Lubos ang pasasalamat kay Julia Barretto ng pamunuan ng Project Pearls Philippines dahil sa mga kabataan na pinasaya niya ngayong Pasko sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong at mga regalo.

Isang non-profit organization ang Project Pearls Philippines na tumutulong at nagpapaaral sa mga kabataan na kapus-palad, kaya natutuwa sila sa walang-sawang suporta na ipinagkakaloob ni Julia.

“Nagpapasalamat po kami kay Miss Julia Barretto for always advocating and supporting our projects.

Julia Barretto with Project Pearl Philippines kids.

“Ever since nung pandemic po, nung nalaman niya yung about po sa mission namin, talagang palagi siyang sumusuporta at ginagamit niya yung platform niya bilang artist para makatulong sa iba’t ibang community namin sa Tondo, Bulacan, Cavite, and even in Mindanao,” pahayag ng isang tagapagsalita ng Project Pearls Philippines.

Marami ang magagandang pangyayari sa propesyunal at personal na buhay ni Julia ngayong 2024.

At ito ang dahilan ng pagbabahagi niya sa mga nangangailangan—lalo na sa mga kabataan na pinag-aaral ng Project Pearl Philippines—ng mga biyaya na kanyang natanggap.

“It’s such a blessed year so it’s really important to give back all the blessings that we received this year,” sabi ni Julia na personal na pinuntahan kamakailan ang In My Giving Era, ang pagtitipon sa Bocaue, Bulacan, ng mga kabataan na sinusuportahan ng Project Pearl Philippines.

Julia Barretto with Project Pearl Philippines children.
Julia Barretto kasama ang mga kabataang tinutulungan at pinag-aaral ng non-profit organization na Project Pearl Philippines. 

Photo/s: Courtesy of Project Pearl Philippines

“I found out about this organization during the pandemic, actually. So I’ve been helping them and I’ve closely been in touch with Miss Melissa who’s actually the president of the whole organization.”

Si Miss Melissa o Melissa Villa ang founder at president ng Project Pearl Philippines.

“Ito yung very first time on ground ko with them. Kasi during the pandemic, they were just accepting donations. So ngayon lang talaga ako naka-work together with them closely and this is our first project together,” kuwento ni Julia tungkol sa pagkakatuklas niya sa naturang organisasyon.

Sa ngayon ay may limangdaan na ang bilang ng scholar students mula kinder hanggang sa kolehiyo na tinutulungan ng Project Pearl Philippines.

“They’re really our future, it’s always what we say about the new generation but it is true and you know naman how much I love kids,” ang sabi ni Julia na “very grateful, very blessed, very honored at very humbled” ang pakiramdam dahil sa pagtulong na ginagawa niya sa mga kabataan.

Mga dating public servant sa Caloocan City ang mga magulang ni Julia na sina Dennis Padilla at Marjorie Barretto pero wala sa kanyang ambisyon na pumasok sa public service dahil tumutulong lamang siya para ibahagi sa mga nangangailangan ang mga biyaya na natatanggap niya.

“No, no, I don’t think I am built for that. I just wanna share the blessings,” may katiyakang pahayag ni Julia.