David Licauco reveals saying "hi" to Kathryn Bernardo during Bench show

Kabilang sa mga tinilian nang husto sa Body of Work: The Bench Show ang Kapuso actor na si David Licauco at ang Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo.

Hindi rin nakaligtas sa mata ng netizens ang sweet interaction ng dalawa sa curtain call ng fashion show.

Bukod dito, nakaisip na rin ang ilang netizens ng bansag sa magiging loveteam nila kung saka-sakali — KathVid.

David Licauco and Kathryn Bernardo short interaction during Body of Work: The Bench Show.

Ano ang reaksiyon ni David dito?

Tugon ng Pambansang Ginoo: “Nagulat ako siyempre.

“Growing up, si Kathryn na yung someone na I really look up to.

“Watched all her movies with Daniel Padilla, because I’m a fan.”

Si Daniel ang ex-boyfriend ni Kathryn na naging matagal ding ka-loveteam ng aktres.

Ayon pa kay David, lalo siyang kinikilig pag may mga nababasa siyang balita tungkol sa kanya at sa Kapamilya actress.

Aniya: “And now, I’ve been seeing mga writeups about us, kinikilig ka rin dun, di ba?

“Kahit naman sino.

“And I think everybody wants to work with Kathryn.”

Nagkausap ba sila backstage?

Sabi ni David, “I said hi, I said hi.”

Halos lahat daw kasi ay nais maka-selfie si Kathryn.

Pangarap pa rin ba niyang makatrabaho si Kathryn sa isang pelikula?

Sagot ni David, “Yeah. Depende pa rin naman yung sa producers.”

Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si David sa media junket ng pelikulang Samahan ng mga Makasalanan ngayong hapon ng Huwebes, March 27, 2025, sa Seda Vertis North, Quezon City.

Samahan ng mga Makasalanan director Benedict Mique and lead star David Licauco.

DAVID LICAUCO ON LEAD ROLE IN SAMAHAN NG MGA MAKASALANAN

Bidang-bida si David sa pelikulang Samahan ng mga Makasalanan. Ano ang pakiramdam niya?

Tugon niya: “Well, of course, it goes full circle. Thinking about how I started.

“If you are new at this movie, you tend to really remember how you started.

“And it just means that if you put in the work, you are willing to learn every day, makakamit mo yung pangarap mo.”

Ang role ni David sa pelikula ay isang deacon o ministro ng isang simbahan.

Ipapadala siya ng kanilang simbahan sa isang lugar na makasalanan, ang Sto. Cristo. Ang misyon niya ay baguhin ang ugali ng mga residente ng naturang bayan.

Sa totong buhay ba ay relihiyoso siya?

Tugon ni David, “Yes. I wouldn’t say super religious. Pero naman, I believe in God. I pray.”

Marami raw natutunan si David sa direktor nila sa Samahan ng mga Makasalanan na si Benedict Mique.

Aniya: “Magaling si Direk. I learned a lot from him.

“Especially yung sa pagtulo ng luha. Kasi minsan, naluluha agad ako.

“So I think there’s timing in everything.

“And specifically, when you are crying, dapat sakto, dun din luluha.

“So that was a challenge for me.

“But something I would bring with me in my next project.”

Kasama rin sa Samahan ng mga Makasalanan sina Sanya Lopez, Joel Torre, David Shouder, Soliman Cruz, Betong Sumaya, Chariz Solomon, Liezel Lopez, at Jade Tecson.

Kabilang din sa cast sina Jun Sabayton, Chanty Videla, Jay Ortega, Christian Singson, Shernan Gaite, at child star Euwenn Mikaell.

Ang producer ng pelikula ay ang GMA Pictures.