Marian Rivera impresses Bandila anchor Boy Abunda and audience with her “beauty queen” answers.

If blessed with superpowers, Marian Rivera said in a live interview in the late-night news program Bandila, she would choose the power of healing. Expounding, she said the power of healing would erase envy and jealousy, and not just sickness, which will make everyone happy, including herself.

Natawa si Marian Rivera sa tanong ni Boy Abunda, na hango sa isang linya ng aktres sa Kung Fu Divas, kung mahirap ba talagang maging maganda.

“Konti,” nakangiting pag-amin niya.

Nangyari ito sa live interview ni Boy kay Marian sa “Ikaw Na” segment ng late-night news program na Bandila.

Tanong pa ni Boy, bakit mahirap?

Paliwanag ng aktres, “Kasi, kapag sinasabi nilang, ‘Ay, ang ganda mo! Ay, ganito ka!’ Palaging mataas ang expectation ng tao sa ‘yo. Kailangan kapag lalabas ka, palagi kang maganda.”

Dagdag pa niya, “Mahirap na para sa akin, kasi ang expectation nila, kailangan palagi kang maganda.

“E, simpleng tao lang ako kapag wala ako sa loob ng studio o sa pagiging artista.”

Naniniwala ba siya sa destiny?

“Well, sa pelikula, magkabaligtad kami ni Ate Ai. Si Ate Ai, naniniwala siya sa destiny.

“Ako, sa character ko as Samantha, parang doon ako kay Samantha.

“Kasi, sabi nga ni Samantha, ‘Kung tayo naniniwala sa destiny, e, di sana lahat ng tao naging tamad na lang.’ Kumbaga, maghihintay ka kung anong kapalaran ang naghihintay sa ‘yo.

“Mas maganda siguro kung tinatrabaho mo ang bawat gusto mong makuha sa buhay.

“Kasi, mas masarap ang pakiramdam kapag pinaghihirapan mo, tapos nakuha mo siya nang buong puso mo.”

Sabi naman ni Boy, kung beauty contest daw ang interview na iyon ay nanalo na si Marian sa mga sagot niya.

Sa isang interview ni Marian ay tinanong ito kung nangarap din siyang maging beauty queen.

Sinabi ng aktres na ayaw niya dahil sa question-and-answer portion.

“Mahirap, e, mahirap!” natatawang sabi ni Marian nang tanungin siya ni Boy tungkol dito.

Ang live interview ni Boy kay Marian sa Bandila ang maaaring huling pagtapak ng Kapuso actresss sa bakuran ng ABS-CBN sa mahaba-habang panahon.

Ito na kasi ang huling guest appearance ni Marian sa mga programa ng Kapamilya network, kaugnay ng promotion ng pelikula nila ni Ai-Ai delas Alas na Kung Fu Divas, na ni-release ng Star Cinema.

Ilang empleyado pa nga raw ng network ang bumaba sa set, patunay lamang daw na mami-miss siya at mahal siya ng mga tao sa Kapamilya network.

OJT IN ABS-CBN. Bago maging isang artista at maging ganap na Kapuso, naranasan daw muna ni Marian na mag-OJT, o on-the-job training, sa ABS-CBN noong estudyante pa siya.

Ano ang naaalala ng Primetime Queen ng GMA kapag binabalikan niya ang pag-OJT niya sa ABS-CBN?

“Parang noong nagpo-promote ako, nagpunta ko sa SIR [Showbiz Inside Report]. Sabi ko, ‘Ay, pamilyar sa akin ang building na ‘to! Diyan ako nagla-lunch.’

“So, bumabalik yung mga alaala ko na nag-OJT ako dito.”

Paano nangyari yun?

“Dahil sa school namin. Kumbaga, binibigyan kami ng mga task na, ‘O, ikaw, sa ABS ka. Ikaw, dito ka.’ Nagkataon na yung ibinigay sa akin, sa ABS, sa H.R. [Human Resource].”

Ikinuwento rin ni Marian kung sino ang Kapamilya stars na nakita at nakasalubong niya noon.

“Sina Kristine Hermosa… Tapos, parang nakita ko rin si Heart [Evangelista], nasa may hagdanan. Parang may mga kasama siyang mga aso. Yung ganun.”

DREAMING OF BECOMING A STAR. Naisip din ba niya noon na mag-artista, tulad nina Kristine at Heart?

Sagot ni Marian, “Wala talaga. Yung nasa focus ko nu’n, makatapos ako ng pag-aaral ko.”

Hindi sumagi sa isip niya na isang araw, magiging star din siya?

“Hindi talaga, e. Kahit pag-aartista, hindi ko rin naisip.”

Ano ang talagang gusto niya noon?

“Gusto ko lang makatapos ako ng college ko, o kaya maging teacher. O kaya sa school, mga SPED [Special Education].”

Nakita rin ba noon ni Marian ang ilang sikat na newscasters ng ABS-CBN, gaya ng Bandila anchors na sina Julius Babao, Ces Drilon, at Karen Davila?

