Vic Sotto naging maingat sa pagbasa ng winners sa OPM Male Clones

Posted by

Vic: “Parang kinakabahan akong bumasa.”

Vic Sotto, OPM Male Clones

Bago ianunsiyo ang grand winner sa ‘OPM Male Clones’ contest ng “Eat Bulaga!,” una munang idedeklara ang second runner-up winner. Pero sandaling napahinto ang isa sa hosts ng show na si Vic Sotto (main photo), habang naghihintay ang lahat, kabilang na ang grand finalists (inset) ng contest.
PHOTO/S: Screengrab from Eat Bulaga!

Si Lucky Robles ng Mandaluyong City, ang itinanghal na grand winner sa grand finals ng “OPM Male Clones” ng Eat Bulaga! na naganap ngayong Sabado, Hulyo 26, 2025.

Lucky Robles, OPM Male Clones grand winner.

Lucky Robles, OPM Male Clones grand winner. 
Photo/s: Screengrab from Eat Bulaga!

Ninety-nine percent ang average score na natanggap ni Robles dahil sa kanyang mahusay na panggagaya sa boses ni Gary Valenciano.

First runner-up ang Jay-R ka-voice na si Johncelle Decena, samantalang nag-tie na second runner-up sina Gieby Bodomo at Carlito Cadag, Jr.

Si Bodomo ang ka-voice ni Janno Gibbs at ang boses ni Chito Miranda ang ginaya ni Cadag.

Parehong 93.86% ang average score na ibinigay kina Cadag at Bodomo ng mga hurado na sina Luke Mejares, Richard Reynoso, Moy Ortiz, Jessa Zaragosa, Vince de Jesus, Geneva Cruz, at Wency Cornejo.

Naging maingat ang Eat Bulaga! host na si Vic Sotto sa pagsasabi nito ng mga nagwaging second runner-up sa “OPM Male Clones” dahil sa kontrobersya na nangyari noong nakaraang Sabado, Hulyo 19, sa pag-anunsyo ng mga nanalo sa “OPM Female Clones.”

Si Rachel Clemente ng Mandaluyong City na ka-voice ni Sharon Cuneta ang inanunsyong grand winner, first runner-up si Rochelle Santos na kaboses ni Dulce, at second runner-up si Jazharra Ungui na ka-voice naman ng pumanaw na si Claire dela Fuente.

Pero noong Miyerkules, Hulyo 23, itinuwid ni Allan K. ang pagkakamali dahil nagkaroon umano ng kalituhan sa pagbabasa ng mga pangalan ng mga nanalo.

Sinabi ni Allan na si Santos ang tunay na “OPM Female Clones” grand winner, first runner-up si Ungui, at second runner-up si Clemente.

Bago binasa ni Vic ang second runner-up winners ng “OPM Male Clones,” nagsalita muna siya ng, “Parang kinakabahan akong bumasa” na patungkol sa naganap sa grand finals ng “OPM Female Clones.”

Pero hindi na nabahiran ng kontrobersya ang resulta ng mga nagwagi ngayong Sabado.

Hindi pa naglalabas ng pahayag si Clemente tungkol sa malungkot na nangyari sa pagsali niya sa “OPM Female Clones” pero nakabawi naman si Robles na tulad niya ay nagmula rin sa Mandaluyong City.