Vhong Navarro denies shouting match with Vice Ganda

Vhong gifted an expensive pillow to Vice, while the latter gave a phone to the former.
Vhong Navarro on reports that he and Vice Ganda had a shouting match along a hallway at ABS-CBN: “Tatlong taon na rin ang Showtime so kabisado na namin ang isa’t-isa.
Ako yung tipo ng tao na kapag may nagawa akong kasalanan sa isang tao, didiretso ako agad, hihingi ako ng tawad kahit nga di ko pa kasalanan. Ganun ang pagkatao ko, e, para lang wala nang samaan ng loob.”

Nabalita kamakailan na nagkasigawan daw sa hallway ng ABS-CBN ang mag co-host na sila Vhong Navarro at Vice Ganda.

Hindi klaro ang dahilan ng sinasabing iringan sa pagitan ng dalawang hosts ng Showtime. Ang sinasabi lang ay may kinalaman daw ito sa relasyon nila bilang magkatrabaho sa nasabing programa.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng Cinema News kay Vhong sa nakaraang trade launch ng ABS-CBN, Thursday, June 14 sa NBC Tent sa The Fort, pinatatakhan ng komedyante kung ano ang pinagbasehan ng nasabing balita gayong wala raw itong katotohanan.
“Didiretsuhin ko na kayo, di po totoong nagkasagutatan kami ni Vice.
“Nagulat kami nung may nag-tweet sa amin ni Vice, lumabas na may nagsabi nga raw. Pinabasa ko agad sa kanya, sabi ko, ‘Ano ito, sagutin na natin agad para matapos na.’
“Nag-react kami agad nung sinabi yun,” sabi ni Vhong.
“Alam ninyo mahirap magplastikan. Si Vice mababasa mo kapag may problema, especially hindi lang sa tao kundi sa showbiz. Ganun ‘yan.
“Kung ano ang nakikita ninyo on-cam, kapag off-cam ganun diun kami.
“Ang live show kasi especially pag noontime show, di ka umaarte dun. Yun ka sa totoong buhay, sa likod ng camera yun ang pagkatao mo.
“Iba kasi pag acting, pag soap opera, sitcom—may character ka diyan. Pero pag live show, pagkatao mo yun,” sabi ni Vhong.
“Tatlong taon na rin ang Showtime so kabisado na namin ang isa’t-isa.
“Ako yung tipo ng tao na kapag may nagawa akong kasalanan sa isang tao, didiretso ako agad, hihingi ako ng tawad kahit nga di ko pa kasalanan.
“Ganun ang pagkatao ko, e, para lang wala nang samaan ng loob.”
PILLOW, PHONE. Recently nga ay niregaluhan pa ni Vhong ng mamahaling unan si Vice.
“Nag-request naman siya, sabi ko, ‘Why not?’ Kasi si Vice niregaluhan niya ako ng telepono.”
Iba’t ibang hosts na may kanya-kanyang talent at pag-iisip; di naman ideneny ni Vhong na paminsan-minsan ay di maiiwasang magkaroon ng friction sa pagitan nila.
“Pero di ito lumalaki dahil parang pamilya na ang turingan nila sa isa’t-isa sa Showtime.
“Kahit anong gawin o mangyari, pamilya na kami. Ang pamilya nagkakaproblema, di naman puwedeng laging okay ang samahan pero kapag may tampuhan inaayos agad.”
May mensahe rin na gustong ipaabot si Vhong sa mga taong umiintriga sa samahan ng mga kapwa niya co-hosts sa Showtime.
“Una sa lahat, di totoo yung binabato ninyo sa amin. Kung mayroon kayong nais na gawin na ganyan, sana magtanong muna kayo sa amin bago ninyo ilabas.
“Ang ending kasi niyan, kayo din ang napapahamak o nasisira sa publiko kasi kayo ang nagbabalita. Pero kami ay nagpapasalamat na dahil sa inyo ay nababalita kami.”
CO-HOSTS ABROAD. Kinumusta namin kay Vhong ang mga kasama nilang si Anne Curtis at Karylle. Nasa ibang bansa ngayon si Anne para mag-shoot ng isang Hollywood film.
Karylle is attending the 52nd Monte Carlo TV Festival where she has been nominated Best Actress for her role in Kitchen Musical.
“Isang buwan si Anne na wala, wala rin sila Billy and Karylle. Basta OK si Billy dun [sa France].
Si Karylle naman one week lang kasi may pinuntahan nga siyang awarding, actually ma-nominate lang siya, okay na.
“Si Carmina [Villaroel] ang halos pumalit kay Anne, si Kim [Chiu] naman ang karelyebo ni Karylle habang wala siya.”
INSPIRATION. Katapat ng Showtime ang programang Eat Bulaga! sa GMA. Siniguro naman sa amin ni Vhong na kahit kailan ay di nila tinuring na kakumpetensya ang EB, kundi isang inspirasyon.
“Ang Eat Bulaga hindi katapat, di kakumpetensiya, iniisip naman siya as inspirasyon.
“Lalo na ako galing ako ng Eat Bulaga! Laking Eat Bulaga! ako nung time na sumasayaw pa ako sa Streetboys.
“Ilang taon kaming inaalagaan dun kaya ang respeto ko sa kanila hanggang sa mamatay ako.”
“Kaya nga nung nagkasakit ako, inoobserbahan ko sila kasi gusto kong makapulot ng kung ano ang ginagawa nila Bossing [Vic Soto], Tito [Sotto] at Joey [de Leon] kasi mga idolo ko ang mga yun.”
Tinanong namin si Vhong kung may mga pagbabago ba silang gagawin sa Showtime na dapat na abangan ng tao.
“Mas marami tayong natutulungang pamilya o kung sinumang nangangailangan kasi mas pinalawak, mas pinahaba ang oras.
“Pangit sabihin pero mas maramin na tayong pera na ipinamimigay sa mga Kapamilya nating nangangailangan.
“May pagbabago sa Bida Kapamilya. Inaayos pa namin, magkakaroon kami ng Season 2 kasi ang mga nanonood din naman sa tanghali, sa tahanan e, pamilya rin.”
MOVIE PROJECTS. May mga nakalinya rin na pelikulang gagawin si Vhong sa darating na mga araw.
“Mayroon, pero di ko pa talaga alam kung kailan ang shoot. Kami ni Angel [Locsin] magkakasama daw kami kaya nagulat ako kasi pangarap ko yun.
“Madudugtungan yung loveteam namin sa Todo Max. Sana matuloy din ang Shake, Rattle & Roll.”