Nakangiting sabi ni Marian, “Marami akong nakita, pero parang nahihiya ako.

“Ang nasa focus ko noon, kailangan magawa ko ang parang time ko rito sa ABS, na mag-OJT ako.”

Nang makita raw kasi ni Julius si Marian sa GMA, nasabi raw nito na parang pamilyar. Yun daw pala ay dahil nag-OJT nga rati si Marian sa Kapamilya network.

RIVALRY. Kumusta namang karibal si Ai-Ai delas Alas?

“Mahirap siyang kakumpitensiya,” sagot ni Marian.

Bakit mahirap?

“Dahil malakas ang kumpiyansa niya sa sarili niya at maraming bumubulong sa kanya na ang destiny niya ay maging beauty queen. At pinaniwalaan niya talaga.”

Ano ang pinakapaborito niyang eksena sa Kung Fu Divas?

“Siguro yung beauty pageant!” natawang sabi ni Marian.

Para sa kanya, ano ang nais niyang maiparating sa mga manonood?

“Yung movie kasi namin, palagi naming sinasabi na may puso siya.

“Kumbaga, hindi lang ito tungkol sa kung fu. Kumbaga, bilang tao, alamin mo talaga ang gusto mong mangyari sa buhay mo at dapat maniwala ka sa ninanais mo.

“Kasi, kapag may kumpiyansa ka sa sarili mo, lahat posible. Lalo na kung wala ka namang sinasagasaang ibang tao.”

DINGDONG DANTES. Ayon kay Boy, natutuwa siya dahil nabubuwag kahit paano ang kumpetisyon sa dalawang malaking network—ABS-CBN at GMA—dahil sa pagkakataong nagkakasama sa pelikula ang mga artista ng Kapuso at Kapamilya networks.

Ang boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes ay kasalukuyan ding gumagawa ng pelikula sa Star Cinema, ang She’s The One, kasama ang Kapamilya stars na sina Bea Alonzo at Enrique Gil.

Kumusta naman sila ni Dingdong?

“Happy,” nakangiting sabi ni Marian.

Paano nila napapanatili ni Dingdong na okay silang dalawa?

“Ay, kinilig daw!” bulalas niya.

“Siguro ano, ang sikreto talaga ng relasyon namin, bawat araw, parang first time lahat. Parang bagong mag-boyfriend at girlfriend.

“Siguro, nakakatulong ‘yun para palaging may bago sa inyo sa isa’t isa. Kasi, kung pare-parehas ang routine na nangyayari sa buhay ninyo, nakakasawa.

“At saka, hindi ako nawawalan ng something na masu-surprise ko siya. Ganoon din siya sa akin.”

Ibinuko naman ni Boy na naniniwala raw siya sa kilig ni Marian, dahil nang mag-guest ito sa The Buzz noong Linggo (September 29) at mapanood ang VTR ni Dingdong sa kanya, nakita nila na kinikilig pa rin ito sa boyfriend.

SUPERPOWER. Kung sakaling mabiyayaan siya ng superpower, ano ang kanyang pipiliin na power at saan niya ito gagamitin?

“Siguro ano… power of healing. Kasi, di ba, ang tao kapag pumupunta sa simbahan at nagdarasal, palagi nating ipinagdarasal, ‘Lord, thank you sa lahat. Lord, patawarin n’yo po ako. Lord, buksan n’yo po ang isip ko.’

“Siguro, naniniwala ako, sa bawat tao, kapag naghi-heal, yung nakakatanggap at tinatanggap niya ang mga pagkakataon, parang walang gulo.

“Kumbaga, mas magiging masaya ka sa ibang tao, kung ano ang naa-achieve nila.

“At siguro, kapag nangyari na bawat tao, walang inggit, walang selos, walang sakit na nararamdaman—siguro, mas masarap yun na mas magiging masaya ka para sa ibang tao, at mas magiging masaya ka para sa sarili mo.”

Inulit ni Boy ang biro niya na kung sasali raw si Marian sa beauty contest, Miss Universe na ito dahil sa mga sagot niya.

Pagkatapos ay pumalakpak ang mga tao sa audience, na sa dalawang taon daw ng “Ikaw Na” segment ng Bandila ay ngayon lang daw may live na palakpakan.

Sa huli, sinabi ni Marian, “Siguro, kukunin ko ang pagkakataon para magpasalamat sa inyo. Aaminin ko man po sa sarili ko o hindi, napakasarap ng pakiramdam na, never kong in-expect na makakatungtong ako sa ABS ulit.

“Pero dahil sa Kung Fu Divas, maraming nabago sa buhay ko. Maraming taga-Star Cinema ang napalapit sa buhay ko. Maraming artista na taga-ABS ang naging kaibigan ko.

“At malaking bagay ito para sa akin, kaya thank you sa inyo. Thank you sa ABS.”