Coco and Julia will soon be paired in a movie…

Walang Hanggan is slated to end this Friday, October 26. It stars Coco Martin and Julia Montes (left frame) as well as Richard Gomez and Dawn Zulueta (right frame).

Matapos mapanood sa top-rating primetime series na Walang Hanggan sa ABS-CBN, susubukan naman sa box-office ang tandem nina Coco Martin at Julia Montes.

Magkakaroon na ng pelikula sina Coco at Julia at sisimulan na raw nila itong gawin ngayong taon na ito. Ito ang rebelasyon na ginawa nina Coco at Julia sa Walang Hanggang Pasasalamat Concert na ginanap noong Linggo, Oktubre 21, sa Smart Araneta Coliseum. Halos mapuno ng Big Dome sa dami nang nais makita ng live ang kanilang mga idolo na cast members ng Walang Hanggan.

Bongga ang opening number ng concert dahil sinimulan ito ng tatlong Kapamilya singers na champion sa awitan na sina Christian Bautista, Erik Santos at Jed Madela. Sinundan ng awit nina Juris, Bryan Termulo, Bugoy Drilon, Liezl Garcia, at Aiza Seguerra.

Bago tuluyang matapos ang opening number ng mga Kapamilya singers ay nagtilian ang mga audience nang dumating sina Dawn Zulueta at Richard Gomez, ang tandem na binansagan bilang “Infinite Loveteam.”

Hindi lamang ang soap opera ang tinangkilik ng mga manonood, maging ang kanilang Walang Hanggan Original Sound Track ay nagkamit na ng Platinum Record Award. Habang pinakikita sa big screen ang ilang magagandang eksena mula sa Walang Hanggan ay inawit nina Bryan Termulo, Liezl Garcia at Bugoy Drilon, Christian Bautista, Erik Santos at Juris ang ilang kanta mula sa album.

Isa sa mga highlight ng concert ay ang interview portion ng mga artista. Si Toni Gonzaga ang nag-interview kina Paulo Avelino, Melissa Ricks at Joem Bascon. Kwela namang ininterview ni Vice Ganda ang dalawang Reyna ng Pelikula na sina Ms. Susan Roces at Helen Gamboa. Natuwa ang mga manonood sa pangungulit ni Vice sa dalawa dahil bukod sa napakanta niya si Ms. Susan Roces ay napasayaw pa niya ng “Gangnam Style” si Ms. Helen Gamboa. Kinilig naman ang mga fans nina Richard Gomez at Dawn Zulueta sa interview ni Kris Aquino. Unexpected na hinalikan ni Richard sa lips si Dawn dahil sa kahilingan ng mga fans. Matapos ang interview ay nag-duet sina Dawn at Richard para sa awiting “Reunited.”

Kasunod nito ay ang inaabangang paglabas sa stage nina Katarina (Julia) at Daniel (Coco). Tilian ang mga tagahanga sa duet nila na “Pangako.” Nagulat rin si Julia sa nakaw na halik ni Coco sa kanyang pisngi. Matapos ang kanilang duet ay ininterview ni Boy Abunda ang dalawang lead stars.

Kanina sa backstage, dumaan sina Julia at Coco sa aking harapan at hindi nila alam na nakatitig ako sa kanila at magka holding hands silang dalawa. Anong ibig sabihin ng holding hands na yun?

Julia: “Wala po yun. Kinakabahan lang po kaming dalawa.”

Noong una kayong nagkita sa set ng Walang Hanggan, ano ang first impression ninyo sa isa’t isa? How do you describe each other in one word?

Coco: “Yummy!”

Yummy ka daw sabi ni Coco. Ikaw Julia how do you describe him in one word?

Julia: “Mas yummy! (sabay tawa)

Off cam how would you describe Coco Martin?

“Napaka gentleman, kusa niya talagang inaalagaan ang mga babae.”

Off-cam, how do you describe si Julia?

Coco: “Baby pa, e. Masarap pang alagaan.”

Bilang isang babae, bilang isang young woman? Ano yung nakita mo kay Julia na espesyal?

