it's showtime hosts

Vice Ganda to TV5: “Walang hanggang pasasalamat po ang gusto naming ibigay sa inyo. At hindi namin kakalimutan na minsan sa buhay namin, nagkaroon ng isang engrandeng pagdiriwang ang It’s Showtime at ang Madlang People dahil sa ginawa ninyong pagtulong at pagkupkop sa amin.”

PHOTO/S: ABS-CBN It’s Showtime YouTube

Naging madamdamin ang huling bahagi ng It’s Showtime ngayong Biyernes, June 30, 2023, dahil ito ang huling araw na mapapanood ang Kapamilya noontime show sa TV5.

Simula bukas, Sabado, July 1, ay mapapanood na ang It’s Showtime sa GTV, ang subsidiary network ng GMA-7. Ito ay matapos hindi na i-renew ng ABS-CBN ang blocktime deal nito sa TV na napaso ngayon ding araw.

Read: GMA-7, ABS-CBN sign historic deal for ‘It’s Showtime’ airing on GTV

Sa closing segment ng It’s Showtime ngayong hapon ay nakahilerang humarap sa stage ang lahat ng hosts ng programa, sa pangunguna ng kanilang lider na si Vice Ganda.

Sa ngalan ng kanyang mga kasamahan ay si Vice ay nagsalita tungkol sa pamamaalam nila sa TV5, na naging tahanan ng It’s Showtime sa loob ng isang taon.

vice ganda it's showtime

Sa simula ay tila nahihirapan si Vice na humanap ng mga salita upang ihayag ang kanyang nararamdaman. Pero pagkalipas ng ilang sandali ay nagbigay siya ng mensahe.

Pahayag niya: “Sa araw po na ito ay isang kabanata ng It’s Showtime ang nagwawakas. Alam niyo naman ang It’s Showtime ay parang mahabang kuwento, para siyang isang libro na araw-araw, tuwing umeere kami, ay saka pa lang namin isinusulat ang libro na yan.

“So, sa oras po na ito, isang kabanata ng libro na iyon ang nagtatapos. Yung kabanata ng pagiging bahagi namin ng Kapatid network, TV5.

“Ito na po yung huling pagkakataon na mapapanood niyo kami sa TV5.”

Kasunod nito ay pinasalamatan ni Vice ang TV5

“Gusto naming magpasalamat sa pamunuan ng TV5, sa inyong tahanan, sa pagbibigay po sa amin ng pagkakataon, ng oportunidad na makagamit po sa inyong bahay, sa pagkupkop sa amin kahit hindi naman masyadong matagal, panadalian…

“Napakalaking tulong po sa amin, sa aming pamilya, sa Madlang People. Napakalaking pabor po yung ibinigay ninyo sa amin.

“Kaya naman po ilang kabanata man ang maisulat namin sa araw na ito, saan man mapunta ang istorya ng It’s Showtime, bitbitbitin namin ang kabanatang ito kung saan nakaramdam din po kami ng saya mula sa inyo, sa pagpapatuloy niyo sa amin.

“Walang hanggang pasasalamat po ang gusto naming ibigay sa inyo. At hindi namin kakalimutan na minsan sa buhay namin, nagkaroon ng isang engrandeng pagdiriwang ang It’s Showtime at ang Madlang People dahil sa ginawa ninyong pagtulong at pagkupkop sa amin.

“Maraming-maraming salamat po.”

Pinasalamatan din ni Vice ang Chairman ng TV5 na si Manny V. Pangilinan (MVP) sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong maging bahagi ng Kapatid network.

Aniya pa, “Nakakalungkot man dahil hindi humaba ang pamamalagi namin sa bahay niyo, pero gayunpaman maraming-maraming salamat sa inyong lahat.”

Kasunod nito ay sinabi ni Vice na malungkot man sila na may kabanatang nagsara ngayong araw, masaya rin sila dahil isang kabanata naman ang magbubukas bukas.

Matalinhaga pa niyang pahayag, “Kumapit ka lang sa bukas. kung malungkot ka man ngayn, bukas may pagkakataong maging masaya ulit.”

Inihayag din ni Vice ang hangarin nilang ipagpatuloy ang paghahatid ng kasiyahan sa Madlang People saan mang bagong bahay sila mapadpad.

EMOTIONAL MESSAGE FOR IT’S SHOWTIME CO-HOSTS

Nagbigay rin ng madamdaming mensahe si Vice sa kanyang co-hosts sa programa.

Aniya, “Maraming-maraming salamat sa pagkapit ninyo…

“Alam ko pagod na rin kayo. Pagod na rin ako. Pero hindi ko yon iniinda kasi kumakapit din naman tayo sa isa’t isa.”

Pagkatapos ay inisa-isa niyang pinasalamatan ang mga kasamahan niyang sina Anne Curtis, Vhong Navarro, Kim Chiu, Jhong Hilario, Amy Perez, Jugs Jugueta, Teddy Corpus, Ryan Bang, MC Muah, Lassy, Jacqui Manzano, Cianne Dominguez, at sa kanyang partner na si Ion Perez; pati na ang staff ng It’s Showtime at ang management ng ABS-CBN.

Nagsimulang umere ang It’s Showtime sa TV5 noong July 16, 2022, kasabay ng pagpapalabas nito sa Kapamilya Channel, A2Z at sa YouTube at Facebook accounts ng programa. Umere ito sa timeslot na 12:45 p.m. to 3:00 p.m., kasunod ng Kapatid noontime show na Tropang LOL.

Nang kanselahin sa ere ang Tropang LOL ay bumalik sa orihinal na 12-noon timeslot ang It’s Showtime.

Ngunit bunsod ng pagpasok sa TV5 ng original Eat Bulaga! hosts na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, kasama ang legit Dabarkads na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Allan K, Ryan Agoncillo, Ryzza Mae Dizon, Carren Esistrup, at Maine Mendoza, nagdesisyon ang Kapatid network na ibigay ang noontime slot sa TVJ.

Nag-offer ang TV5 na ilipat sa 4:30 p.m. timeslot ang It’s Showtime, ngunit hindi ito tinanggap ng pamunuan ng ABS-CBN kasabay ng pagtatapos ng blocktime deal nila ngayong Biyernes.

Kasunod nito ay nakipagkasundo ang ABS-CBN sa GMA-7 upang maipalabas ang It’s Showtime sa GTV.

Naganap ang makasaysayang contract signing sa pagitan ng dalawang media giants noong Miyerkules, June 28.