Estudyanteng Pa-Graduate, Biglang Trahedya — Sino ang Nasa Likod?

Posted by


GRADUATING STUDENT, TINADTAD NG SAKSAK, NAKAKAGULAT ANG PAGKATAO NG MGA SUSPEK

Maligayang pagbabalik sa Tagalog Crime Stories kung saan ibinabahagi ko ang aking interes sa mga totoong krimen at isinasalaysay ito sa Tagalog. Kung gusto mo ang ganitong content, siguraduhing mag-subscribe at i-turn on ang lahat ng notifications para laging updated sa aking mga bagong video.

Kung nakapagtrabaho ka na sa ibang bansa, doon mo lang mapagtatanto na ang Pasko sa Pilipinas ay talagang kakaiba. Doon mo makikita na Setyembre pa lang ay abala na ang mga tao sa dekorasyon sa loob at labas ng kanilang bahay. Karaniwan nang maririnig ang mga awiting Pamasko kahit saan ka pumunta. At higit sa lahat, kung maglalakad ka sa kalsada, talagang mararamdaman mo ang paparating na holiday season dahil sa dami ng mga tindahan ng regalo at mga pagkaing Pamasko.

Nitong Disyembre lang, ang mga tao sa Barangay Apopong sa General Santos City sa Mindanao ay abala rin sa pagsalubong sa holiday season. Marami ang nasasabik dahil makakasama nila ang kanilang mga mahal sa buhay sa pagdiriwang ng Pasko. Ngunit bago pa man ang mismong araw ng Pasko, ilang pamilya mula sa Barangay Apopong ang magluluksa dahil sa isang krimen.

Base sa ulat, noong gabi ng Disyembre 7, nagulat ang ilang residente dahil sa walang tigil na pagkahol ng mga aso ng kanilang kapitbahay. Dahil ang karamihan sa mga aso ay ginagawang bantay, hindi nila ito binigyan ng malisya. Kinabukasan, nagising ang ilan sa isang malakas na iyak. Pagtingin nila sa bintana, napakaraming tao at pinaliligiran na ng mga awtoridad ang bahay na iyon. Sa video ng ilang residente, makikita ang paglabas ng isang stretcher na may takip na kumot. Punong-puno ng dugo ang tela at maririnig ang malalakas na iyak sa loob ng bahay.

Mabilis na kumalat ang balita sa buong Barangay Apopong at maging sa internet ay sunod-sunod ang nag-post ng pakikiramay sa pamilya ng biktima. Bagama’t naging maingat ang mga awtoridad sa detalye dahil sa gumugulong na imbestigasyon, hindi nila napigilan ang ilang impormasyong lumabas sa social media.

Ang biktima ay kinilalang si Miyuki Bucari Kim. Maraming residente, kaibigan, at kamag-aral ang nagulat sa balita, lalo na nang malaman nilang pinatay siya sa loob mismo ng kanyang sariling bahay—ang lugar kung saan dapat ay 100% kang ligtas. Hindi makapaniwala ang mga residente ng Barangay Apopong na mangyayari ang ganoong krimen sa kanilang lugar. Ayon sa istatistika, bagama’t may mga krimen noon tulad ng shooting incident, ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng ganito kakarumal-dumal na krimen.

Ayon sa mga residente, apektado sila dahil kilala nila ang biktima. Ngunit ang mas ikinababahala nila ay ang posibilidad na ang kanilang dating ligtas na lugar ay hindi na pala ligtas, at baka may mga taong nagpapakita lang ng kabaitan ngunit may masamang balak pala. Ilang araw matapos ang krimen, nagtipon-tipon ang ilang estudyante sa isang court para magbigay-pugay at humingi ng hustisya para kay Miyuki. Nag-alay sila ng kanta, bulaklak, at mga kandila. Halos lahat ay umiyak dahil sa maagang pagpanaw ng biktima.

