“I am not outing Piolo.” Ito ang pinaninindigan ni BB Gandanghari kaugnay ng pagkukuwento niya tungkol sa namagitan kina Rustom Padilla at Piolo Pascual sa San Francisco, California, noong 2001.

Si Rustom, isang leading man sa pelikula noong ’90s, ay ang dating katauhan ni BB bago siya naging trans woman. Noong nag-out na si Rustom, nakagawa siya ng dalawang pelikula, ang ZsaZsa Zaturnnah (2006) at Happy Hearts (2007). Pabalik-balik siya ng Pilipinas at U.S., ngunit sa kasalukuyan ay naninirahan na sa California.

Si Piolo ay isang leading man sa pelikula at telebisyon na di hamak ay mas malayo ang narating ng career. Nakilala siya nang husto sa seryeng Esperanza (1998), na pinagbidahan ni Judy Ann Santos, at nagtuloy-tuloy nang maging A-lister nitong 2000s. Bagamat maraming properties si Piolo sa U.S., dito siya sa Pilipinas naninirahan.

Umani ng batikos si BB dahil sa pagsisiwalat ng nakaraan nila ni Piolo, at maraming hindi natuwa sa pag-a-out nito sa nananahimik at popular na Kapamilya actor.

Sa kanyang vlog noong September 9, kasabay ng pagsagot sa mga akusasyon sa kanya, may katarayang iginiit ni BB na hindi niya ibinibisto ang sexual orientation ni Piolo.

Ngunit tila may sariling lohika si BB.

Buong kumpiyansang mensahe ni BB: “Kung nakikinig si Piolo, eto lang ang payo ko sa iyo Piolo. Piolo, I am not outing you. I am only speaking or talking about my experience.”

Pinayuhan pa ni BB si Piolo sa dapat nitong isagot kapag tinanong.

Hindi raw maaaring pumagitna ito sa lahat ng pagkakataon at pahulain ang mga tao.

“Now, napakadaling sabihin na, ‘That was just an experience. I’m a man, I’m straight, man.’ Ang daling sabihin. Pwede mo rin sabihin na, ‘Yeah, maybe I’m gay.’

“But you can’t be… you can’t be in the middle all the time and make people guess and make people fight people, because people are insinuating who you are.”Huwag daw hayaan ni Piolo na ma-define ang kanyang pagkatao sa ginawang revelations ni BB.

Mainit na sabi pa ni BB: “I am not insinuating. I am merely stating an experience that will not define you… by the way, will not, will never define you. Huwag kang papayag.

“Ako na nagsasabi sa iyo, Piolo, don’t make that experience define you. So speak, if you can.

“And speak not of the past. Don’t even speak about Rustom.

“Speak of the now and who are you now and that will end everything.

“In other words, hindi ako ang mag-a-out sa iyo.

“Kahit anong sabihin ko ngayon, hindi iyan pag-a-out sa iyo, o sa kahit kaninong tao.”

Litanya pa ni BB, “Kasi kung anong sasabihin mo, yun dapat ang paniwalaan ng tao, kaya dapat magpakatotoo ka, para makuha mo ang tiwala ng ibang tao.”

BB GANDANGHARI ON COMING OUT

Sa puntong iyon, binanggit ni BB ang ginawa niyang paglaladlad sa kanyang sekswalidad.

Noong kilala pa siyang Rustom Padilla ay kinukuwestiyon na ang kanyang sekswalidad. Hanggang umamin si Rustom na “I am gay” nang maging housemate sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition ng ABS-CBN noong 2006.

Pagkalipas ng tatlong taon, noong 2009, ipinakilala ni Rustom ang kanyang bagong katauhan bilang trans woman na si BB Gandanghari. Kasabay nito ang kanyang deklarasyong “Rustom is dead.”

Saad ni BB tungkol sa kanyang pagka-come out: “Again, I took that chance and I took the punches.

“You think coming out is easy? Not at all. That’s why iniyakan ko ang desisyon na ito.

“But then again, in the end, I’m not outing anyone.”

Sa mga sumunod niyang pahayag ay binanggit muli ni BB si Piolo.

Aniya, “Because sinabi ko na ito noon, sasabihin ko ulit, not a thousand Rustom can out a Piolo Pascual, or anybody for that matter, who is secure of their manhood and masculinity.”

Pagtatanggol ni BB sa sarili, huwag siyang sisihin sa isyung pag-a-out ng ibang tao.

Galit na galit siya dahil mga gay pa raw ang nambabatikos sa kanya na tila nakakahiyang maging gay.

Tila wala namang pag-unawa si BB na, maging sa hanay ng kapwa gay, may pinipiling panahon para maglantad o, kung naisin, huwag maglantad kailanman.

Hindi basta nangangahulugang ikinahihiya nila ito, kundi maraming isinasaalang-alang: ang dynamics at history ng pamilya, ang mga patakaran sa pinagtratrabahuhan, ang maaaring epekto sa piniling career path, at ang kakalabaning current conventions ng lipunan.

Ngunit tuloy-tuloy lang si BB: “Pag-usapan natin, granted Piolo’s gay, does that make him a bad person? No.

“Doon ako hindi naiintindihan bakit galit na galit sa akin ang tao. Will it make him a bad person? No.”

Maanghang ang mga sumunod na salitang pinakawalan ni BB: “Pangalawa, sinisira ko daw ang career. Mga wala talaga sa katotohanan. Anong career ang sisirain?

“Piolo is 43 years old. He’s not 25, he’s not 20. He’s not the matinee idol.

“He’s a 43-year-old man. He can make his choices already.

“So don’t blame it on me kung mawalan ng career. Bakit ako? Kung si Daniel Padilla iyan.”

Si Daniel ay ang young matinee idol na pamangkin ni BB sa kanyang kapatid na si Rommel Padilla.

Depensa ni BB, matagal niyang pinag-isipan ang pagbunyag ng kanyang nakaraan.

“Pinag-isipan ko, ‘Will I be unfair?’ Huwag niyong isipin na hindi ako nag-isip.

“Nag-isip ako, ‘Will I be unfair?’ Pinag-isipan ko talaga siya nang matindi at pinag-pray ko siya at isa lang ang lumabas.

“I think it’s about time to tell my story—my, my, my story,” pagdidiin ni BB.

Dagdag niya, “Before, when I wanna say it, parang andami kong kinonsider and I gave way.

“Siguro naman ngayon, kahit anong sabihin ko will not affect anybody.”

Bagamat sinasabi ni BB na hindi niya ina-out si Piolo, kinukunsidera ng maraming miyembro ng Pinoy LGBTQ++ community na pag-a-out ang ginawa ni BB.

Patunay na konserbatibo pa rin ang mga Pilipino pagdating sa usaping ito, kumpara sa ikinakatwiran ni BB na ine-encourage ang pag-a-out sa Amerika, kung saan siya nakatira ngayon.

Samantala, nakipag-ugnayan ang PEP.ph sa Star Magic, talent management arm na kinabibilangan ni Piolo, upang humingi ng reaksyon sa ginawang mga rebelasyon ni BB.

Ayon sa kanila, hindi na nila papatulan ang isyu. Sinabi rin nila tungkol kay BB: “Pabayaan na natin siya.”

Gayunpaman, mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ng lahat ng taong sangkot sa isyung ito.