kanyang naging journey.

HINDI NAGING TULUY-TULOY ANG PAGKOKOLEHIYO

Bata pa lang ay naging pangarap na ni Tina ang maging dentist.

Kuwento niya, “Nung nasa Bulacan pa lang kami, naging regular kami sa dentista dahil ang rason ng aking mga magulang ay hindi nila naalagaan ang ngipin nila noon.

“Doon ako na-inspire na kumuha ng DMD course.

“Ang second choice ko ay medicine, kaso naisip kong masyadong matagal mag-aral ng medisina.”

Nasa fourth year college na si Tina nang dumating ang isang pagsubok.

“Nagkaroon kami ng financial problem at kinailangan kong tumigil sa pag aaral.”

“Maraming tumakbo sa isip ko, isa na rito ang hindi ako makakasabay sa mga kaibigan ko sa college.”

At dahil anim na taon ang kursong dentistry, nagtrabaho muna siya sa loob ng isang taon at nag-ipon para maipagpatuloy ang pag-aaral.

Hindi rin naging madali ang kanyang pagbabalik sa pinangarap na kurso.

“Noong nag-aaral na uli ako, bumagsak ako sa ilang subjects.”

At dahil kailangan niyang actual na magbunot ng ngipin, may pagkakataon na, “Iniwan ako ng ibang pasyente, at rejected ang ibang cases ko.”

Lalong na-disappoint si Tina.

“Nawalan ako ng pag-asa na baka hindi talaga para sa akin ang dentistry.”

Gayunpaman, itinuloy pa rin niya ang nasimulan.

Graduation photo of Tina Dimas

“Naging working student rin ako bago ako nag-graduate. Mahirap… pero kinaya sa tulong ng aking pamilya.

“Sila ang nag-motivate sa akin na ituloy ang kurso na ito kahit mahirap.”

 

SINAGAD ANG PAGRE-REVIEW PARA SA BOARD EXAM

Nang maka-graduate, nagdalawang-isip daw muna si Tina kung kukuha na ba ng board exam o huwag muna.

“Dahil three months lang ang nailaan ko sa pagre-review.”

Pero kahit sinabi niya sa sarili na hindi pa siya ready, “Nag-file pa rin ako ng exam around March 2023.

“And that time, alam ko sa sarili ko na wala pa sa kalahati yung nare-review ko.”

Ang ginawa ni Tina ay nag-review nang sagad hanggang last week ng April.

“Two days before the day of our exam, simula 8:00 a.m. until 8:00 p.m. ako nagre-review kahit nakakapagod.

“Nag-focus ako kasi gusto kong makuha ang lisensyang hinahangad ko.”

 

ANG WISH LANG NIYA AY MAKAPASA, HINDI MAG-TOP

Aminado si Tina na nahirapan sa board exam.

“Sa totoo lang, akala ko ay babagsak ako. Maraming tanong ang hindi ako sigurado sa sagot.

“Sa five days na exam namin, nakaka-drain mentally at physically. Bukod sa aking pamilya, ang Diyos ang kaagapay ko.”

Kaya nang lumabas ang resulta at topnotcher siya, hindi makapaniwala si Tina.

Tarpaulin congratulating Tina Dimas

“Honestly, ang ipinagdasal ko lang ay pumasa ako. Normal na estudyante lang ako noon kaya hindi ko na hinangad na maging topnotcher.

“Kaya ang amazing ni Lord, dahil ipinasa Niya na ako at ibinigay pa sa akin ng 6th place.”

Aniya, nang lumabas ang resulta ay una niyang tiningnan ang full list of passers.

“Umiyak ako noong nakita ko ang pangalan ko.

“Nagtaka ako, bakit ang daming nagko-congrats. Kaya tiningnan ko na yung list of topnotchers.

“Nagulat ako at hindi ako makapaniwala. Pero ang laking ginhawa sa akin.

“Masaya at malaking pasasalamat sa Diyos. Ilang araw rin ako hindi nakatulog dahil sa saya.”

Inialay ni Tina ang tagumpay sa kanyang pamilya.

Tina Dimas with her mother

“Lalo na sa aking Mama. Ang tagumpay ko ay tagumpay din nila dahil sila ang tumulong sa akin sa journey ko sa college hanggang mag-take ng board exam.”

Sa ngayon ay magsisimula na si Tina na magtrabaho bilang associate dentist sa isang clinic sa Quezon City.

Ang kanyang plano, “Five years from now, sana makapagtayo rin ako ng sarili kong dental clinic.”

Payo niya sa mga kabataan, kahit anong mangyari ay huwag mawawalan ng pag-asa na kamtin ang pangarap.

“Nine years po ako sa college, at masasabi ko na isa ako sa mga living proof na kahit anong problema o success ang ibato sa inyo ng buhay, hindi magiging hadlang ang lahat ng iyan kung ikaw ay determinado at disiplinadong makuha ang inaasam mo.

“Sa mga future dentistry students, maging prepared po kayo mentally, physically, financially—at lalung-lalo na spiritually. Huwag kakalimutang magpasalamat lagi sa Diyos.”