Sa mensahe ng mga estudyante, nalaman ng publiko na si Miyuki ay isang mabuting tao at masipag na mag-aaral. Kaya hindi nila maintindihan kung bakit may gustong manakit at pumatay sa kanya. Habang hinihintay ang autopsy report, mabilis na nag-imbestiga ang mga awtoridad sa bawat anggulo, kabilang na ang kanyang personal na buhay. Ngunit wala silang nakitang anumang clue dahil si Miyuki ay tulad lang ng ibang kolehiyala kung titingnan ang kanyang social media profile.

Si Miyuki ay isinilang noong Agosto 24, 2004. Walang nakakaalam kung bakit Hapon o Koreano ang kanyang pangalan dahil napaka-private ng kanyang ina. Ang tanging impormasyong lumabas ay isa siyang fourth-year college student sa Mindanao State University (MSU) sa General Santos City. Kinikilala siyang “fish scholar” dahil kumukuha siya ng Bachelor of Science in Fisheries. Dahil sa negosyo ng kanyang ina na Small Town Lottery (STL), naibibigay ang lahat ng kanyang pangangailangan. Si Miyuki ay palakaibigan at aktibo sa unibersidad. Hindi lamang siya matalino, kundi naging kinatawan pa ng kanilang departamento sa iba’t ibang contest at nanalo ng mga parangal. Mahilig din siyang mag-cosplay. Sa kabila ng pagiging aktibo, hindi niya pinababayaan ang kanyang pag-aaral at nakikipag-bonding pa rin sa kanyang mga kaklase.

Ilang buwan na lang ay ga-graduate na sana siya, ngunit ang pangarap niyang makatulong sa pamilya ay hindi na matutupad. Sa autopsy report, lumabas na sinaksak siya ng limang beses. Ngunit ayon sa medical examiner, ang tunay na ikinamatay niya ay ang sakal o strangulation. Bagama’t nawalan siya ng maraming dugo, ang kanyang utak ay hindi nakatanggap ng oxygen dahil sa pagsakal.

Sa simula, hinala ng mga awtoridad na may matinding galit ang salarin dahil sa rami ng saksak at sa paraan ng pagpatay. Ngunit wala silang makitang clue sa mga taong malapit sa kanya dahil lahat sila ay may matibay na alibi. Wala ring boyfriend ang biktima o kilalang kaaway. Nang bumalik ang mga pulis sa crime scene, napansin nila at ng pamilya na may nawawalang 10,000 Pesos mula sa kita ng STL. Dito naging teorya ang pagnanakaw.

Pagkalipas ng ilang araw, naglabas ng impormasyon ang pulisya na nahuli na nila ang mga suspek: sina Aaron (22), Oblong (28), at isang alyas “Inday” (52). Ang mga ito ay kilalang gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga sa lugar. Nagulat ang pamilya ni Miyuki dahil ang mga ito ay kapitbahay lang nila at kung minsan ay binibigyan pa ng pagkain ng ina ng biktima. Nagtatrabaho ang mga ito bilang mga tricycle driver at minsan ay nangungutang pa sa ina ni Miyuki.

Gayunpaman, naging kumplikado ang kaso nang mamatay ang 52-anyos na si Inday habang nasa kustodiya ng pulisya. Ayon sa pulisya, bigla na lang itong natumba, ngunit ang pamilya ni Inday ay naniniwalang may foul play. Nakita raw nilang puno ng pasa at sugat ang katawan ni Inday at tila nabulag pa ito bago mamatay. Itinanggi rin ng pamilya ng suspek na si Oblong ang paratang, at sinabing ilegal ang pagkaka-aresto sa kanya ng mga lalaking nakamaskara.

Ngunit si Aaron, ang isa sa mga suspek, ay nanindigan sa kanyang pag-amin. Ayon sa kanyang salaysay, noong gabi ng Disyembre 7, nagyaya sina Inday at Oblong na “may kukunin.” Ginamit nila ang tricycle at pumunta sa pwesto ng STL. Si Aaron ang nagsilbing lookout habang pumasok ang dalawa sa loob. Ngunit nagising si Miyuki at nakita ang pagnanakaw. Dahil nagbanta ang dalaga na isusumbong sila sa kanyang ina, doon na siya pinatay. Bagama’t itinatanggi ni Oblong ang lahat, sinampahan pa rin sila ng kasong Robbery with Homicide.