Coco: “Para sa akin, isa po siya sa mga pinakamagandang artista sa ABS-CBN. Lalo na po na nagdadalaga na siya. Sabi ko nga, masaya ako kasi ngayong nagdadalaga siya, ako yung nakasama nya sa soap-opera. Malungkot ako dahil, pag dalaga na siya baka hindi na ako yung kasama niya.”

Baka daw pag dalaga ka na ay di mo na siya pansinin. Ano yung nais mong sabihin kay Coco?

Julia: “Hindi naman sa hindi papansinin, naka trabaho ko nga siya hindi lang sa Walang Hanggan, so talagang nakilala ko na talaga si Coco.”

What did you learn to each other while doing Walang Hanggan?

Coco: “Unang una siyempre, kumbaga, natuto akong mag adjust sabi ko nga, siguro dahil mas bata siya sa akin and then natutong humaba ang pasensya ko, kasi medyo makulit siya sa set, e, ganyan. Mas na guide ko siya nang tama hindi lang sa trabaho kundi pati sa personal nyang buhay.”

Ikaw ba Julia?

Julia: “Ako naman, mas natuto akong maging mature sa buhay, parang yung mind set, kung paano titingin sa work at personal na buhay, so yun, sya nagturo sa ‘kin kung papaano?

Mga kaibigan, nobody can forget the wedding scenes of Daniel and Katarina. What was the most special part of that wedding?

Coco: “Sa lahat yata ng pelikula at soap opera na napanuod ko, ito yung pinaka magandang kasal na napanood ko. Sabi ko nga, eh, sana totoo, sana totoong nangyayari kasi madadala ka talaga sa eksena, e.”

Sana totoo sabi ni Coco, ikaw Julia?

Julia: “Ako, yung pinaka favorite ko, yung naglalakad ako sa aisle, kasi parang ang nakikita ko, malapit na ako doon sa altar kung nasaan siya.”

Ma mi-miss natin sina Coco at si Julia, parang matagal na hindi natin sila na makikita after nang Walang Hanggan, pero meron akong nalaman na meron kayong gagawin para sa inyong mga tagahanga.

For the first time you are announcing it tonight. What is it?

Coco: “After nitong Walang Hanggan, Tito Boy, kasi sabi ko nga, mahirap agad bumitaw lalong lalo na sa mga artistang kasama ko, honestly, ni-request ko na sana after Walang Hanggan, magkaroon kami ng isang pelikula ni Julia, kaya, ayun, this year sisimulan na po namin yung pelikulang gagawin namin.”

Bilang huling katanungan, base doon sa inawit ninyo kanina na “Pangako,” Coco at Julia, ano ang nais n’yong ipangako sa isa’t isa?

Coco: “Para namang si Daniel at Katerina nung ikinasal. Julia, pangako ko na kahit hindi na tayo magkasama sa trabaho, para sa ‘kin, kung ano man yung nabuong pagkakaibigan dito sa Walang Hanggan, pangako ko sa ‘yo yan, nandito ako para gabayan ka at mahalin ka bilang kaibigan.”

Julia: “Ayan! Pangako ko, lahat ng mga payo mo, lahat ng advised mo, susundin ko. Hindi ako magiging pasaway.”

Halimbawa lang, hyphothetical…last night of the world, Coco, pakakasalan mo ba si Julia? Last night of the world, Julia, papayag ka ba na pakasalan ni Coco?

Coco: “Ako kasi Tito Boy, kumbaga, nasa right age na ako, kumbaga naghihintay nalang ako ng taong mamahalin, kung nagkataon lang siguro na Julia ay nasa tamang edad na, bakit ba hindi?

Julia: “Kung nasa right age ba ako, bakit ba hindi?

So, ibig sabihin nun, yes yun?

Julia: “Yes!” (kinikilig na sagot ni Julia)

Bago tuluyang matapos ang Walang Hanggang Pasasalamat Concert, bilang finale ay inawit ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano ang theme song ng soap opera kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra.

Isa-isang lumabas sa stage ang mga naging bahagi ng serye mula umpisa kabilang rito sina Richard Yap, Eula Valdez, Nonie at Shamaine Buencamino, Valerie Concepcion at marami pang iba.