Coco at Yassi magkaka-baby na, Hollywood actors kumpirmado na sa Ang Probinsyano!
Yassi and Coco

Matitinding pagsubok na sa trabaho, komunidad, at pamilya na ang napagtagumpayan ni Cardo sa longest-running action-drama series sa bansa na FPJ’s Ang Probinsyano ngunit sa ikaapat na taon ng pagtakbo ng kwento nito, susuungin niya ang pinakamalaking hamon ng kanyang buhay: ang depensahan ang buong Pilipinas.

“Sa susunod na taon, ang magiging kwento na natin ay ang kwento ng buong mundo. Isang malaking-malaking giyera ang mangyayari. Mas maaksyon, mas madrama, mas mabigat ang mga eksena. Hindi lang si Cardo, hindi lang ang pamilya ni Cardo, kundi ang buong Pilipinas,” paglalahad ni Coco na nagsisilbing bida, creative head, at isa sa mga direktor ng programa.

“Kasi ano pa ba ang hindi namin nae-encounter? Ano pa ba ang hindi pi­nagdadaanan ni Cardo? Dapat iba-ibang putahe, iba-ibang kwento para nakaka-relate ang lahat ng tao. Iniiwasan ko rin na magsawa ang tao, dapat laging bagong experience.”

Kasama na sina Judy Ann Santos, Vice Ganda, Anne Curtis, Angelica Panganiban, at Christopher De Leon sa mahigit 430 na aktor at aktres na naging guest stars ng programa.

Malaki naman ang pasasalamat ni Yassi Pressman para sa karakter niyang si Alyana o asawa ni Cardo na napamahal na raw sa kanya. “Nabago ni Alyana at ng palabas ang buong buhay ko. Tinitingala ko po siya. Mabuting tao, mabait, loving – lahat ng characteristics ng isang kagalang-galang na babae.”

At ngayong bagong halal na kapitana ng kanilang barangay si Alyana, nakatakda namang madagdagan ang miyembro ng pamilya nila ni Cardo matapos ang pagkasawi ng buhay ng kanilang panganay dalawang taon na ang nakakaraan.

“Parehas na may career kaming mag-asawa, paano mame-maintain ang relationship? Mas lalong magkakaroon ng flavor at color ‘pag may mga bata na. Ganun naman talaga ang problema ng mga Pilipino, kailangan nating ibigay ang oras at pagmamahal sa mga anak. ‘Yun din ang gusto naming ipakita, na solid kami as a family,” ayon pa kay Yassi.

Nangako pa ang aktor na susulitin nila ang bawat episode ng AP sabay pasasalamat ng actor na wala pa ring banggit kung sila na ba talaga ni Yassi in real life at hindi lang pang-in front of the camera ang kanilang relasyon.

Pero teka bisitahin din kaya ni Cardo si Pangulong Duterte para pag-usapan ang franchise ng ABS-CBN na mapapaso na sa Marso?

May mga pangalang lumulutang sakaling magka-problema diumano ang ABS-CBN sa kanilang prangkisa pero malakas ang pananalig ng Kapa­milya Network ayon sa isang re­liable source na hindi sila mapapasara lalo na nga’t diumano ay dumarami ang sumusuporta sa renewal ng franchise nila sa congress.