Sinegundahan ni Vice Ganda ang sinabi ng senior vice-president ng GMA-7 na si Atty. Annette Gozon-Valdes na walang utang ang It’s Showtime sa Kapuso network.

Sa live episode ng It’s Showtime ngayong Martes, December 17, 2024, saglit na napag-usapan nina Vice, Kim Chiu, Vhong Navarro, at iba pang hosts ang tungkol dito.

Nagsimula ito nang pansinin nila ang makintab na stage ng “Tawag ng Tanghalan,” ang singing competition sa noontime show.

Komento ni Vice, “Paano ba namang hindi kukutitap, ang kintab ng stage na to, parang natapunan ng syrup ng hotcake.”

Pagsang-ayon ni Kim, “Makinang.”

Dagdag ni Vice, “Mas makintab sa bunbunan ko pag 3:30 ng madaling-araw.

“Budgeted na tayo dito, budgeted.”

Sabi naman ni Vhong, “Budgeted na tayo dito, umaasenso na tayo.”

Sabi pa ni Vice, “Let’s claim it na umaasenso tayo.”

Dagdag ng comedian-TV host, “At hindi totoong may utang ang It’s Showtime sa GMA.”

Pagsegunda ni Kim, “Oo nga, sino ba kasi nagpakalat nun?”

Pagkatapos nito ay biglang binanggit ni Vice si Annette.

Aniya, “Bongga talaga to si Miss Annette! I love you, Miss Annette.”

Makahulugang dagdag ni Vice, “Huwag kayong mag-alala, may pamasko si Miss Annette.”

Nag-thank you naman si Kim nang marinig ang sinabi ni Vice.

Vhong Navarro, Vice Ganda, and Kim Chiu on It's Showtime

ANNETTE GOZON-VALDES: “Wala silang utang, wala.”

Noong December 15, 2024, iniulat ng PEP Troika na “mukhang sure to go” na ang renewal ng It’s Showtime sa GMA-7.

Sabi niya, “May hinintay kaming data kaya natagalan kami bumalik sa kanila. Pero siguro mga 95 percent ano na yan.

“Wala namang problema kasi, e. Konting ano lang, konting pag-uusap lang. Andito sina Carlo, nag-uusap kami.”

Ang “Carlo” na tinutukoy ni Miss Annette ay ang ABS-CBN president na si Carlo Katigbak.

Ayon pa kay Miss Annette, walang problema sa ratings ng It’s Showtime.

May tinitingnan lang daw sila sa data at ilan pang pag-uusap sa terms bago nila ma-finalize ang renewal.

Aniya, “Pagdating sa ratings, wala kaming problema. Yung ibang mga ano yung ano namin, mas tungkol sa new terms. Ha! Ha! Ha! Ha!

“Sa ratings, walang problema, kasi ang taas-taas ng ratings ng Showtime.”

Nilinaw rin ni Miss Annette na walang pagkakautang ang It’s Showtime sa GMA-7, taliwas sa mga kumakalat na usap-usapan.

Hindi lang niya idinetalye kung ano ang nasa data na tinitingnan nila.

“Wala, wala, wala! Wala silang utang, wala,” sabi ng GMA-7 executive.