
SUSPEK, NANG-MASSACRE SA LAS PIÑAS, DAHIL INIPUTAN SA ULO NG KINAKASAMA?
Si Mary Jean o MJ ay ipinanganak at lumaki sa Las Piñas. Ayon sa kanyang pamilya, espesyal si MJ dahil siya ang tanging babae sa pitong magkakapatid, kaya naman todo ang proteksyon nila sa kanya. Noong 2016, labis silang natuwa nang makapagtapos siya ng kursong Financial Management. Bilang ganti sa kabutihan ng kanyang mga kapatid, si MJ ang nag-alaga sa kanyang dalawang pamangkin na sina Nathalie at Oliver, at kinalaunan ay tumayo na rin siyang guardian ng mga bata. Nagtrabaho si MJ sa isang convenience store at dahil sa kanyang dedikasyon, na-promote siya bilang HR Manager.
Maayos din ang buhay ng kanyang dalawang pamangkin. Si Nathalie ay inilarawan bilang malambing at isang “social butterfly” dahil madali siyang makipagkaibigan. Bukod sa matataas na grado, aktibo rin siya sa basketball. Ang pinsan naman niyang si Oliver ay isang mabuting bata, masayahin, at puno ng pangarap. Maayos ang pagsasama ng tatlo sa loob ng ilang taon sa Barangay Pulang Lupa 2, ngunit hindi pa rin naiwasan ang isang malagim na trahedya.
Noong Mayo ng nakaraang taon, nag-report sa pulisya ang isa sa mga kamag-anak nina MJ dahil halos dalawang araw na silang hindi makontak. Hindi sumasagot si MJ sa mga chat o text, at maging si Nathalie na laging aktibo sa social media ay biglang nawala. Huling nakita ang tatlo noong Mayo 16.
Agad na pumunta ang mga awtoridad sa bahay nina MJ para mag-imbestiga. Ngunit paglapit pa lang sa pinto, napaatras ang mga pulis dahil sa masangsang na amoy. Humingi sila ng backup at tulong mula sa SOCO. Pagpasok sa loob, tumambad sa kanila sa isang silid ang naaagnas na bangkay ng tatlong biktima. Halos mahimatay at mapahiyaw ang mga kamag-anak sa nasaksihan. Pinigilan sila ng mga imbestigador na hawakan ang mga bangkay upang hindi masira ang mga ebidensya.
Mabilis na kumalat ang balita ng massacre. Nalaman ng publiko na ang mga biktima ay may packaging tape sa bibig at nakatali ang mga kamay at paa—isang senyales na talagang determinadong patahimikin sila ng salarin. Ayon sa pulisya, hindi pagnanakaw ang motibo dahil walang “forced entry” at nakakandado pa ang pinto. Napansin din na ang isa sa mga biktima ay nakabalot ng kumot, na sa sikolohiya ng krimen ay nangangahulugang kilala ng biktima ang salarin.
Sa isang hot pursuit operation noong gabi ng Mayo 18, naaresto ang suspek na si alyas Vicente. Nagnegatibo ito sa drug test ngunit positibong kinilala ng mga kamag-anak. Ang suspek ay ang mismong live-in partner ni MJ na si Vincent o Vince.
Nagkakilala sina MJ at Vince noong 2018 sa isang motor shop. Ayon sa mga kaibigan, nagustuhan ni MJ ang pagiging “bad boy” at adventurous ni Vince, na mahilig din sa illegal drag racing. Kahit na siyam na taon ang agwat ng edad nila at tutol ang pamilya ni MJ, itinuloy nila ang relasyon lalo na nang mabuntis si MJ noong 2019. Tumira sila sa isang apartment sa St. Joseph Subdivision kasama ang dalawang pamangkin ni MJ.
Sa panayam kay Vince, inamin niyang siya ang pumatay sa tatlo at humingi ng tawad, ngunit hindi siya mapatawad ng pamilya ni MJ. Lumabas sa imbestigasyon na si Vince ay may pamilya na pala sa Bicol bago pa naging sila ni MJ. Inilarawan din ni Vince si MJ bilang “bungangera” at selosa kahit sa asawa niyang naiwan sa Bicol.
Gayunpaman, ayon sa pamilya ni MJ, ang tunay na problema ay ang pagkalulong ni Vince sa online gambling. Isang beses ay nanalo si Vince ng 50,000 Pesos ngunit sa halip na gamitin sa bahay, ipinatalo niya lang ito sa sugal. Dahil dito, napipilitang mag-overtime si MJ sa trabaho, ngunit pinaghihinalaan pa siya ni Vince na nambababae kaya siya ginagabi ng uwi. Madalas silang mag-away na naririnig pa ng mga kapitbahay, at minsan ay nadadamay pa ang mga bata sa galit ni Vince.
Noong madaling araw ng Mayo 16, 2024, nakunan sa CCTV ang pag-uwi nina Nathalie at Oliver, na sinundan ni Vince, at huli ay si MJ na galing sa trabaho. Ayon sa suspek, nagkaroon sila ng matinding away at napalo niya si MJ ng “2 by 2” na kahoy. Nang sumaklolo ang mga pamangkin, idinamay na rin niya ang mga ito. Piniringan at tinalian niya ang mga ito ng packaging tape para tumigil sa pagsigaw.
Kinabukasan, pumunta ang kapatid ni Vince sa bahay para kunin ang apat na taong gulang na anak ni Vince at MJ para sa check-up, ngunit wala itong kaalam-alam na may mga bangkay na sa loob. Naglinis pa si Vince at nilagay ang mga bangkay sa isang kwarto. Sa tulong ng kapatid ni Vince na nakipagtulungan sa mga awtoridad, naaresto si Vince sa isang tagpuan. Kasalukuyan siyang nahaharap sa tatlong counts ng murder at posibleng mabulok sa kulungan.






