Vice Ganda, may espesyal na ugnayan sa masang Pilipino.
Vice Ganda on his special connection with the Filipino masses: “Ang relasyon ko sa masang Pilipino parang pangkaraniwang relasyon ng araw-araw. May love-hate relationship, pero hindi kami nag-iiwanan. Iniisip ko sila lagi.”
PHOTO/S: Lee Santiago / Black Ant Lensman
GORGY RULA
Sa 8th EDDYS Awards ng grupong SPEEd, nabigyan ng tamang venue at pagkakataong ilahad ni Vice Ganda ang saloobin sa mga tumutuligsa at hindi nagagandahan sa mga pelikula niyang pawang box-office hits naman.
Isa si Vice sa pinarangalan ng EDDYS bilang Box Office Heroes dahil sa tagumpay sa takilya ng pelikula niyang And The Breadwinner Is…
Personal na tinanggap ng Unkabogable Star ang parangal sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts, Pasay City, noong Hulyo 20, 2025.
Dito binuweltahan ng box-office star ang mga pumupuna sa mga pelikula niya.
Bahagi ng kanyang acceptance speech: “Bakit daw laging maraming nanonood ng pelikula ko, e, para sa mga ilang kritiko, para sa ilang feeling mas magagaling pa sa kritiko, sa mga umaarteng kritiko, ang pelikula ko raw ay walang kuwenta, walang katuturan, slapstick, ka-cheapan, puro kabaklaan, puro kabaduyan, bakyang-bakya.
“Pero bakit patuloy na pinipilahan ang mga pelikula ko dahil… ang mga pelikula ko, kahit hindi masyadong pumapasa o hindi pumasa sa panlasa ng mga kritiko, ang pelikula ko ay nagsisilbing pangtakas ng napakaraming pangkaraniwang Pilipino.
“Yung pelikula ko po ay nagamit ng napakaraming masang Pilipino para maging instrumento para sila ay tumawa panandalian, tumawa, humagalpak, hanggang sa makalimutan nila nang ilang segundong kung ano yung masakit, malungkot, at mahirap na sitwasyon ng kanilang pamumuhay araw-araw.
“Maraming Pilipino na patuloy na nagpupunta sa sinehan para silipin at panoorin ang pelikula ko at pagtawanan ako.
“Para kahit papano makalimutan nila yung lungkot. Para kahit papano makalimutan nila ang dami nilang problema.
“Para kahit papano makalimutan nila na malapit na silang mawalan ng pag-asa dito sa Pilipinas.
“Yun po ang isa sa mga dahilan, feeling ko, kung bakit nanonood pa rin sila ng pelikula ko, kahit ang mahal-mahal na ng pelikula.
“Ang hirap ng buhay nila, konti lang ang pera nila, pero manonood pa rin sila ng sine, lalung-lalo na ang pelikula ko kasi gusto nilang tumawa.”
Vice Ganda accepts his Box Office Heroes award at the 8th EDDYS.
Photo/s: Jerry Olea
VICE GANDA’S SPECIAL CONNECTION WITH THE MASA
Pagpapatuloy ni Vice: “Maraming masang Pilipino nanonood ng pelikula ko dahil ako at ang masang Pilipino ay may ugnayan. Na sa araw-araw nilang pagkita sa akin, sa panonood sa akin sa It’s Showtime sa loob ng 17 years, nakabuo ako ng isang magandang ugnayan sa masang Pilipino.
“Ako at ang masang Pilipino ay may relasyon, kami ay nagkakaunawaan. Iisang wika o lengguwahe ang sinasabi namin. Iisa ang trip namin.
“Ang relasyon ko sa masang Pilipino, parang pangkaraniwang relasyon ng araw-araw. May love-hate relationship, pero hindi kami nag-iiwanan. Iniisip ko sila lagi.
“Iniisip ko sila lagi, inuunawa ko sila lagi at inuunawa din nila ako. At araw-araw nagmamahalan kami.
“Kaya tuwing may pelikula ako, lalung-lalo na sa Pasko, dun kami nagkikita. Kasi ako at ang masang Pilipino ay pamilya.”
JERRY OLEA
Mabango sa takilya si Vice Ganda. Hindi makukuwestiyon iyan.
Nakatutuwa at kinikilala na rin ang husay niya bilang artista.
Nominado siyang best actor sa MMFF 2024, ganoon din sa 8th EDDYS, para sa pelikulang And The Breadwinner Is…
Kinabog siya ni Dennis Trillo ng Green Bones.
Sa MMFF 2025 ay may official entry muli si Vice, ang Call Me Mother with Nadine Lustre, sa direksiyon muli ni Jun Robles Lana.
Tingnan natin kung magta-topgrosser muli si Vice Ganda sa MMFF, at kung makakamit niya this time ang tropeyo bilang best actor.
NOEL FERRER
Binabati ko si Vice Ganda sa kanyang effort para magbigay ng kakaibang putahe ang kanyang audience sa pamamagitan ng team-up niya kay Direk Jun Lana sa And The Breadwinner Is… noong MMFF 2024.
Mainam na may mahigpit na relasyon si Vice sa masang Pilipino kaya’t malaking responsibilidad din ito dahil katulad ng kahit anong relasyon, kailangan itong mag-grow at lumevel up pa.
At ang pelikula ay isa sa mga platform ni Vice na inaasahang hindi lang mang-aliw kundi mang-impluwensiya para sa higit na kahusayan at kabutihan, upang lalong may pakinabang sa kabila ng mataas na admission price sa sinehan.
All the best, VG!!!